Ikalawang bahagi
NAIPASIYA ni Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na huwag dumalo sa Leaders’ Week ng Asia-Pacific Economic Cooperation sa Peru. Ano ang ipinahihiwatig nito? Na sa kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas na sinalanta ng sunod-sunod na mapangwasak na bagyo, mas minabuti pa ni Bongbong na intindihin kung papaanong itatayong muli ang nawasak na kabuhayan ng mga mamamayan kaysa gumugol ng panahon sa pakikipag-usap ng kalakalan na halos wala’t-wala rin naman. Sa mga darating na kolum, pagtitibayin natin ng mga datos ang pahayag na ito.
Sa ngayon, sapat na ang tukuyin na ang laki ng kalakalang panlabas ng Pilipinas ay tinatayang nasa $110 bilyun sa taong 2023. Kung hahatiin mo ang halagang ito sa dami ng populasyon ng bansa na 110 milyun, lalabas na
bawat Pilipino ay binuhay ng kalakalang panlabas ng tig-isang libong dolyar sa loob ng isang taon. Hatiin mo sa 12 buwan sa isang taon, ang halaga ay lalabas na mga mahigit $80 kada buwan, at hatiin mo sa 30 araw sa isang buwan, ang lalabas na pakinabang ng mga Pilipino sa kalakalang panlabas ay mga $2.60 o mga P153 isang araw, na lalabas sa wakas ay halagang mga P50 kada kainan, tatlong beses isang araw.
Samakatwid, suma tutal, ang kalakalang panlabas ng Pilipinas ay sapat lamang upang pakainin ang bawat isang Pilipino, hindi na pag-uusapan pa ang iba pang pangangailangan sa buhay: edukasyon, tahanan, kalusugan at aliw, at pag-unlad na kultural.
Mangyari pa, ang kwentadang iyan ay batay sa kitang grose, na kung ang pag-uusapan ay neto, malaking halaga pa ang dapat kaltasin sa pakinabang ng bawat isa sa masang Pilipino.
Sa katunayan, pansinin kung ano ang ipinahihiwatig ng dalawang datos na ito.
Sa halaga ng panlabas na kalakalan ng Pilipinas na $110 bilyun, $103.6 bilyun ay halaga ng mga luwas na produkto o exports. Ibig sabihin, $6.4 bilyun lang ang halaga ng mga produktong inangkat ng Pilipinas mula sa mga trade partners nito.
Nakapanlilinlang ang mga pigura sa itaas. Sa unang malas, maganda. Malaki ang exports kaysa imports. Kumbaga may umaasa-sa-sariling ekonomiya ang Pilipinas. Subalit kung susuriing mabuti, bukod sa mga kagamitang pang-elektrisidad na produkto ng makabagong teknolohiya, ang iba pang mga luwas na produkto ng Pilipinas ay pawang bunga ng makalumang agrikultural na kabuhayan tulad ng mga prutas (saging at pinya), abaca, langis ng niyog, mga isda at mga produkto ng mina gaya ng copper at tanso.
Atrasadong lipunan ang inilalarawan ng mga luwas na produkto ng Pilipinas.
Papaano mo ito maipagmamalaki sa isang pagtitipon na nagpapasilip sa kaunlarang tinamo ng mga kalahok na bansa?
Pansinin ang naging pahayag ni DTI (Department of Trade and Industry) Secretary Cristina A. Roque, na siyang itinalaga ni Presidente Marcos bilang Special Envoy sa APEC Leaders’ Meeting. Ganunpaman, minabuti pa rin ni Secretary Roque na ang papagsalitain ng kanyang pahayag ay ang kanyang Undersecretary na si Allan B. Gepty.
Binigyan-diin ni Gepty ang mga sumusunod:
komitment ng Pilipinas sa pandaigdigang
kalakalan at panrehiyong
kaisahang pangkabuhayan
muling pinagtibay
ang di-mababaling panata ng Pilipinas
sa pandaigdigang kalakalan at ekonomikong pagpapaunlad ng World Trade Organization (WTO)
pinatampok ang patuloy na kahalagahan ng
Free Trade Area of the Asia Pacific
(FTAAP) sa mga pagsisikap ng APEC sa rehiyunal na pagsama-samang pangkabuhayan
Nanawagan si Gepty sa mga kasapi ng APEC na tumindig mula sa iba’t-ibang Free Trade Agreements (FTAs) at mga nabuong samahang ekonomiko (Regional Comprehensive Economic Partnership – RCEP at Comprehensive and Progressive Agreement for Trans-Pacific Partnership – CPATPP) upang magtayo ng isang komunidad APEC na may nag-iisa at pinagkasunduang mga alituntunin.
Pagwawakas ni Gepty:
“Habang ginagala natin ang lumalagong masalimuot at pinag-ugnay na mga kalupaan ng mundo, mahalagang bigyan natin ng pangunahing pansin kapwa ang mga nakaugalian at mga napapanahong usaping pangkalakalan at pamumuhunan upang maglatag ng matibay na pundasyon ng ating darating na ekonomikong pagsasanib (Salin ng English na: As we navigate an increasingly complex and interconnected global landscape, it is important that we prioritize both traditional and contemporary trade and investment issues to build a strong foundation for our eventual economic integration).”
Sa larangan ng semantics, napakagandang pakinggan. At sa mga mahiligin sa ganitong istilo ng paghahayag ng ideya, nakapang-aakit ng paghaka ng nobleng pagpapakahulugan.
Subalit huwag umiwas sa realidad. May kahit isa man lang bang pangungusap tayong nabasa na kung ano at gaano karaming kalakal ang ititinda ng Pilipinas at ano naman ng iba pang kasapi ng APEC upang tiyakin na sa kalakalang magaganap ay walang nakalalamang, lahat parehas ang pakinabang?
Wala, kahit isa.
Mangyari pa, katangian ng ganung mga pagtitipon na ang mga pahayag ng mga, kung tawagin sa English ay, motherhood statements ay hindi nagtataglay ng mga detalye. Magkaganun man, sa kaso ng Pilipinas, talagang wala siyang detalyeng maaaring ipantay sa katangian ng mga higanteng kasapi ng APEC.
Dahil nga ganun ang kalakalan. Binuhay ito upang pagyamanan ng prodyuser sa kapariwaraan ng konsyumer.
Kasamaang palad ng Pilipinas na sa APEC, kabilang siya hindi sa prodyuser kundi sa kunsyumer.
- Advertisement -