PINURI ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang isang grupo ng mga unibersidad at kolehiyo sa Mindanao sa kanilang promosyon ng pagkakaisa sa pamamagitan ng sports at kultura.
Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng MASTS Friendship Games and Cultural Festival na ginanap sa Blue Oval sa kapitolyo ng lalawigang ito noong Linggo, sinabi ni TOL na sinasalamin ng pagtitipon ang “pagpapahalaga sa sportsmanship, kultura, at pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba.”
Ang MASTS, o Mindanao Association of State Tertiary Schools, ay binubuo ng state universities and colleges sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
“Ipinamamalas ng mga pagtitipong ito ang husay ng mga kabataan, at ang mayamang kultura at pagkakaisa sa Mindanao. Sa kabila ng pagkakahati-hati sa ating mundo, pinatutunayan n’yo na maaaring simulan ang pagkakaisa sa inyong komunidad sa pamamagitan ng sports at kultura,” aniya.
Pinayuhan nya ang mga kalahok na palaging pairalin ang katwiran, respeto, at pagkakaisa sa kurso ng mga paligsahan. Pinaalalahanan din ni TOL ang lahat ng mga kasaping paaralan na sila’y bahagi ng isang mas malaking komunidad na may iisang layunin.