26 C
Manila
Huwebes, Disyembre 12, 2024

Senator Pia Cayetano, nangunguna sa pagsulong ng medical education sa pagbisita sa WVSU-COM

- Advertisement -
- Advertisement -

BUMISITA si Senadora Pia Cayetano sa West Visayas State University (WVSU) kahapon, Nobyembre 27, upang personal na tignan ang dalawang itinatayong gusali para sa College of Medicine nito. Ang proyektong ito ay bahagi ng mga isinulong ng Senadora bilang senior vice chair ng Senate Committee on Finance. Isa sa mga gusali ang magsisilbing makabagong skills and simulation laboratory, habang ang isa naman ay magbibigay ng karagdagang classrooms, bilang paghahanda sa pagdami ng mga estudyanteng inaasahang kukuha ng medikal na kurso dahil sa pagpasa ng Doktor Para Sa Bayan Act. Kasama ng Senadora sina University President Dr. Joselito  Villaruz at Dr. Victor Amantillo Jr., dean ng College of Medicine, sa kanilang pag-iikot sa mga pasilidad.

Sa kanyang panunungkulan bilang tagapamahala ng mga badyet para sa kalusugan at edukasyon sa Senado, patuloy na isinusulong ni Cayetano ang pagpapalawak ng kapasidad ng WVSU na tumanggap ng mas maraming mag-aaral sa kanilang programa sa medisina. Kasama rito ang pagpapagawa ng karagdagang mga gusali, pagpapahusay ng mga pasilidad, modernisasyon ng mga laboratoryo, at pagpapaigting ng mga programa para sa mga mag-aaral. Bahagi ang mga ito ng mas malawak na adbokasiya ng Senador na palakasin ang medikal na edukasyon sa buong Pilipinas.

“We’ve spent over a billion pesos supporting medical education projects through the Seed Fund in just a few years,” ani Cayetano, at tinanaw ang paglago ng pondo para sa mga State Universities and Colleges (SUCs) mula nang kanyang hawakan ito. Simula noong 2021, binigyang prayoridad ng inisyatiba ang pondo para sa mga bago at kasalukuyang medical SUCs upang mapataas ang kanilang kapasidad at mapaganda ang kanilang mga pasilidad.

“This represents our commitment to building a stronger healthcare system by investing in both facilities and future medical professionals” dagdag pa ni Cayetano. Aniya, ganito din ang suportang kanilang ibinibigay para sa mga estudyante ng allied health courses.

Bukod sa Seed Fund at sa pagpapalawak ng kapasidad ng mga medical SUCs, kabilang din sa mga inisyatiba ni Cayetano ang paglalaan ng badyet para sa operasyon ng mga bagong aprubadong medical SUCs. Ang WVSU, na itinatag noong 1902 bilang Iloilo Normal School, ay isa na ngayong pangunahing institusyon sa rehiyon. Ito ang nag-iisang State University, maliban sa University of the Philippines (UP), na may sariling Teaching Hospital. Ang College of Medicine nito, na kinikilala ng CHED bilang Center of Development, ay patuloy na humuhubog ng mga medical professionals para sa Western Visayas at sa buong bansa. “I’m really proud of being able to find the funding for these kinds of worthwhile projects. It is a personal victory for the medical students and faculty here, but it is a collective victory for the people of the province, of the region,” saad pa ng Senador.

Ang suporta ni Senador Cayetano sa WVSU ay bahagi ng kanyang mas malawak na adbokasiya na mapabuti ang kalidad at accessibility ng sa pag-aaral ng medisina sa buong bansa. Sa mga nakaraang talakayan sa badyet sa Senado, binigyang-diin niya ang pangangailangan para sa pangmatagalan at patuloy na pamumuhunan sa ating mga SUCs, lalo na sa kanilang medical at allied health programs, upang matugunan ang kakulangan sa healthcare workforce ng bansa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -