ni Eunice Jean C. Patron
Ang land subsidence, o ang unti-unting paglubog ng lupa, ay banta hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa ibang mga lungsod.
ANG labis na pagkuha ng tubig sa ilalim ng lupa, mabilis na urbanisasyon, galaw ng tectonic plates, at natural na pagkipot ng mga sediment ay nagdudulot ng land subsidence sa buong mundo. Lalong pinalalala ng pagtaas ng lebel ng dagat dulot ng climate change ang problemang ito, na nagiging sanhi ng madalas at matitinding pagbaha lalo na tuwing mataas ang tubig o may bagyo, pati na rin ang mga lokal na hazard management regulations.
Nag-analyze sina Jolly Joyce Sulapas, Audrei Anne Ybañez, at Dr. Alfredo Mahar Francisco Lagmay ng University of the Philippines – Diliman College of Science (UPD-CS), kasama sina Kayla Milcah Marasigan at Julian Marie Bernice Grageda ng UP Resilience Institute Nationwide Operational Assessment of Hazards (UPRI-NOAH) ng land subsidence sa mga pangunahing lungsod ng Pilipinas mula 2014 hanggang 2020.
Ipinakita ng kanilang analysis na ang Bulacan, na nasa Greater Manila, ang may pinakamataas na rate ng pagkalubog na 109 millimeters (mm) per year. Ito rin ang kauna-unahang study na tumingin sa land subsidence sa ibang mga lungsod, kung saan may rate na 11 mm per year sa Metro Cebu, 38 mm per year sa Metro Davao, 9 mm per year sa Metro Iloilo, at 29 mm per year sa Legazpi City. “Mas relevant ang impormasyon sa mga tao sa mga lungsod dahil mas malaki ang epekto nito sa kanila,” sabi ni Sulapas. “Mas vulnerable din ang mga lungsod sa land subsidence dahil ang subsurface strata o ang mga bato sa ilalim ng mga lungsod ay medyo mas bata.”
Ang mga lugar na ito na lumulubog ay kadalasang matatagpuan sa mga industrial at commercial zones, kung saan ang malalaki at malawak na mga estruktura ay nagpapalalala ng subsidence. Mahalagang subaybayan ang mga lugar na ito dahil ang subsidence ay nagdudulot ng mas mataas na panganib sa pagbaha, pagkasira ng mga gusali at imprastruktura, at nagiging sanhi ng mga pagkalugi sa ekonomiya. Pinapalala rin ng hazard na ito ang vulnerability ng mga residente sa mga coastal communities sa mataas na tubig at storm surges na pinalalala ng climate change.
“Mukhang maraming tubig ang kailangan ng mga industrial complexes para magpatuloy ang kanilang operasyon. Ganun din sa mga residential areas,” napansin ni Sulapas.
Inirekomenda ng pag-aaral ang sustainable na paggamit ng groundwater at pinahusay na mga water management practices. Binanggit ni Sulapas na ang mga naunang pag-aaral tungkol sa land subsidence ay kinilala ng National Water Resources Board (NWRB). “In-identify ng Board ang mga zone kung saan ire-restrict ang paggamit ng groundwater,” sabi niya.
“Ang mga co-authors ko ay bahagi ng isang naunang pag-aaral tungkol sa subsidence sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya noong taong 2010,” dagdag ni Sulapas. “Dahil higit sa isang dekada na ang lumipas, nais naming i-update ang deformation data. Sa kaso ng Greater Manila area, ano ang nangyari pagkatapos ng higit sa isang dekada?”
Plano ng team ng mga researchers na magdagdag pa ng data, tulad ng groundwater extraction sa mga major Philippine metropolitan cities na covered ng study nila, at i-correlate ito sa existing information. Balak din nilang patuloy na i-update ang kanilang data para isama ang mga taon mula 2021 hanggang sa kasalukuyan, at makipag-collaborate sa iba pang researchers na interesado ring mag-contribute sa study sa mga susunod na dekada.
Ang research na pinamagatang “Ground subsidence in major Philippine metropolitan cities from 2014 to 2020,” ay nailathala sa International Journal of Applied Earth Observation and Geoinformation, na naglalathala ng mga orihinal na papel na gumagamit ng earth observation data para sa imbentaryo at pamamahala ng mga likas na yaman at kapaligiran.