27.8 C
Manila
Huwebes, Enero 16, 2025

Hamon kay Bongbong: Manahin mo ang iyong ama

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -
Huling bahagi
NOONG 1982, sa kanyang pagdalaw sa Estados Unidos, hinarap ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. ang American Press Association na roon ay nasalang siya sa samu’t-saring pagtatanong kaugnay ng mga base militar Amerikano sa Pilipinas.
Isa sa mga tanong ay kung totoong humihingi siya ng bilyung-bilyung dolyar na upa sa mga baseng iyun.
Tandaan, Bongbong, ang petsa: 1982. Tatlong taon na lang, 1985 na. Panahon na naman ng panibagong negosasyon para sa renta ng mga base. Dapat alam mo na dati ang mga baseng iyun ay kaloob lamang ng Pilipinas sa Amerika, subalit oras na naupo bilang presidente ang iyong ama noong 1965, sinimulan niyang patawan ng renta ang mga baseng iyun. At kada limang taon, padagdag nang padagdag ang upa. At iyun ang pilit na idinidikdik sa iyong ama sa press conference noong 1982.
Mangyari pa, ipinagpilitan ni FM na hindi ang bilyong dolyares ang isyung kanyang ibig ilagay sa ayos kundi ang probisyon ng MDT na nagtatakda na sa oras ng pananalakay sa Pilipinas, ano ang gagawin ng Amerika?
“You go through your constitutional processes,” sagot ni FM sa sariling tanong. “You go to the Senate, you go to Congress. While we all are dying there (Daan kayo  sa mga prosesong konstitusyunal. Punta kayo sa Senado. Punta kayo sa Kongreso. Samantalang kami roon ay nangangamatay na lahat).“
Walang pagbabago sa mga tadhana ng MDT. Nanatili ang kalagayan na kung may sasalakay man sa Pilipinas, dadaan muna sa matagal na mga prosesong konstitusyunal ang Amerika bago umayuda habang ang mga Pilipino ay nangangamatay na. Napakalaki ng mga pagbabago ang magaganap sa kaayusan ng MDT pagdating ng 1985, ang taon ng panibagong negosasyon para sa kasunduan. Partikular sa Estados Unidos, aayaw na ito sa dagdag pang upa. Kailangang tanggalin na sa puwesto si FM. Gaya ng isinigaw ni Cory sa kanyang Civil Disobedience campaign, “Tama na. Sobra na. Alisin na.”
Kumpiyansa sa nagpapatuloy na suporta ng sambayanan, sumang-ayon, Bongbong, ang Tatay mo sa snap presidential election na mungkahi ng Amerika upang wakasan ang nagpapatuloy na kaguluhang likha ni Cory. Totoo naman, nagwagi ang Tatay mo sa snap ekeksyon. At siya ang iprinoklamang panalo ng Batasang Pambansa, ang pinagkalooban ng Konstitusyon ng karapatan at tungkulin na mag-canvass ng mga boto para sa eleksyong pampanguluhan. Subalit tuso ang Amerika. Kakutsaba ng NAMFREL, pinalitaw nito na talamak na dayaan ang naganap sa snap election at ito ang ginamit na isyu upang ilunsad ang People Power Revolt na nagpatalsik sa iyong ama, Bongbong.
Tanong ko lang ngayon, Bongbong. Kung sa halip kaya na inirenegotiate  ang MDT, ay basta na lang ito kinitil ng iyong ama, humantong din kaya ito sa mga kaguluhan ng EDSA 1986?
Sinasabi sa Article VIII ng MDT: “This Treaty shall remain in force indefinitely. Either Party may terminate it one year after notice has been given to the other Party (Ang Tratadong ito ay mananatling may bisa nang walang taning. Alinman sa mga Partido ay maaaring itigil ito isang taon makaraan ang pasabi sa isa pang Partido).”
Sa simpleng salita, kailangan lamang ng Presidente ng Pilipinas na sulatan ang Presidente ng Amerika na ayaw na ng mga Pilipino sa MDT at sa ayaw o sa gusto ng Amerika, pagkaraan ng isang taon, tapos na ang MDT.
Sa katunayan, ganun din ang probisyon tungkol sa pagwawakas ng Visiting Forces Agreement (VFA), ang kasunduan tungkol sa kilos ng mga tropang Amerikano sa pana-panahong pag-ikot nila sa kapuluan, kadalasan ang partisipasyon nila sa mga ehersisyong Balikatan, at sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), na nagbibigay sa Amerika ng siyam na pook sa loob ng mga kampo militar ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas upang gawing sarling mga kampo ng Amerika – walang ipinagkaiba sa Subic Bay o Clark Airfield na mga binuwag makaraang kitilin sa Senado ang resolusyong magpapahaba pa sana sa buhay ng Military Bases Agreement (MBA) na nagwakas noong 1991.
Alinman sa dalawa pang kasunduang nabanggit ay maaaring wakasan ng nakaupong Presidente ng Pilipinas isang taon makaraang sumulat sa Presidente ng Amerika na ayaw na sa mga kasunduang ito ang sambayanang Pilipino.
Ganun kadali, Bongbong.
Noong Pebrero 2020, kinansela ni Pangulo Duterte ang VFA bilang ganti sa pagkansela ng Amerika sa visa ni Senador Ronald de la Rosa. Dapat na pagsapit ng sumunod na Pebrero, tapos na ang buhay ng VFA. Kung bakit dalawang beses makaraan ang kanselasyon, sinuspendi ito ni Duterte, una noong Hulyo 2020, at pangalawa noong Nobyembre ng taon ding iyon.
Iyon ang nag-iwan sa akin ng duda sa pusturang anti-Amerika ni Duterte. Meron siyang mahabang anim na taon upang pawalang-bisa ang tatlong tratadong nagtatali sa kabuhayan ng Pilipinas sa pananakal ng Amerika, pero hindi niya ginawa.
Sa sobrang katusuhan ng Amerika, pwedeng nilalaro niya ang  magkakatunggaling pwersa sa pulitika ng mga bansa upang kulubsaan, hawak niya sa bayag ang mga ito.
Anong katiyakan mo, Bongbong, na ang mga kilos Duterte na nagaganap sa kasalukuyan ay hindi pailalim na maniobra ng Amerika upang gawin ka ngang sunud-sunuran sa bawat nitong maibigan?
Sa buong haba ng panunungkulan ng iyong ama, isang-isang pagkakamali lang ang kanyang ginawa: pumayag sa snap election. Iyun ang nagpaandar sa higanteng mekanismong denisenyo upang ang pamamahala sa bansa ay ilipat sa kamay ng mga tunay na tuta.
Oo, Bongbong. Sa mga kaguluhang likha ngayon ng mga Duterte, hindi maiiwasang malagay ka sa balag na di mo alam ay pakana ng inaakala mong sponsor na Amerika.
Isang-isang bagay lang ang iyong maaaring gawin upang makatiyak ng katatagan sa puwesto: pawalang bisa ang lahat ng tratadong militar na nagtatali sa Pilipinas sa pundiyo ng Amerika.
Isang-isang sulat mo lang, pagkaraan ng isang taon, wakas na ang buhay ng MDT, VFA at EDCA.
Tingnan pag hindi ang kahindik-hindik na kapangyarihan ng China kapwa sa kabuhayan at seguridad ay hindi isinuhay sa dakila mong hangaring ipagpatuloy ang nasimulan ng iyong ama na pagsulong sa Pilipinas sa rurok ng kaunlaran.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -