NITO lamang Lunes, Enero 6, 2025, nakaranas ng isang minor phreatomagmatic eruption ang Bulkang Taal sa Batangas. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naganap ang pagsabog sa pangunahing crater ng bulkan bandang alas-7:34 ng gabi, kung saan isang 600-meter na plume (usok o abo mula sa bulkan) ang tumaas sa kalangitan.
Ang insidenteng ito ay isang paalala ng patuloy na aktibidad ng Taal na hindi pa rin nawawala, kahit nasa Alert Level 1 pa rin ang estado ng bulkan.
Ano ang phreatomagmatic eruption?
Ang “phreatomagmatic eruption” ay isang uri ng pagsabog na nangyayari kapag ang magma ay nagkaroon ng interaksyon sa tubig sa ilalim ng lupa o sa ibabaw ng bulkan. Kumpara sa phreatic eruption na karaniwang steam-driven at hindi naglalabas ng magma, ang phreatomagmatic eruption ay mas malakas at mas mapanganib dahil naglalaman ito ng mga piraso ng magma at abo
Mga detalye at epekto ng pagputok
Ayon sa datos ng Phivolcs, ang pagsabog ay nagtagal ng tatlong minuto at kasabay ng isang volcanic earthquake.
Nakuhanan ang aktibidad na ito ng camera mula sa Lower Calauit Observation Station. Bukod sa mga aberya sa kanyang paligid, nakapagtala ang Phivolcs ng patuloy na pagtaas ng seismic activity mula noong Enero 4, 2025.
Sa kabuuan, nakapagtala ang Phivolcs ng 12 volcanic earthquakes mula Enero 1 hanggang Enero 6, 2025. Kasama rito ang anim na tremor events o ang mga pagyanig na tumagal mula apat hanggang 15 minuto.
Isa sa mga pangunahing obserbasyon ng Phivolcs ay ang “increase in real-time seismic energy measurement” na ang ibig sabihin, ito ang pagtaas ng seismic activity na nagmumungkahi ng posibleng pagka-barado ng mga gas pathways sa bulkan. Ito ay maaaring magdulot ng short-term pressurization at mag-trigger ng isang phreatic o phreatomagmatic eruption.
Ang short-term pressurization ay tumutukoy sa isang pansamantalang pagtaas ng presyon sa loob ng bulkan, karaniwang sanhi ng pag-accumulate o pagkakaroon ng pag-ipon ng mga gas sa ilalim ng lupa o sa bulkan. Kapag ang mga gas (tulad ng sulfur dioxide, carbon dioxide, o steam) ay na-trap sa loob ng mga bitak o kamara ng magma, maaaring magdulot ito ng pagtaas ng presyon sa loob ng bulkan.
Pagbabalik-tanaw sa sulfur dioxide emissions
Ang sulfur dioxide emissions (SO2) ay isang uri ng gas na naglalaman ng sulfur at oxygen. Karaniwan itong inilalabas sa pamamagitan ng volcanic eruptions, ngunit maaari rin itong magmula sa mga industriya tulad ng mga pabrika, planta ng kuryente, at mga sasakyan.
Ang SO2 ay may matapang at masangsang na amoy, na parang amoy ng mga posporo. Sa konteksto ng mga bulkan, ang sulfur dioxide ay nagmumula sa magma. Kapag ang magma ay dumaan sa mga fissures (mga bitak) ng bulkan, naglalabas ito ng mga gas, kabilang ang SO2, na maaaring magdulot ng polusyon sa hangin.
Isang mahalagang aspeto ng aktibidad ng Taal ay ang patuloy na emisyon ng sulfur dioxide (SO2). Ayon sa Phivolcs, ang Taal Volcano ay naglalabas ng mataas na antas ng SO2 sa loob ng nakaraang apat na taon. Mula noong Disyembre 30, 2024, ang bulkan ay nakapagtala ng average na 2.753 toneladang SO2 bawat araw.
Matapos ang minor eruption noong Enero 6, 2025, naglabas ang Taal ng 4,409 toneladang sulfur dioxide. Ang mga emission na ito ay tumutukoy sa pagbuga ng mga mapanganib na gas mula sa bulkan, na maaaring magdulot ng matinding epekto sa kalusugan ng mga tao, partikular sa mga komunidad sa paligid ng Taal Caldera.
Noong Enero 5 at 6, patuloy na nagtaas ang level ng SO2, na nagkapagtala ng 3,035 tonelada noong Enero 5 at 4,616 tonelada naman sa araw ng eruption.
Phivolcs: Patuloy na pagmonitor at pag-iingat
Patuloy na pinapayuhan ng Phivolcs ang publiko na manatiling alerto sa kabila ng Alert Level 1 na ipinataw sa Taal Volcano. Ayon sa kanila, ang Alert Level 1 ay indikasyon ng abnormal na aktibidad at hindi nangangahulugang ligtas na ang bulkan mula sa isang malakas na pagsabog.
Sa ilalim ng Alert Level 1, posibleng maganap ang mga sumusunod na panganib:
- Minor ashfall – Pagbagsak ng maliit na piraso ng abo mula sa bulkan.
- Volcanic earthquakes – Mga pagyanig na dulot ng paggalaw ng bulkan.
- Lethal accumulations o expulsions ng volcanic gas – Pagbuga ng mga mapanganib na gas mula sa bulkan.
Isa pa sa mga babala ng Phivolcs ay ang patuloy na banta ng high concentrations of sulfur dioxide na maaaring magdulot ng long-term health risks sa mga nakapaligid na komunidad. Ang mga gas na ito ay maaaring magdulot ng respiratory problems, pagkahilo, at irritation sa mata.
Panganib ng pagpasok sa permanent danger zone
Sa kasalukuyan, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island at ang permanent danger zone (PDZ) na may radius na 7 kilometers mula sa main crater.
Ang area na ito ay patuloy na itinuturing na isang “no-fly zone” para sa mga eroplano. Ang mga lugar sa paligid ng Taal Volcano, lalo na ang mga nakapaligid na bayan sa Batangas, ay patuloy na binabantayan dahil sa posibleng panganib na dulot ng patuloy na volcanic activity.
Phivolcs: Anu-ano ang mga dapat gawin ng mga tao?
Ayon sa Phivolcs, kinakailangan ang aktibong pag-iingat at pagiging mapanuri ng mga residente sa mga nakapaligid na komunidad ng Taal. Kung may nararamdamang mga pagyanig, ashfall, o pangangati ng mata at lalamunan, agad na magsagawa ng mga hakbang upang protektahan ang sarili.
Mahalaga rin ang patuloy na pagsubaybay sa mga ulat mula sa Phivolcs at mga lokal na awtoridad. Ang Phivolcs ay patuloy na magsasagawa ng monitoring at ibabahagi ang mga update tungkol sa aktibidad ng bulkan.
Patuloy na pag-iingat at pagbabantay
Bagamat ang Taal Volcano ay nasa Alert Level 1 pa lamang, hindi ito nangangahulugang ligtas na para sa lahat. Ang mga eksperto sa Phivolcs ay nagsasabi na patuloy pa rin ang abnormal na aktibidad sa bulkan, kaya’t mahalaga na magpatuloy ang pagbabantay at ang pagiging handa sa mga posibleng panganib.
Ang mga bagong datos at pag-aaral ng Phivolcs ukol sa sulfur dioxide emissions, seismic activity, at mga eruptions ay nagsisilbing gabay upang maging handa ang buong komunidad sa mga kalamidad na dulot ng Bulkang Taal.