26.2 C
Manila
Sabado, Pebrero 15, 2025

Legarda muling isinulong ang seguridad sa pagkain kasunod ng mga ulat ng pagtaas ng hunger rate sa Pilipinas

- Advertisement -
- Advertisement -

IKINABAHALA ni Senador Loren Legarda ang ulat na nagpapakita ng tumataas na antas ng pagkagutom sa mga Pilipino sa buong bansa, na sinasabing pinakamataas mula nang magsimula ang Covid-19 noong 2020.

Ayon sa survey na inilabas ng Social Weather Stations (SWS) noong nakaraang Martes, Enero 14, 25.9% ng mga Pilipino ang nagsabing nakararanas sila ng gutom isang beses sa nakalipas na tatlong buwan.

Ang Mindanao ang nakapagtala ng pinakamataas na antas ng pagkagutom na pumalo sa 30.3%, na sinundan ng Luzon sa 25.3%, Visayas na nagtala ng 24.4%, at Metro Manila sa 22.2%.

Dahil sa lumalalang isyu ukol sa seguridad sa pagkain sa bansa, muling ipinahayag ni Legarda ang kanyang pangako na patuloy na maglulunsad ng mga programa na naglalayong tugunan ang kakulangan sa pagkain at isulong ang ‘sustainable’ na sistema ng pagkain.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng ‘whole-of-government approach’ upang matiyak ang mas malawak na access ng mga Pilipino sa masustansiyang pagkain at mabawasan ang pagkaaksaya nito.

“Ang survey ng SWS ay talagang nakababahala at nagsisilbing babala para sa ating mga nasa gobyerno. Sa mga nakaraang taon, ipinaglaban ko ang kalusugan at kapakanan ng ating mga kababayan. Bilang mga lingkod bayan, hindi natin maaaring balewalain ang isyung panlipunang ito na matagal nang nakaaapekto sa mga Pilipino sa nakalipas na maraming taon, maging dekada,” pahayag ni Legarda.

Dagdag pa niya, “Ang seguridad sa pagkain ay hindi lamang isang isyung pang-ekonomiya. Responsibiliad natin na tiyakin na walang Pilipino ang matutulog ng may kalam ang sikmura. Na walang Pilipino ang haharap sa kahihiyan ng hindi pagkakaroon ng wastong pagkain sa kanilang hapag. Dapat nating tiyakin na ang seguridad sa pagkain ay isang reyalidad sa bawat bahay. Tandaan natin na ang ating bansa ay hindi uunlad kung patuloy ang pagdami ng mga Pilipinong nagugutom.”

Bilang four-term senator, matagal nang ipinaglalaban ni Legarda ang pagpasa ng mga panukalang batas na magtitiyak sa mga Pilipino ng access sa masustansiyang pagkain, maging sa mga susunod na henerasyon.

Noong mga nakaraang taon, inihain ni Legarda ang Senate Bill No. 240 o ang Zero Food Waste Act of 2022, na naglalayong magpatupad ng sistema na magpapababa sa pag-aksaya ng pagkain. Hinihikayat nito ang mga ahensya ng gobyerno na magsagawa ng isang kampanya para sa Zero Food Waste at magbigay ng kaalaman sa kahalintulad na usapin.

Bukod dito, iminungkahi din ng senadora ang Food Forest Gardening Act, na naglalayong isulong ang agroforestry at bigyan ang mga magsasaka ng pagkakaton na magtanim ng low-maintenance food forests.

Gayundin, patuloy na ipinahayag ng senadora ang kanyang suporta sa mga lokal na produkto sa pamamagitan ng kanyang ‘Bayong-All-You-Can’ sa Senado at namahagi ng 2.5 toneladang mga sariwang gulay at iba pang mga pananim. Ang proyektong ito ay nakaangkla sa ibat ibang mga batas na kanyang ini-akda gaya ng Organic Agriculture Act, Agri-Agra Reform Credit Act, at Rural Farm Schools Act.

Gayundin, patuloy na ipinahayag ng senadora ang kanyang suporta para sa mga lokal na produkto sa pamamagitan ng “Bayong-All-You-Can” sa Senado, kung saan toneladang sariwang gulay at iba pang mga pananim, na direktang binili mula sa mga magsasaka sa pamamagitan ng Rural Rising Ph, ang ipinamahagi sa mga empleyado ng Senado.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -