PUBLISH or perish. Karaniwang paalala (o banta?) sa mga guro sa malalaking unibersidad. May malalaking unibersidad, lalo na iyong tinatawag na research university, na sadyang hinahanapanย ang mga guro/propesor na magsaliksik, magsulat, at magpalathala sa mga journal. Mayroon ding mga unibersidad na required ang publikasyon sa isang journal bago makapagtapos ng masterโs degree ang estudyante.
Ipinapakita nito na hindi na pagtuturo lamang ang tanging kailangang gawin ng isang guro, lalo na sa unibersidad, iyong mga tinatawag nating propesor.
(Hindi lahat ng nagtuturo sa kolehiyo ay may karapatang matawag na propesor, ayon sa isang malaking unibersidad, dahil ang pagiging propesor ay rank o ranggo, at hindi batay lamang sa titulong MA o PhD. Ang mga bagong pasok na guro ay instructor muna, bago maging assistant professor, associate professor, full professor, etc. Ang mga part-timer naman ay lecturer ang item. At hindi basta-basta ang prosesong dapat pagdaanan bago makarating sa full professor, kaya may mga guro na hanggang magretiro na ay pwedeng hindi pa rin full professor. At ito lamang daw mga full professor ang may karapatang magkabit ng salitang professor sa unahan ng kanilang mga pangalan. Halimbawa: Professor Juan de la Cruz. Kahit ka pa may doble-dobleng MA at PhD kung hindi full professor ang ranggo mo sa iyong unibersidad, Mr. o Ms. lamang ang pwede mong maging titulo.)
Ang mga journal at ang proseso ng rebyu
Ano ba ang journal? Ito ay publikasyong regular na inilalabas ng isang organisasyon o institusyon. Dati, printed lamang ito. Naglalaman ito ng mga artikulong batay sa saliksik at maaaring nakasulat sa wikang Filipino o sa Ingles. May mga journal na monolinggwal sa Filipino, mayroon namang sa Ingles lamang nakasulat, at mayroon ding nakasulat sa kapwa Ingles at Filipino.
Ngayon, may mga journal na online, o walang pisikal na kopya, at mababasa sa pamamagitan ng internet. Libreng maa-access ng sino mang interesadong mananaliksik, hindi tulad ng pisikal na kopya na kailangang bayaran ang bawat kopya at pinagkagastusan nang malaki para mailathala.
Dahil sa limitadong pondo ng mga organisasyong naglalabas ng mga journal, nauso na ang mga online journal.
Sa kasalukuyan, maraming journal na nananawagan ng submission at tumatanggap ng mga artikulong saliksik. Babanggit ako ng tatlo lamang refereed journal na sa Filipino nakasulat: Malay, Kawing, at Salin. Ang Malay ay inilalabas ng De La Salle University โ Manila dalawang beses sa isang taon. Ibaโt ibang paksa ang tinatalakay ng mga artikulo dito. Ang Kawing ay journal ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF), isang propesyonal na organisasyon ng mga guro at mananaliksik na nagsusulong ng pagpapayaman at intelektwalisasyon ng wikang Filipino. Ibaโt ibang paksa rin ang tinatalakay ng mga artikulong inilalabas nito. Samantala, ang Salin ng Propesyonal na Asosasyon ng mga Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS) ang nag-iisang journal na nakaukol lamang sa mga artikulong tungkol sa pagsasalin at mga akdang isinalin sa wikang Filipino.
Kapag sinabing refereed, dumadaan sa proseso ang mga artikulong isinusubmit sa mga journal na ito.
Tulad ng iba pang mga journal, ang mga artikulong isinusubmit sa mga publikasyong nabanggit ay dumadaan sa mahigpit na proseso ng double blind review. ibig sabihin, bago mailathala, sinusuri muna ang bawat artikulo ng dalawang rebyuwer โ walang pangalan ang mga artikulo at hindi malalaman ng mga rebyuwer kung sino ang mga awtor. Hindi rin malalaman ng mga awtor kung sino ang mga rebyuwer. Ito ay upang matiyak ang pagiging obhetibo ng mga rebyu. Walang personalan, wika nga.
Kinikilalang mga eksperto sa kani-kanilang mga larangan ang mga rebyuwer na ito. Nasa pasya nila kung mailalathala o hindi ang artikulo. Kung hindi makapasa sa isang rebyuwer pero pasado naman sa isa pa, iparerebyu ang artikulo sa isa pang rebyuwer. Kung makapasa sa ikatlong rebyuwer, ilalabas ito ng journal. Kung hindi makapasa sa dalawang rebyuwer, hindi ito ilalabas. Halimbawang aprubado ng mga rebyuwer ang isang artikulo, at may mga mungkahi para sa rebisyon, kailangang sundin ng awtor ang mga mungkahing ito para mapabuti pa ang artikulo. Matagal at mabagal ang proseso kaya madalas na naaantala ang paglalabas ng journal.
Ang predatory journal
Dahil kailangang makapaglathala, may mga guro na nabibiktima ng mga predatory journal. Ano naman ito? Predatory dahil parang ibong mandaragit na naninila ng mga biktima. Ito iyong mga publikasyon na naniningil ng bayad para makapaglathala ka ng iyong artikulo. Hindi na pinipili, o ย nirerebyu ang mga artikulo, bastaโt nagbayad ang awtor, ilalabas ang artikulo niya mahusay man o masama ang pagkakasulat. Kaya kaiingat, kapag ikaw pa ang hiningan ng bayad para mailabas ang iyong artikulo, hindi iyan totoo. Huwag patulan ang mga iyan.
Pagsulat ng artikulong pang-journal
May format na sinusunod ang artikulong pang-journal. May abstrak, panimula, metodolohiya ng saliksik, resulta ng saliksik, kongklusyon, at mga sanggunian. May format ding sinusunod ang bawat journal tungkol sa paghahanay ng mga sanggunian.
Pormal ang lenggwahe ng artikulong pang-journal. Hindi ito tulad ng personal na sanaysay na parang nakikipag-usap lamang sa mga mambabasa. Gumagamit ng pangatlong panauhan at ginagamit ang โang mananaliksikโ sa pagtukoy ng awtor sa sarili sa halip na gumamit ng โakoโ o โakin.โ Umiiwas din sa bulgar na pananalita at mga pagpapaikli (tulad ng baโt sa halip ng bakit, nโyo/niyo sa halip ng ninyo, atbp. May citation o karampatang pagkilala sa mga aklat na sinangguni. Kailangan ding kilalanin kung may sinipi mula sa ibang awtor.
Ang Palihan: PSLLF-Kawing Journal Writeshop 2024
Upang matulungan ang mga guro sa pagsulat ng mga artikulong pang-journal, nagdaos kamakailan ang PSLLF ng isang palihan o writeshop sa pagsulat ng artikulong pang-journal. Nag-imbita ang organisasyon ng mga mananaliksik na magsubmit ng kanilang mga artikulo tungkol sa ibaโt ibang paksa. Pumili ng pitong (7) fellows na sumailalim sa intensibong pagsasanay at mentoring ng kinikilalang mga guro at mananaliksik mula sa ibaโt ibang unibersidad sa Pilipinas (Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, Ateneo de Manila University, De La Salle University โ Manila at PSLLF). Ang mga fellow naman ay mula sa UP Los Banos, UP Diliman, Caloocan National Science and Technology High School, Ateneo de Manila Junior High School, Central Luzon State University, at DLSU-Manila. Isang mentor bawat fellow kayaโt natutukan ang pagpapabuti sa bawat artikulong inakda ng mga fellow.
Ang mga mungkahing pagpapahusay pa sa artikulo ay hindi lamang nauukol sa gramatika at mabisang pagpapahayag kundi maging sa pagdaragdag ng impormasyong makapagpapayaman sa artikulo, sa paghahanap pa ng karagdagang sanggunian, o sa mas angkop na pagsusunod-sunod ng mga detalye. Libre ang writeshop na ito para sa mga miyembro ng PSLLF. Sa pamamagitan ng email nag-uusap ang bawat fellow at ang kanyang mentor. Pagkaraan ng dalawang buwang intensibong pagsasanay, nirebisa ng mga fellow ang kani-kanyang artikulo at nagsubmit sila ng pinal na kopya. Inaasahan na ang pinal na kopya ay maisusubmit at magiging katanggap-tanggap sa isang respetadong journal.
Matagal at mabagal ang proseso ng pagsasaliksik, pagsusulat at pagpapalathala ng artikulong pang-journal. Ngunit may gantimpala namang naghihintay sa bawat artikulo na mailathala โ ang pakiramdam na nakapag-ambag ka sa pagpapayaman ng kaalaman ng mga mamamayan.