
ITO po ay upang tugunan ang mga malisyoso at iresponsableng alegasyon kaugnay sa Fiscal Year 2025 General Appropriations Act (GAA).
Una, hayaan po ninyong itanggi namin ang mga kumakalat na paratang na ang FY 2025 GAA na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ay naglalaman ng mga blangkong pahina o figures. Ang mga alegasyong ito ay lubos na mali at walang ingat.
Ang mga dokumentong ipinresinta ng ilang misinformed individuals ay mga pahina mula sa Bicameral Conference (Bicam) Committee Report, at HINDI mula sa General Appropriations Bill (GAB) o sa GAA.
Mahalagang matandaan na, sa ilalim ng 1987 Constitution, ang Bill — ang GAB, at HINDI ang Bicam Report, ang opisyal na isinusumite para sa konsiderasyon, at approval o pagveto ng Pangulo.
Ang GAB, kasama ang lahat ng detalye nito, ang kumokontrol at ipinipresinta sa Pangulo. Sa sandaling ito ay nilagdaan, ang GAB ay nagiging batas—ang GAA.
Bilang pag-uulit, ang Bill na iprinisenta at nilagdaan ng Pangulo ay kumpletong dokumento, na walang mga blangkong pahina o nawawalang detalye. Sa anumang pagkakataon, hindi naglalabas ang Ehekutibo ng GAA na may blangkong pahina o numero.
Kaugnay nito, nananawagan kami sa ating mga kababayan na maging maingat, mapanuri, at i-verify muna ang impormasyon bago maglabas ng anumang paratang. Kritikal po ang malinaw at tamang pang-unawa sa makabuluhang talakayan.
Kami po ay magalang na nananawagan sa ating mga kababayan na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon; ang komunikasyon ay isang makapangyarihang kasangkapan na maaaring magpatatag o sumira sa isang bansa. Gamitin po natin ito upang itaguyod ang pagkakaisa at pagkakaunawaan, at hindi upang magkaroon ng alitan, galit, at pagkakawatak-watak.
Sa huli, tayo ay iisang bansa.
Maraming salamat po.