PATULOY na pinagtutuunan ng pansin ng Commission on Elections (Comelec) Batangas ang pagsasagawa ng voters’ education at demonstration ng mga bagong Automated Counting Machines (ACM) sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Batangas.
Sa programang PIA Ngayon, ipinaliwanag ni Provincial Election Supervisor Atty. Jonalyn Sabellano na aktibo ang mga election offices sa mga bayan at lungsod sa pagdadala ng ACM demonstration sa mga barangay. Layunin nito na maipabatid sa mga botante ang tamang paggamit ng bagong counting machines.
“Mas mabilis at mas malinaw gamitin ang mga bagong ACM. Sa loob lamang ng 15 segundo, makikita na ng botante ang listahan ng kanilang mga napiling kandidato kapag naisumite na ang balota sa makina. Ang listahan ay maaaring ikumpara ng botante sa kanyang resibo at sa screen ng makina,” ani Sabellano.
Ipinaalala rin ni Sabellano ang ilan sa mga aberya na maaaring maranasan, tulad ng biglaang pagkamatay ng makina dahil sa hindi sapat na pagka-charge ng baterya.
Ayon sa kanya, maituturing itong minimal na aberya na dulot ng human error. Binibigyang-diin niya na kinakailangang fully charged ang baterya ng ACM bago ito gamitin upang maiwasan ang anumang problema.
Target ng Comelec na maabot ang full blast voter’s education hanggang Enero 31. Kabilang sa mga binibigyan ng ACM demonstration ay mga grupo tulad ng tricycle drivers, LGBTQ community, senior citizens, at maging mga mag-aaral. Layunin nito na maipakita ang kalamangan ng bagong mga makina kumpara sa mga ginamit noong nakaraang eleksyon.
Dagdag pa rito, may mga lugar sa lalawigan kung saan kinakailangang isakay sa bangka ang mga ACM upang masigurong maaabot ang mga nasa liblib na lugar. (MPDC-PIA Batangas)