Huling Bahagi
UNANG pampublikong sigaw na “Impeach Sara Duterte!” ay gawa ng isang paring Katoliko sa misa sa EDSA Shrine Sabado kasunod ng “National Rally for Peace” ng Iglesia ni Cristo sa Rizal Park ng nagdaang Enero 13. Sumunod na pampublikong sigaw na “Impeach Sara Duterte!” ay sa isang malaki-laki nang pagtitipon ng mga Katoliko sa EDSA.
Kumpara sa rali ng Iglesia, ang pagtitipon ng mga Katoliko ay tungaw lang na maituturing; ang kanilang hiyaw, isang impit na panaghoy sa kaparangan, malayo sa pandinig ng balana.
Sa isang patutsada sa Tiktok ng isang tagasunod ng INC, ginawang isang katatawanan lamang ang rali ng mga Katoliko.
Sa loob-loob ko, kwidaw.
Tandaan ninyo na sa unang araw ng EDSA 1 (Pebrero 22,1986), lilimampung kasapi ng ATOM (August Twenty One Movement), sa pamumuno ng kapatid ng binayaning si Ninoy Aquino na si dating Senador Agapito Butz Aquino, ang nagtipon sa kanto ng EDSA at Aurora Boulevard, nananawagan ng malawakang pag-aalsa laban sa diktadurang Marcos. Kinabukasan, dumami-dami na ang nagtipon sa paligid ng mga kampo Crame at Aguinaldo, subalit tungaw nga lang na maituturing kung pag-uusapan ang pagpapabagsak ng isang rehimen. Karamihan sa mga tao ay darating-aalis, na parang namamasyal lamang sa isang liwasan, nangungutngot ng sitsirya at humihigop ng palamig. Noon lamang na magsimulang manawagan na si Jaime Cardinal Sin sa Radio Veritas gabi ng Pebrero 23 nagsimulang bumuhos ang kagilagilalas na sangkatauhan na sa ikaapat na araw ng EDSA 1 (Pebrero 25, 1986) ay bumilang ng 2 milyon na armado lamang ng iwing makataong lakas at kapangyarihan ng Santo Rosaryo ay ibinangga ang mga sarili sa pananalasa ng mga tanke militar. Kinabukasan, sumikat ang araw sa nagtatatalon sa tuwa na si Philippine Constabulary Chief Fidel V. Ramos sa balitang lumipad na patakas si Pangulong Ferdinand E. Marcos sampo ng kanyang pamilya.
Tagumpay ang EDSA 1.
Huwag padala sa mga unang numero. Sa giyera, nagsusubukan muna ang mga magkakatunggali bilang pagtantiya sa totoong lakas ng kaaway. Sa oras na makasiguro na ng kalamangan sa kaaway saka pa lang aatake ang isang mandirigma.
Tuso ang pormulasyon ng estratehiya ng “National Rally for Peace” ng INC. Samantalang inihihiyaw na suportado nito si Bongbong, sa kaduluduluhan ay isinisiksik nila ang presidente sa pader na roon ay wala na siyang aatrasan.
Bagama’t ang impeachment ni Sara ay tungkulin ng Kongreso, alam ng INC na ang presidente ay may sapat na kapangyarihan na impluwensiyahan ang resulta nito. Ipinakita na nga na sa bisa ng pakikialam ni Presidente Noynoy Aquino sa pamamagitan ng PDAF ay nagawa niyang ipa-impeach si Chief Justice Renato Corona.
Kung mai-impeach si Sara, hindi maaaring mangyari iyun na walang basbas ni Bongbong. Lalo’t higit kung isasaalang-alang na si Speaker Martin Romualdez na may mahigpit na kontrol sa Mababang Kapulungan ay pinsan pa mandin ni Bongbong at siyang inaasahang makakabangga ni Sara para sa panguluhan sa 2028.
Ang tunay na target ng “National Rally for Peace” ay si Presidente Bongbong Marcos: Makinig o kung hindi ikaw ang ipi-People Power.
Napabalita na ilang sektang protestante ang humalo sa higanteng rali ng INC. At hindi na tago ang pagtaguyod sa mga Duterte ng Kingdom Of Jesus Christ ni Pastor Apollo Quiboloy na tinatayang may 8 milyon na tagasunod. Idagdag mo pa rito ang milyun-milyon pa rin na mga Islam na ipinagmamalaki ni dating Pangulo Rodrigo Duterte na siyang relihiyon ng kanyang ina.
Kaya sa ganap na pagyakap ngayon ng kapariang Katoliko sa panawagan na i-impeach si Sara, lumilitaw na ang bansa ay pumapalaot na sa giyera relihiyoso sa pagitan ng, sa isang banda, Iglesia Katoliko Apostoliko Romana, at sa kabilang banda, ng Iglesia ni Cristo sampo ng mga kaalyado nitong Protestante at Islam.
Ganyan kabigat ang alalahanin na dinadala ni Presidente Marcos Jr. Kung hahayaang makahulagpos, ang namimintong giyera relihiyoso ay namimiligrong magsadlak sa bansa sa di-maimadyin na dugo, dusa’t hirap.
Sa usapin ng armas, ang Iglesia Ni Cristo ay kahit kailan hindi nagpatalo. Noong panahon ng martial law, sinikap ng estado na lusubin ang Central subalit umatras ang mga sundalo sa tindi ng resistensya ng sandatahang pwersa ng INC.
Ang KOJC man ni Quiboloy ay nalantad na nag-iingat ng arsenal ng mga armas sa paghalughog ng mga pulis noong panahong nagtatago ang pastor. Kung may armas, may army. Natural.
At sa kaso ng Islam, nagpapalit-palit lamang ng pangalan ang mga pwersang kontra estado, subalit nanatiling layunin ang ihiwalay ang Mindanao sa Republika ng Pilipinas – mula Moro National Liberation Front (MNLF), tungo sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), hanggang sa Bangsamoro Independent Freedom Fighters (BIFF). Ang Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) ay konsensyon o pagbibigay ng republika ng Pilipinas sa kahilingang magsarili ng mga Muslim.
Sa utak ni Duterte na malinaw na pananatili sa kapangyarihan ang hangad, kung hindi kayang kunin ang buong bansa, maligaya na kahit sa Mindanao na lang siya maghari.
Anong marapat gawin ni Presidente Marcos sa harap ng kalagayang ito?
Kung titingnan ang Konstitusyon, papunta na ba ito sa kalagayan na, kagaya ng isinasaad sa Artikulo VII, Section 18, na bilang Commander-in-Chief ay tatawagin niya ang military upang supilin ang “lawless violence, invasion or rebellion?”