DALAWANG inisyatiba ang isinagawa nitong nakalipas na mga linggo sa bayan ng Romblon, Romblon upang suportahan ang mga magsasaka sa pagpapabuti ng kanilang agrikultural na produksyon at kabuhayan.

Noong Enero 10, tumanggap ng makinaryang pangbukid ang Mapula Farmers Association at MTILCA Association sa ginanap na turnover ceremony. Ang mga makinaryang ito ay mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), sa pakikipagtulungan ng Municipal Agriculturist Office (MAO) at ng lokal na pamahalaan ng Romblon.
Sa pamamagitan ng makinarya ay mapapadali ang mga gawain sa sakahan at mapapataas ang ani ng mga magsasaka.
Aabot naman sa 169 na magsasaka ng palay mula sa mga barangay ng Lonos, Agnay, Mapula, Ginablan, Agnipa, Ilauran, Tambac, Macalas, Lamao, Calabogo at Lio ang nakatanggap ng mga biofertilizer nitong Enero 13.
Ang pamamahagi ng biofertilizer ay isinagawa sa Barangay Bagacay sa pangunguna ng programa ng Department of Agriculture – MIMAROPA.
Ang inisyatiba ay naglalayong itaguyod ang sustainable at makakalikasan na pagsasaka sa mga nabanggit na barangay.
Ayon sa MAO, ang mga hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng lokal na pamahalaan ng Romblon katuwang ang mga nabanggit na ahensya na palakasin ang sektor ng agrikultura ng probinsya. (HR/PJF/PIA MIMAROPA-Romblon)