INIREKOMENDA ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules na gawing state university ang Sulu State College sa Jolo, Sulu.
Nitong January 22, 2025, inihain ni Cayetano ang Senate Committee Report No. 467 na naglalayong palakasin ang edukasyon sa probinsya sa pamamagitan ng advanced instruction at research sa larangan ng agriculture, engineering, at education.
Bilang chair ng Senate Committees on Higher, Technical, and Vocational Education, binigyang diin ni Cayetano ang papel ng edukasyon sa pag-unlad.
“Kung titingnan mo ang Vietnam, na grabe ang hinabol talaga sa Southeast Asia, now their economy has one of the best education systems in the whole world,” wika niya.
“Kung nagugulat na tayo na in the last 20 years hinabol na tayo ng Vietnam, the next 20 years baka iwanan na tayo kung hindi tayo magbabago ng attitude pagdating sa investing sa education,” dagdag niya.
Layon ng panukalang batas na ito na palakasin pa ang Sulu State College — ang nag-iisang state university and college (SUC) sa probinsya — upang matiyak na ang mga mahihirap ngunit karapat-dapat na mag-aaral ay magkaroon ng access sa dekalidad na edukasyon.
Nitong nagdaang taon, nangako si Cayetano na susuportahan ang mga panukalang batas na magtatatag ng mga bagong state colleges, mag-a-upgrade ng mga existing colleges bilang ganap nd state universities, at magko-convert ng mga satellite campus bilang regular campuses.
Ayon kay Cayetano, ang ganitong mga hakbang ay makatutulong na gawing abot-kamay ang dekalidad na edukasyon para sa mga Pilipino, lalo na sa mga probinsya.
Nanawagan din siya para sa mas malaking pondo para sa edukasyon.
“It’s a change in culture and thinking, but it’s also a demand. Kung [ang] young people, they start demanding talaga — ‘You give us less talk and put more money in education’ — it will happen,” wika niya.