NAGHAIN si Senador Win Gatchalian ng mga resolusyon upang masugpo ang iligal na kalakalan ng sigarilyo at vapor products. Layon nitong tugunan ang nawawalang kita ng pamahalaan at ang mga panganib sa kalusugan na dulot ng paninigarilyo at vaping.
Isa sa pangunahing rekomendasyon ni Gatchalian ang paglahok ng mga lokal na pamahalaan o LGU sa inter-agency collaboration. “Mas alam ng mga LGU ang sitwasyon kaysa sa sinuman sa atin. Araw-araw, bawat minuto ay nakikita at nababantayan nila ang mga nangyayari sa kanilang lugar kaya dapat silang pahintulutan o maatasan na supilin ang iligal na kalakalan ng mga produktong may excise tax,” ani Gatchalian.
Iminungkahi rin ng senador ang pagpapataw ng mga parusang partikular sa mga manufacturer, distributor, at retailer na sangkot sa ilegal na pag-iimbak o pag-aalis ng tobacco at vapor products mula sa lugar ng produksiyon, gayundin ang pagkakaloob ng espesyal na pondo para sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas.
“Pati ang mga retailer ay dapat managot. Kahit simpleng pagmamay-ari ng mga ilegal na produkto, dapat silang managot. Kung sinasabi nating ang paninigarilyo at ang ilegal na produktong ito ay mapanganib sa kalusugan ng ating mga mamamayan, nararapat lang na ang mga retailer bilang tagapamagitan ng produktong ito ay mapanagot din,” paliwanag niya.
Ayon pa sa senador, dapat makibahagi ang Anti-Money Laundering Council o AMLC sa pagtunton ng mga transaksyong may kinalaman sa ilegal na produkto. “Alam natin na may kumikita mula sa ilegal na kalakalan na ito. May mga ulat din na bahagi ng mga kita ay napupunta sa mga kriminal na aktibidad, kabilang na ang terorismo. Kaya’t dapat maalerto ang AMLC upang matukoy ang mga personalidad na sangkot sa mga transaksyong ito,” dagdag ng mambabatas.
“Inisyal naming naiporma ang mga rekomendasyong maaaring pag-isipan ng pamahalaan. Bagamat may ilan na nangangailangan ng karagdagang pondo, marami dito ay nakabatay sa polisiya at hindi nangangailangan ng bagong batas. Nananawagan kami sa Department of Finance na ikonsidera ang lahat ng rekomendasyong ito,” ani Gatchalian sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means ukol sa lumalaking iligal na kalakalan sa bansa.
Kabilang din sa mga panukalang resolusyon ang pagtatakda ng iisang tax rate sa lahat ng vapor products, pagpapataw ng ad valorem tax sa vaping devices, paggamit ng track and trace technology, pagpapalakas ng kooperasyon sa pagitan ng mga bansa, pagpupulong ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Council, pagpapawig ng pagsugpo sa mga retailer, pagpapalakas ng pagpapatupad ng batas laban sa mga e-marketplace at e-retailer sa pamamagitan ng compliance orders, at pagpapabuti ng pag-uusig at paghatol sa mga lumalabag.