MINSAN may nagtanong kung may gitling ang salitang sari-sari. Dahil inuulit ang salitang ito, naniniwala ang guro sa literatura na nagtanong sa akin, na dapat itong may gitling. Sinang-ayunan ko siya batay sa umiiral na tuntunin sa gamit ng gitling kapag inuulit ang salita.ย Ngunit mapilit daw ang kanyang editor na walang gitling ang nasabing salita. Sarisari raw ang tamang anyo. Marami kasing nag-iisip na walang salitang sari at ang mayroon lamang ay ang salitang may pag-uulit na: sari-sari.
Para sa kaalaman ng lahat, may salitang ugat na sari. Dito galing ang salitang kasarian. Alisin ang mga panlaping ka– at –an at ang matitira ay sari, ito ang ugat ng kasarian. Malinaw ba? Ano naman ang ibig sabihin ng sari? Ayon sa Diksyunaryo ng Wikang Filipino Sentinyal Edisyon (1998) ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang sari ay โisa sa mga angkan ng tao, hayop, o mga halaman.โ Species sa Ingles. Ayon naman sa Vocabulario de la lengua tagala (1860) nina P. Juan de Noceda at P. Pedro de Sanlucar (inedit nina Virgilio Almario, Elvin Ebreo at Anna Maria Yglopez, KWF, 2013), ang sari ay โpagkakaiba-iba ng mga bagay na magkakasama o magkakahalo.โ
Bihira nating marinig ang sari. Kadalasan, makikita lamang ang salitang kasarian sa mga pormularyong pinasasagutan tungkol sa personal na impormasyon, tulad ng pangalan ng isang tao, tirahan, kasarian, atbp. Dati, dalawa lamang ang blangkong tsetsekan sa kasarian, dahil dalawa lamang ang tinatanggap noon โ babae o lalaki. Ngayon, marami nang pagpipilian: babae, lalaki, atbp. atbp. May blangko rin kung ayaw sagutan ang klasipikasyon batay sa kasarian.
Ginagamit na rin ngayon ang salitang saribuhay, na tumutukoy sa maraming uri ng buhay ng hayop at halaman sa ating paligid. At huwag kaligtaan ang samot-sari.
Samu’t-sari
Isa ito sa mga salitang madalas gamitin ng marami, pero madalas ding mali ang anyo. Karaniwan itong binabaybay na samuโt sari o kayaโy samuโt-sari. Inakala siguro ng marami na ito ayย dalawang salitang pinagsama: samu at sari. May at sa pagitan na naging โt na lamang dahil sa pagpapaikli at dulas ng pagsasalita. At nilagyan ng gitling para pagdugtungin ang dalawang salita.
Ngunit ang totoo, walang salitang samu. May salitang samo na ang ibig sabihin ay pagmamakaawa. Malinaw naman na walang kinalaman ang pagmamakaawa sa samot-sari. Ang samot ay โmaliit na bahagi ng pinaghalu-halong mga bagayโ (KWF Diksyunaryo). Samakatwid, ang salitang samot-sari ay binubuo ng dalawang salita โ samot at sari, at nangangahulugang maliliit at ibaโt ibang mga bagay na pinaghalo-halo.
Ang gitling at inuulit na salita
Dati, may gitling sa mga salitang ala-ala at paru-paro. Nang rebisahin ng noon ay Surian ng Wikang Pambansa (KWF ngayon) ang mga tuntunin sa pagbaybay, inalis na ang gitling kaya naging alaala at paruparo ang dalawang salitang ito. Wala raw kasing mga salitang ala at paro.
Pero kung pakakasuriin natin ang kalikasan ng mga salita sa ating wika, posible na ang ala at paro ay mga salitang ugat na nagkaroon ng pag-uulit kaya naging alaala at paruparo.
Matatandaan ang kaso ng maging โ na ang ugat ay agi, nagkaroon ng pag-uulit, dinagdagan ng panlaping m-, naging maagi-agi, may pagkakaltas at pagdaragdag ng pang-angkop na -ng. Kaya ang pinal na anyo ay maging. (Wika Nga, Mga Salitang Ugat, Enero 8, 2025)
Tandaan natin na ang mga salitang Tagalog ay karaniwang binubuo lamang ng dalawang pantig. Kapag tatlong pantig na ang bumubuo sa salita, alin sa dalawa ang posible: may panlapi na ito o kaya naman ay hiram.
Pagdaragdag ng pantig
May mga hiram na salita naman na iisang pantig lamang, tulad ng gas at tsa. Kung mahilig kayong magmatyag sa pagbigkas ng ating mga loloโt lola, maaalala ninyo na binibigkas ito ng matatanda na gaas at tsaa. Dahil kasi hindi sanay ang mga dila nila sa mga pangngalan (noun) na iisang pantig lamang, kaya nagkakaroon ng pagdaragdag ng pantig.
At hindi ito alam ng mga kabataang nag-aaral ng Florante at Laura ni Balagtas (Grade 8). Ang huling taludtod ng bahaging โKay Celia,โ sa biglang tingin ay 11 pantig lamang, gayong dapat ay 12 pantig: โang tapat mong lingkod na si F.B.โ Bigkas Kastila ang alpabeto noon, kaya ang F.B. ay dapat bigkasing โefe-be.โ Pero ang mga Tagalogย noon, kapag binibigkas ang mga letrang may iisang pantig ay nagdaragdag ng isa pa: kaya ang letrang B, na dapat bigkasing /be/ ay nagiging /bee/ dahil nga sa pagdaragdag ng isa pang pantig. Kung gayon, hindi naman mali o kulang ang pantig ni Balagtas sa huling taludtod. Kailangan lamang nating balikan ang paraan ng pagbigkas sa mga letra noon.
Mayamaya o maya-maya?
May gitling o wala? Sa KWF Diksyunaryo, wala itong gitling. Ayon sa nasabing sanggunian, pang-abay ito at may dalawang kahulugan: 1. Sa sandaling pagkaraan ng kasalukuyan. 2. Ulit-ulit, paulit-ulit.
Samantala, sa Manwal sa Masinop na Pagsulat Ikalawang Edisyon 2015 ng KWF, may gitling ang salita at ang maikling paliwanag: โkaya may anyong mamaya.โ
Tingnan natin ang mga pangungusap na ito:
- Aalis na ako maya-maya/mayamaya. (Ilang minuto na lamang at aalis na)
- Mamaya ako aalis. (Hindi pa ngayon aalis, pagkaraan pa ng ilang minuto. Maaari ring mamayang hapon o mamayang gabi, kaya posibleng oras pa ang bibilangin. Samakatwid, mas immediate o agad-agad ang maya-maya/mayamaya)
- Mayaโt maya ka namang humihingi ng pagkain! (Paulit-ulit ang paghingi ng pagkain, pagkaraan lamang ng ilang sandal)
Kung may mamaya, posible kaya na ang salitang ugat ay mayรข? Pinatutunayan ito ng mayaโt maya (maya at maya). Na ang kahulugan ay ang ibinigay ng KWF Diksyunaryo sa mayamaya โ ilang sandal pagkaraan ng ngayon. May partial na pag-uulit sa mamaya (unang pantig lamang ang inuulit), pero inuulit ang buong salita sa maya-maya. Samakatwid, tama lamang na lagyan ito ng gitling: maya-maya dahil may salitang ugat na maya.
Pagtatanggal ng Filipino sa kolehiyo at hayskul
Nakakalungkot, ang totooโy nakakagalit, ang paggigiit ng ating mga mambabatas na tanggalin na ang wikang Filipino, hindi lamang sa kolehiyo kundi maging sa hayskul. Ayaw na nilang pag-aralan ng mga Pilipino ang sariling wika. Sapat na raw na gamitin itong wikang panturo sa elementarya. Kapag nagkataon, lalo nang mawawalan ng espasyo ang ganitong mga diskusyon na inuugat ang ating mga salita para lalo nating maunawaan ang ating wika at ang ating mga sarili.