INAPRUBAHAN ng Senado noong Enero 28, 2025 sa Second Reading ang panukalang pag-amendya sa charter ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na inihain ni Senador Alan Peter Cayetano upang kilalanin ang papel ng PUP bilang National Polytechnic University.

Bilang sponsor ng Senate Bill No. 2669, binigyang diin ni Cayetano ang pangangailangan na mapabago ang charter ng PUP upang mas mapaglingkuran ang lumalaking bilang ng mga mag-aaral, na umabot na sa 93,000 ngayong taon, at makasabay sa demand ng mga susunod na henerasyon ng mga manggagawa.
“Just to refresh our memories during the budget hearing, when we found out that PUP is basically P12 per unit, while UP (University of the Philippines) is P1,500 per unit… yet when it comes to awards and accomplishments, PUP has done an [equally] amazing job,” wika ni Cayetano sa naganap na period of amendments nitong Enero 28.
Inilalahad ng panukala ang mga pangunahing probisyon na magpapalakas sa pamamahala ng PUP, magpapalawak ng mga kurso, at magtatag ng PUP Center for Artificial Intelligence, Computational Thinking, at Key Emerging Technologies.
Layunin ng inisyatibang ito na makasabay ang PUP sa makabagong teknolohiya at gawing mas accessible ang mataas na edukasyon at pananaliksik para sa mga Pilipino.
Kinilala rin ni Cayetano ang reputasyon ng PUP sa paghinay ng employable graduates kahit na limitado ang kanilang mga resources.
“Sa ilang mga survey, ang sinasabi ng ilang employers, preferred nila ang PUP graduates… If you compare their per capita spending to some of our leading universities, makikita mong they’ve done so much with so little,” wika niya.
Idinagdag din ni Cayetano ang ilan pang mahahalagang amyenda, kabilang na ang pagpapayag ng patuloy na operasyon ng night school ng PUP at pagpapalawak ng komposisyon ng kanilang governing board.
Agad namang inaprubahan sa Senado ang mga ito na nagbigay daan sa Final Reading ng panukala.
Naghayag ng pasalamat si Cayetano sa kanyang mga kasamahang senador at sa komunidad ng PUP sa kanilang suporta.
“Give credit where credit is due – PUP has done an amazing job. Thank you very much to all of our colleagues for their support for this bill,” wika niya.