ILALAPIT ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan ang humigit 2,000 trabaho sa Taiwan para sa mga mamamayan ng siyudad at karatig-lugar sa Nueva Ecija na nagnanais magtrabaho abroad.
Inaanyayahan ng lokal na pamahalaan ang mga interesadong residente na nais magtrabaho bilang factory worker sa Taiwan na lumahok sa isasagawang special recruitment activity sa Biyernes, Pebrero 7, na gaganapin sa Covered Court ng Cabanatuan City Hall.
Ayon kay Cabanatuan City Public Employment Service Office (PESO) Head Ronneil Sanopo, nakikipagtulungan ang pamahalaang lungsod sa Department of Migrant Workers upang mabigyan ng oportunidad ang mga kababayan na magtrabaho abroad at upang makaiwas sa mga illegal recruitment.
โPatuloy po ang suporta ng LGU Cabanatuan para magkaroon ng mga programa para makatulong na maitaas ang antas ng pamumuhay natin, para tayo ay mabigyan ng trabaho,โ pahayag ni Sanopo.
Kamakailan lamang ay nakiisa ang pamahalaang lungsod ng Cabanatuan sa pagdaraos ng nationwide job fair, kaalinsabay sa pagdaraos ng Banatu Festival Job Fair, na kung saan humigit 2,000 trabaho rin ang inialok ng nasa 35 kompanya na lumahok sa aktibidad.
Pahayag ni Sanopo, layunin ng mga isinasagawang programa na makatulong sa mga mamamayan hindi lamang sa mga tiga-Cabanatuan, kundi sa mga kababayan mula sa mag karatig bayan at lungsod sa Nueva Ecija na makahanap ng trabaho.
Aniya, sa mga isinasagawang job fair ng PESO Cabanatuan ay sinisiguro na ang mga iniaalok na trabaho ay para sa lahat, hindi lamang para sa mga propesyunal bagkus ay mabigyan ng pagkakataon na madaling makahanap ng trabaho ang mga higit na nangangailangang mamamayan, tulad ang mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral.
Pahayag ni Sanopo, bilang sentro ng komersyo sa buong lalawigan ng Nueva Ecija ay nananatiling in demand na trabaho sa lungsod ng Cabanatuan ang may kinalaman sa wholesale at retail.
Bukas aniya ang opisina ng PESO Cabanatuan para sa mga nangangailangan ng tulong sa paghahanap ng trabaho.
Maaaring sumadya sa kanilang opisina sa Cabanatuan City Hall o kaya naman ay magpadala ng mensahe sa kanilang opisyal na social media page na Public Employment Service Office โ Cabanatuan City at sa kanilang himpilan sa numerong 09190811300. (CLJD/CCN, PIA Region 3-Nueva Ecija)