MAGSISIMULA na ang kampanya ngayong Martes, Pebrero 11, 2025 para sa 66 kandidato na tumatakbong senador at 156 party-list organizations.
Sa bisa ng Rules and Regulations Implementing Republic Act No. 9006, otherwise known as the “Fair Election Act,” in connection with the May 12, 2025 national, local, at Bangsamoro Parliamentary Elections o Resolution 11086, na pinagtibay noong Disyembre 9, 2024, ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec) ang mga alituntunin para tiyakin ang patas, malinis, at maka-kalikasang pangangampanya para sa darating na halalan .
Ayon dito, maaari nang mangampanya ang mga kakandidato sa pagka-senador at mga party-list mula Pebrero 11 hanggang May 10, 2025 at mula Marso 28 hanggang Mayo 19, 2025 naman para sa mga tatakbong kinatawan ng Mababang Kapulungan at mga opisyal ng lalawigan, lungsod, munisipalidad kasama ang Bangsamoro Parliament.
Nagpaalaala si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia nitong weekend ang kanyang babala sa lahat ng kandidato na mahigpit na sumunod sa mga batas sa halalan sa mga gastusin sa kampanya upang maiwasan ang posibleng diskwalipikasyon at pagkakulong.
Nagsisilbing gabay ang Comelec Resolution 11086 hindi lamang ng mga kandidato at partido kundi maging ng mga botante, upang mapanatili ang integridad ng eleksyon.
Narito ang ilang mga alituntunin na nakapaloob sa naturang resolusyon.
Mga dapat gawin
Bago magsimula ang opisyal na panahon ng kampanya, partikular na hindi bababa sa 72 oras, kinakailangang alisin ang mga election propaganda. Kabilang dito ang mga pangalan, larawan, logo at iba pang simbolo sa mga pampublikong lugar.
Hinikayat din ng Comelec na gumamit ng mga makakalikasang campaign material na recyclable at eco-friendly.
Pinaiiwas ng Comelec na gumamit ng mga mapanganib na kemikal sa mga campaign materials.
Sukat ng campaign materials at limitasyon sa gastusin
Bukod pa rito, nais ng Comelec na sumunod sa itinakdang laki ng campaign materials ang mga kandidato.
Itinakda ng resolusyon ang mga kaukulang sukat para sa bawat campaign materials na gagamitin sa kampanya. Ayon dito, hindi dapat lumampas sa 8.5 inches x 14 inches ang pamphlet o leaflet, 2×3 feet naman para sa poster; 3×8 feet para sa streamer na kinakailangang alisin sa loob ng 24 oras pagkatapos ng rally.
Itinakda din ng resolusyon, partikular nan sa Seksyon 5, ang limitasyon sa kabuuang gastusin ng bawat kandidato at partido.
Para sa mga kandidatong may partidong pulitikal dapat gumastos lamang ng ₱3.00 kada botanteng rehistrado sa kanyang nasasakupan.
Samantala, ang kandidatong walang partidong pulitikal naman ay ₱5.00 kada botanteng rehistrado.
Kinakailangan ding ₱5.00 kada botanteng rehistrado ang gagastusin ng isang party list representative.
Ayon pa sa resolusyon, kinaikailangang tiyakin ng kandidato na may pahintulot itong gumamit ng musika, slogan o iba pang copyrighted materials sa pangangampanya.
Maaaring makasuhan sa Intellectual Property Office of the Philippines ang sinumang lalabag dito.
Karaniwang ginagamit sa mga campaign jingle ang mga musika na pinapalitan lamang ng lyrics na pinatutugtog sa panahon ng kampanya.
Mga araw na bawal mangampanya
Itinakda rin ng resolusyon ang mga araw na bawal mangampanya. Kinabibilangan ito ng Huwebes at Byernes Santo sa Abril 17 -18.
Bawal naman nang mangampanya sa Mayo 11, sa bisperas ng Araw ng Halalan at sa mismong araw ng halalan sa Mayo 12.
Maaaring humarap sa legal na parusa mula sa Comelec ang lalabag sa alituntuning ito.
Mga hindi dapat gawin
Mahigpit na ipinagbabawal ang pangangampanya bago ang opisyal na panahon ng kampanya.
Maaaring madiskwalipika ang lumabag dito.
Mahigpit na ipinagbabawal ang campaign materials na gawa sa plastic o hindi biodegradable.
Hindi rin maaaring manghimasok ang sinumang dayuhan, ayon sa Seksyon 4 ng resolusyon.
Panghihimasok na ituturing ang pagbibigay ng tulong direkta o di-direkta man ito sa kandidato o sa partido.
Hindi rin maaaring makialam o mang-impluwensya ang isang dayuhan sa eleksyon.
Gayundin, hindi maaaring magbigay ng donasyon para sa kampanya ang isang dayuhan.
Maaaring kasuhan at mapatawan ng kaukulang parusa ayon sa batas ng Pilipinas ang sinumang dayuhan na lalabag sa alintuntuning ito.
Bawal maglabas ng pondo para sa social service.
Samantala, simula Enero 12, ipinagbawal na ang mga paggamit ng pondo ng gobyerno para sa mga social services at housing-related projects, halimbawa dito ay ang AKAP.
Hindi na rin maaaring maglipat o maglagay nng civil service officials at empleyado maliban na lamang sa mga unipormadong kawanin ng Armed Forces of the Philippines sa panahon ng eleksyon.
Simula naman sa Marso 28, bawal na gamitin ang pondo ng gobyerno para sa mga public works gaya ng pagpapagawa ng mga kalsada at tulay, maging ang paged-deliver ng mga materyales para sa mga ito.
Bawal na rin simula sa petsang ito na mag-promote o mag-appoint ng mga kawani ng gobyerno maliban na lamang kung magbigay ng exemption ang Comelec.