28.5 C
Manila
Linggo, Abril 27, 2025

Puerto Princesa City isinailalim sa ‘state of calamity’

- Advertisement -
- Advertisement -

ISINAILALIM na sa “state of calamity” ang lungsod ng Puerto Princesa noong Pebrero 11.

Ito ay matapos aprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang kahilingan ng City Disaster Disk Reduction and Management Council (CDRRMC) na isailalim sa state of calamity ang lungsod dahil sa pinsala ng malawakang pagbaha sanhi ng pag-ulan nitong nakaraang Sabado at Linggo dala ng shear line at Intertropical Convergence Zone (ITCZ).

Sa pagdeklara ng state of calamity, magagamit na ng pamahalaang panlungsod ang aabot sa P86 milyon na quick response fund ng siyudad para bigyan ng tulong at ayuda ang mga nabahaang residente.

Batay sa pinakahuling ulat ng CDRRMO, umaabot sa 3,086 na pamilya ang apektado sa 18 barangay na nabahaan sa buong siyudad.

Ayon sa paliwanag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA)-Puerto Princesa Weather Chief Sonny Pajarilla, ang pag-uulan nitong nakaraang Sabado at Linggo sa Puerto Princesa ay hindi nalalayo sa bagyong Ondoy.

Ito ay isa ring “record-breaking” na buhos ng ulan matapos ang halos 50 taon mula ng maitayo ang Pagasa station sa siyudad noong 1948.

Sa ulat ni Pajarilla sa CDRRMC meeting noong Pebrero 10, umabot sa 341.7 millimeter (mm) ang kabuuang naitalang ulan mula Pebrero 7 hanggang Pebrero 10, 2025 sa lungsod.

Pinakamarami dito ang naitalang ulan noong Pebrero 9, na 150 mm na rainfall accumulation sa loob lamang ng tatlong oras.

Sabi ni Pajarilla, para sa kaalaman ng publiko, ang normal na dami ng pag-ulan sa lungsod para sa buwan ng Pebrero ay 30.7 mm lamang. Ang naitalang extreme rainfall para sa parehong buwan ay 140.8 mm na naitala noong Febrero16, 2012.

Ang pinakamataas na rekord naman ng pag-ulan na naitala ay 269.3 mm noong Disyembre 29, 1975 ngunit ito ay buhos ng ulan sa loob ng 24 oras at ang rekord na ito ay natakpan ng rekord ng buhos ng ulan ngayong Pebrero 2025. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan/Photos courtesy of Jeh Cervancia)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -