27.9 C
Manila
Linggo, Abril 27, 2025

Mga mag-aaral nakiisa sa tree-hugging campaign ng DENR

- Advertisement -
- Advertisement -

UPANG ipadama ang kanilang suporta sa pangangalaga sa kalikasan, nakilahok ang 25 na mga mag-aaral sa tree hugging campaign ng Department of Environment and NaturalResources (DENR) region 2.

Ang mga mag-aaral ng Grades 2 at 3 mula sa Carig Integrated School ay mga kalahok sa “Little Tree Huggers” program ng DENR na ginanap sa Rogelio B. Baggayan Nature Park and Wildlife Center sa lungsod na ito kasabay ng pagdiriwang sa Buwan ng mga Puso.

Kasama ang kanilang mga guro at magulang, ang mga bata ay naglibot sa Nature Park at natuto tungkol sa pangangalaga ng wildlife o buhay ilang.

Nagkaroon din sila ng masaya at makulay na karanasan sa pamamagitan ng “Sierra Agila at Ako” – isang coloring workbook na inilunsad ng DENR Region 2 upang turuan ang mga kabataan tungkol sa pagprotekta ng wildlife, katulad ng agila.

Sa kanyang mensahe, hinimok ni DENR Cagayan Valley Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ang mga bata na simulan ang pangangalaga sa kapaligiran.

“Kahit sa murang edad, malaki ang inyong magagawa para maprotektahan ang ating kalikasan. Simulan sa pagtatanim at pag-aalaga ng mga puno, sa pagtatapon ng basura sa tamang lalagyan, at sa pagiging magandang halimbawa sa kapwa ninyo mag-aaral,” ani Director Bambalan.

Nakiisa rin ang mga ENR Ambassadors mula sa Cagayan National High School upang ituro sa mga lumahok ang iba’t ibang eco-friendly at sustainable na gawain.

Samantala, nagpahayag naman ng suporta ang mga estudyante mula sa Afusing National High School at Tuguegarao City West High School sa isinagawang environmental symposiums at tree growing activities na pinangunahan ng Cagayan Provincial Environment and Natural Resources (ENR) Sub-Office at Community. (OTB/PIA Region at mula sa DENR Region 2) 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -