27.3 C
Manila
Biyernes, Marso 28, 2025

Magsalin ay di biro

- Advertisement -
- Advertisement -

Ikalawang bahagi

 AYAW man natin, nasa ating kamalayan na ang wikang Ingles. Hindi ko sinasabing mahusay ang mga Pilipino sa wikang ito, o magaling magpahayag sa wikang ito. Ang ibig ko lamang sabihin, dahil Ingles ang pangunahing wikang panturo sa nakamihasnan nating sistema ng edukasyon, may mga pagkakataon na lumalabas sa ating bibig ang mga pahayag sa Ingles na tinumbasan ng mga salita sa Pilipino. Para bang nagsasalin nang hindi namamalayan – ang nasa isip ay pahayag na Ingles, pero mga salitang Filipino ang lumalabas sa bibig.

Ang isang halimbawa ay ito – na binigkas ng isang senador na minsang tumakbo sa pagka-Pangulo ng bansa. Ang sinabi niya ay: “namatay sa linya ng tungkulin.” Ang nasa isip niya ay ang Ingles na pahayag na “in the line of duty.” Kaugnay ito ng mga sundalo na namatay habang ginagampanan ang tungkulin sa bayan. Pero dahil sa wikang Filipino siya nagsalita, awtomatikong isinalin sa isip niya ang “in the line of duty,” at lumabas nga sa bibig ang “sa linya ng tungkulin.”

Isa sa mga mahirap isalin ay ang mga idyoma o matalinghagang pananalita. Ito ay mga pahayag na may malalim na kahulugan, na lampas pa sa isinasaad ng paimbabaw na kahulugan ng mga salita. Para itong patibong, na sa unang tingin ay simpleng mga pahayag lamang, pero kung hindi ka maingat, baka hindi mo agad makilala na idyoma pala ito at kailangang pag-isipang mabuti ang pagtutumbas.

Naiintindihan sa wikang Ingles ang “in the line of duty.” Pero ang “sa linya ng tungkulin”? Isa-sa-isang tapatan ng mga salita, na baka hindi maintindihan ng ilang Pilipino, maliban kung tulad ng nagsalita ay nakakaintindi ng Ingles, at agad maiisip na ito ay halimbawa ng literal na salin ng isang pahayag na maituturing na idyoma o matalinghagang pananalita.


2 paraan ng pagsasalin ng idyoma 

May dalawang paraan ng pagsasalin ng idyoma: 1) ibigay ang literal na kahulugan; 2) ihanap ng katumbas o katapat na idyoma. Ang unang paraan ang ginamit ng senadora sa nabanggit na halimbawa; sa kasamaang palad, naging katawa-tawa ang kanyang salin dahil hindi nailipat sa Filipino ang kahulugang nasa Ingles.

Maaari namang sinabi na lamang na “namatay ang mga sundalo sa pagtupad ng kanilang tungkulin.” Pero ang “linya ng tungkulin” – matuwid na daan kaya ito o baluktot?

May mga pagkakataon na ang literal na katumbas ay makapagpapayaman sa tunguhang lenggwahe (TL) o wikang pinagsasalinan. Ang isang halimbawa ay “raining cats and dogs,” na tungkol sa ulan na dahil napakalakas ay parang may nagbabagsakang aso’t pusa sa bubong ng bahay. Wala itong katumbas na idyoma sa Filipino kaya pwedeng tumbasan na lamang ng “napakalakas na ulan.” Pero hindi nakuha ng pahayag na ito ang larawan ng napakaingay at mapwersang bagsak ng ulan sa bubong. Kaya hindi naman katawa-tawa ang “dahil sa lakas ng ulan, parang lumalagapak ang aso’t pusa sa aming bubong.” Literal ang pagbanggit sa aso’t pusa pero kuhang-kuha naman ang larawan ng napakalakas na bagsak ng ulan sa bubong.

- Advertisement -

Ang isa pang halimbawa ay idyomang Ruso tungkol sa isang bagay na imposibleng mangyari. Ginagamit nila ang “till hair grows on the palm of one’s hand.” Alam naman natin na kahit mga unggoy, walang buhok o balahibo sa palad. Kaya kung hihintaying tubuan ng buhok ang palad ng tao, para mo na ring sinabi na imposible itong mangyari. Kung gagamitin natin sa wikang Filipino ang literal na katumbas ng idyomang Ruso: “kapag tinubuan na ng buhok ang aking mga palad,” hindi ba’t yumaman ang ating pahayag?

Sa Filipino, ginagamit natin ang “pagputi ng uwak”para ipahayag ang imposible. Imposibleng pumuti ang uwak, na isang ibong itim, kaya kapag ginamit nating kondisyon ang “pagputi ng uwak,” ang imposible ang tinutukoy natin.

Sa Ingles naman, ang imposible ay ipinapahayag sa pamamagitan ng “till hell freezes over” o “kapag nagyelo ang impyerno.” Itinuturing kasi ang impyerno na isang napakainit na lugar, at dito pinaparusahan ang mga kaluluwa na nang nabubuhay pa ay naging napakasama at nakagawa ng napakaraming kasalanan. Gayon man, sa “Inferno” (bahagi ng Divine Comedy ng Italyanong makatang si Dante Alighieri, ang impyerno ay napakalamig na lugar, dito kasi dinadala ang mga makasalanan na may pusong napakatigas at napakalamig.

Ang pangalawang paraan ng pagtutumbas ng idyoma ay paghahanap ng katumbas na idyoma. Kailangang magsaliksik para maisagawa ito.

Sa Filipino, paano inilalarawan ang krimen kaugnay ng natagpuang duguang bangkay? Hindi ba: “naliligo sa sariling dugo”? Sa Ingles, ang katumbas ay: “lying in a pool of blood.” Pero sa mga hindi nakakaalam, maaaring “bathing in one’s own blood” ang itapat sa idyomang Filipino; samantala, ang Ingles na pahayag naman ay posibleng tumbasan ng “nakahiga sa lawa ng dugo.”

Ang mga nabanggit ang halimbawa ng paghahanap ng katumbas na idyoma sa tunguhang lenggwahe. Mas makulay ang idyoma sa wikang Filipino na “naliligo sa sariling dugo” kaysa sa literal na salin na “nakahiga sa lawa ng dugo.” Nakakatawa naman ang “bathing in one’s own blood” kung alam mo na ang idyoma sa Ingles ay “lying in a pool of blood.”

- Advertisement -

Di ba, magsalin ay hindi biro? Laging nakaharap sa mga hamon ang isang tagasalin. Kapag nakaharap sa idyoma o matalinghagang pananalita, nasa tagasalin ang pinal na pagpapasya kung paano niya tutumbasan ang idyoma – literal na tumbasan ba o ihahanap ng katapat na idyoma sa tunguhang lenggwahe? Alin man ang piliin ng matalino at mahusay na tagasalin, tiyakin niyang maiintindihan ng kanyang target na mambabasa ang kanyang salin at posibleng makapagpayaman pa sa tunguhang lenggwahe. Ganyan kabigat ang tungkulin ng tagasalin.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -