27.3 C
Manila
Biyernes, Marso 28, 2025

Duterte huli

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -
MATAGAL ko nang pinakaaabangan na mangyari ito. Kung matatandaan ng mga mambabasa, minsan ko nang nausulat dito na kung hindi maaaresto si dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte, presidente na si Sara. At hindi eleksyon ang tinutukoy ko noon. Napakalayo pa ng 2028 para pag-usapan ang agarang paghalili sa pangulo. Ang inaaalaala ko noon ay ang senaryo ng paghalili ni Gloria Macapagal Arroyo kay Presidente Joseph Ejercito Estrada noong 2001. Sa ilalim ng Konstitusyong 1987, ang pangulo na nakapagsilbi na ng apat na taong panunungkulan ay hindi na kwalipikadong tumakbo pa ng re-eleksyon. Kaya kailangan munang hintaying makatapos ng tatlong taon na pag-upo sa puwesto si Estrada bago siya halinhan ni Gloria dahil kung hindi at mapaaga, hindi na  makatatakbo sa susunod na eleksyong pampanguluhan si Gloria. Naganap ang senaryo. Napatalsik si Estrada ng EDSA People Power 2 noong 2001, kaya mahigit na tatlong taon na lamang ang nalalabing termino na paglilingkuran ni Gloria – kaya pwede na siyang tumakbo sa susunod na eleksyong pampanguluhan. Nanalo si Gloria sa eleksyon. Nakapagsilbi siyang pangulo nang kulang-kulang sampung taon – pangalawa lamang ng kay Ferdinand E. Marcos na 20 taon.
Sa anu’t-anuman, ang senaryo ni Gloria ang nakita kong ibig tahakin ni Sara nang bigla-bigla ay makipagkasira siya kay Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ang pakikipagsira ay dinagdagan pa ng kilusang Maisug na pinamunuan ng kanyang Tatay at masugid na nilahukan ng mga kapatid na Polong at Baste. Sa mga rali ng Maisug, halos mamulutan na lamang sa mani si Duterte sa pagtungayaw na “Bangag noon, bangag na presidente ngayon.” Pinatutusadahan si Bongbong.
Kahanga-hanga man ang pagpipigil sa sarili na ginawa ni Bongbong sa harap ng walang patumanggang pagbatikos ni Duterte, hindi ko pa rin maalis sa sarili ang saryosong mag-alala.
Ano na ang nangyayari sa Pilipinas? People power na naman. Walang katapusang pagyurak sa mga demokratikong  karapatan ng sambayanan upang mapangibabaw ang kagahaman ng iilan. Masdan kung ano ang ginawa ni Cory Aquino noong 1986. Ang Pilipinas na sa pamamahala ni Ferdinand E. Marcos Sr. ay pangalawa na sa Japan sa kaunlaran sa ekonomiya ay bumulusok sa silong ng Asean, napailaliman pa ng Vietnam at angat na lamang sa mga atrasadong Myanmar, Laos at Campuchea.
Pinakamasaklap, sa kada people power na kinalugmukan ng bansa, naroroon lagi ang kamay ng Amerika, kumukumpas sa bawat detalye ng pagbabalikwas.
Kailan pa makahuhulagpos ang Pilipinas sa mahigit daantaon nang pananakal ng Anerikano?
Sa tapang na ipinakita ni Duterte sa pagharap sa kasong isinampa sa kanya sa International Criminal Court  (ICC) kaugnay ng kanyang inaming extrajudicial killings sa panahon ng kanyang termino, pinakamalaki kong alalahanin ay ang katotohanan na sa Pilipinas ang pagpapalit-palit ng mga presidente ay lagi nang sa maniobra ng Amerika – simula kay Elpidio Quirino, na ang naging pang-akit sa mga botante ay “Pag natalo ako, wala nang ayuda ang Amerika”; tungo kay Ramon Magsaysay na siyang nagwakas sa rebelyon ng Huk noong 1950, subalit sa di pa malamang mga kadahilanan ay namatay sa pagsabog ng eroplanong pampangulo na Mt. Pinatubo noong 1957; kay Carlos P. Garcia na dahil sa kanyang polisiyang Filipino First ay kailangang papalitan kay Diosdado Macapagal, na ganun pa man ay nangahas na i-devalue ang peso kontra dolyar na nagbunga ng paghalili sa kanya ni Ferdinand E. Marcos Sr., na bagama’t nagtagal ng 20 taon ang panunungkulan ay kinailangang pataksikin na ng Amerika upang magwakas na ang pataas na pataas na milyun-milyung dolyar na upa na ipinapataw ni Marcos sa mga base militar nito sa Pilipinas. At naluklok nga sa pwesto si Corazon C. Aquino. Nabago ba ang regla ng pagparito’t pagyao ng mga presidente ng Pilipinas? Ni katiting, hindi. Sumunod sa kanya si Fidel V. Ramos na walang kadududa ang pagiging Amboy; sumunod si Erap nga na dahil sa pagsuway sa utos ni US President Bill Clinton na huwag atakehin ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) Kampo Abubakar ay tinanggal sa puwesto sa pamamagitan ng people power Edsa 2 at hinalinhan nga ni Gloria; ituloy na natin kay Benigno Aquino III na siyang lumagda sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nagkaloob sa Amerika ng unang limang baseng EDCA upang pagdeployan ng mga sundalo at kagamitang panggiyera na hindi pinakikialaman ng mga awtoridad ng Pilipinas.
At sinundan nga ni Rodrigo Roa Duterte noong 2016 – sa lubos kong pag-aalala, naganap sa mga kadududang kalagayan.
Una, atubili ang Digong na tumakbo. Sa unang dalawang pagkakataon na nilapitan siya ni FVR tungkol dito, tahasang tumanggi si Duterte. Pagkaraan lamang na kausapin ni FVR si noon ay congresswoman na  Gloria tungkol dito at balikan si Duterte, pumayag na si Duterte na tumakbong presidente. Subalit lagpas na sa taning ng pag-file ng certificate of candidacy. Si Martin Dino, barangay Chairman ng PDP Laban sa Pasay City  ay nag-atras ng kandidatura upang mahalinhan ni Duterte. Sa isang petisyon na iniharap ni dating Senador Francisco Kit Tatad, hiniling niya na balewalain ang substitusyon ni Duterte sa kadahilanan na ang kinanselang kandidatura ni Dino ay para Mayor ng Pasay City. Tinanggihan ng Comelec ang petisyon ni Tatad sa batayan na malinaw na ang intensyon ni Duterte ay ang panguluhan ng Pilipinas.
Gaano kamakapangyarihan ang puwersang nag-udyok kay Duterte na maging presidente sukdulang bastarduhin ang mga ligal na aliuntuning elektoral?
Mula panlima sa mga survey, mabilis na pumailanlang si Duterte, at pagkaraan ng presidential debate sa Cebu, nakopong na niya ang pangatlong puwesto, humahabol na kina Mar Roxas at Grace Poe, natabunan na si Jojo Binay at Miriam Defensor Santiago. At pagkaraan ng presidential debate sa Pangasinan, umandar na ang kagilagilas na campaign blitzkrieg na  mula Mindanao ay sumuyod sa Visayas, Bicol region, Southern Tagalog, at sa wakas humantong sa isang higanteng rali sa Rizal Park.
Marso 2016, kinailangan na lamang idaos ang eleksyon upang tanghaling Presidente si Rodrigo Roa Duterte.
Ayon sa ekspertong analysis, ang blitzkrieg na kampanyang ginawa ni Duterte ay tanging CIA lamang ang may kakayahang gawin.
Ayokong magkunwari na may kaalaman sa bagay na ito. Lilimitahan ko na lamang ang aking sarili sa konklusyon na mula’t sapul, Amerika ang nagpapasya sa pagparoon-pagparito ng mga Presidente sa Malakanyang. Nang suspendihin ni Presidente Marcos ang writ of habeas corpus noong 1971, sagsag si dating Presidente Diosdado Macapagal sa US Embassy, nagpapakanlong sa panganib na maaresto. Itinanggi ni Marcos na mayroon siyang ganung intensyon at tinanggihan ng embahada ng Amerika ang paghingi ni Macapagal ng asylum.
Sa isang matiyagang pag-aaral ng kasaysayan, matutuklasan ang katotohanan na Amerika ang nagpapasya sa pagdating at pag-alis ng bawat isang presidente ng Pilipinas. Bakit nagtagal ng 20 taon ang martial law ni Marcos? Sapagkat kinunsinti ng Amerika.
Noon lamang 1985, nang muling dadagdagan na naman ni Marcos ang milyun-milyung dolyar na rental ng mga base militar ng Amerika sa Pilipinas naipasya ni US President Ronald Reagan to “Cut and cut clean.” Iyun lang ang himihintay ni Cory upang buong yabang na sumigaw: “Tama na! Sobra Na! Palitan na!” Sa kabilang dako, bakit bahagya nang nakakatatlong taon pa lamang sa puwesto, pinatalsik na si Erap. Sapapagkat nangahas siyang suwayin ang utos ni US President Bill Clinton na huwag atakehin ang Kampo Abubakar ng Moro Islamic Liberation Front.
Napaka interesanteng dalirutin kung bakit hanggang sa ngayon hindi pa malutas ang pagsabog ng presidential plane ni Ramon Magsaysay noong 1957.
Subalit nandito na muna tayo kay Duterte. Siya ang dalirutin natin.
Sa paglakas ng Kilusang Maisug, nahinuha ko na umaandar ang senaryo kahalintulad ng pagkapatalsik kay Erap noong 2001 at paghalili ni Gloria.
Kaagad kung naipagpasya sa sarili, kung hindi aarestuhin si Duterte ng International Criminal Court, presidente na si Sara.
Pero, heto’t pagkaraan ng mahabang pasakalye ng lumilitaw na Edsa III, biglang-bigla arestado ang Taray Digong.
Walang Edsa III, walang Presidente Sara.
Anyare?
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -