MATAPOS mag-inspeksyon ni Sen. Raffy Tulfo sa Migrant Workers Offices and agency shelters sa Dubai at Riyadh bilang Senate Committee on Migrant Workers Chairperson, binulaga naman niya ang ilang accommodation houses sa Metro Manila na pansamantalang tinutuluyan ng mga OFW habang hinihintay nila ang kanilang deployment abroad.
Nakarating kay Sen. Idol ang mga reklamo ng OFWs na tadtad daw ng violations ang mga ito.
Kasama ni Sen. Tulfo sa surprise inspection ang mga kawani ng Department of Migrant Workers na pinangungunahan ni Mylette Andres, ang OIC Director III ng Licensing and Regulations Bureau, Licensing and Adjudications Services.
***
Unang nagtungo si Sen. Tulfo sa accommodation house ng Mondial Overseas Corporation Private Employment Agency sa Quezon City. Dito bumungad kay Idol ang mala-presong sitwasyon sa loob kung saan nagsisiksikan ang mahigit 40 OFWs sa isang maliit na four-bedroom house na wala man lang mga double-deck na higaan ang bawat kwarto.
Napansin din ni Sen. Idol na dugyot ang kubeta nito at walang shower, walang flush ang toilet bowl at wala rin itong pinto para magka-privacy ang mga gagamit ng CR. Kaya agad niyang tinanong ang may-ari ng accommodation na si Roland Collado, kung ganito ba ang tirahan ng kanyang anak na babae ay papayag siya?!
Sinita din ni Sen. Raffy ang kawalan ng fire extinguisher at fire exit ng nasabing accomodation na mahalaga sakaling magkaroon ng sunog. Kapansin-pansin din na walang laman ang kanilang first-aid kit.
***
Matapos inspeksyunin ang Mondial, dumeretso naman si Sen. Raffy sa accommodation house ng IRekrut Manpower, Inc. sa Zamboanga, QC na pagmamay-ari rin ni Collado at tinutuluyan din ng mahigit 40 OFWs.
Tulad ng naunang accommodation, sinita rin ni Sen. Idol ang mga mga kwarto dito na walang double-deck beds, walang maayos na ventilation at walang emergency exits sa bintana.
Wala ring lamang tubig ang water dispenser dito. At ang masaklap, nakapaskil sa pinto ng refrigerator na bawal magpalamig ng tubig o maglagay ng pagkain doon ang mga OFW. Kaya sinabi ni Sen. Idol na dapat ay mayroon silang kahit tatlong water dispenser na laging may hot and cold water na available.
Dagdag pa ni Sen. Raffy, dapat ay mayroong prayer room sa accommodation hindi lamang sa mga Katoliko pero para rin sa mga non-Catholics na sinang-ayunan agad ng isang muslim OFW na nakatira rito.
Nakita rin ni Sen. Tulfo ang sari-sari store sa loob ng accommodation na pagmamay-ari rin ng pamilya ni Collado kaya pinaalalahanan niya ito na dapat ay may kalayaan pa rin ang mga OFW na naninirahan sa accommodation na bumili sa mga tindahan o convenience store sa labas.
Binigyang-diin ni Sen. Idol na hindi niya gustong maipasara ang nasabing accommodation lalo pa at maraming OFW ang naninirahan dito. Kaya binigyan niya si Collado ng hanggang isang buwan para magcomply sa guidelines na ibibigay ng DMW. Nangako si Collado na aaksyunan agad nila ito.
***
Nanggalaiti naman si Sen. Idol nang makita niya ang kahindik-hindik na sitwasyon sa apat na accommodation houses ng MEJA International Manpower Agency Inc. sa Paco, Manila kung saan pinagsiksikan na parang sardinas ang mga OFW doon. Ang matindi, isa lang sa mga accommodation na ito ang registered sa DMW ayon kay Andres.
Overcrowded din ang mga kwarto dito at walang sapat na ventilation at electric fan. Ayon pa sa isang OFW doon, kanya-kanya raw sila ng bili ng mga electric fan!
Kapansin-pansin din ang mga hagdanan dito na walang mga hawakan kaya sinabi ni Idol na ipaayos ito para hindi madisgrasya ang mga OFW na naroroon.
Ang masaklap, wala ring mga lamesa at upuan sa mga nasabing accommodation kaya kumakain lamang ang mga kawawang OFW sa lapag, dahilan para masermunan ni Sen. Idol ang caretaker na si Melanie Cabangon dahil kinakawawa nila ang mga kliyente nila na dahilan kung bakit sila may trabaho.
Sa huli ay inatasan ni Idol Raffy ang DMW na i-monitor at siguruhing magco-comply ang may-ari ng accommodation na ito sa lahat ng guidelines ng ahensya upang mapayagan pang patuloy na mag-operate.