HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy at ang Energy Regulatory Commission na tiyakin ang pagsunod ng mga generation company sa mga preventive maintenance schedules upang maiwasan ang pagkagambala sa suplay ng kuryente bago ang inaasahang pagtaas ng demand sa mga buwan ng tag-init.
“Napakahalaga na ang generation companies ay mahigpit na sumunod sa mga maintenance schedule upang matiyak na meron tayong maaasahan na suplay ng kuryente at maiwasan ang mga pagkaantala,” sabi ni Gatchalian, vice chairperson ng Senate Committee on Energy, sa gitna ng mga inaasahang red o yellow alerts sa mga buwan ng tag-init.
Ang pahayag ni Gatchalian ay kasunod ng babala ng National Grid Corporation of the Philippines na kapag tumirik ang mga planta na wala sa plano ay maaaring magbanta sa suplay ng kuryente sa mga buwan ng tag-init. Binigyang-diin ng senador na, para maiwasan ang mga brownout, dapat magsagawa ng regular na maintenance ang mga generation company para matugunan ang mga potensyal na problema at ma-maximize ang power generation output.
“Ang kawalan ng kuryente, lalo na tuwing tag-init, ay nagdudulot ng malawakang epekto sa mga pamilya, negosyo, at buong komunidad,” ani Gatchalian.
Dapat din aniyang dagdagan ng DOE ang impormasyon, edukasyon, at komunikasyon tungkol sa energy efficiency at conservation sa mga konsyumer. Binigyang-diin ng senador na ang kampanyang ito ay dapat nakatuon sa pagbawas sa kabuuang konsumo ng enerhiya, lalo na sa mga lugar na may mataas na demand tulad ng Metro Manila. Ayon pa kay Gatchalian, ang pagpapatupad ng efficiency at conservation measures ay inaasahang makakatulong para mabawasan ang pagkonsumo ng enerhiya, matiyak ang sapat na suplay, at magbigay ng katipiran sa gastusin ng publiko.