DISMAYADO si Senador Alan Peter Cayetano sa pananahimik ng mga human rights group matapos ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang Facebook Live ngayong linggo, diretsahang niyang tinanong ang mga grupo: “I meant no offense to human rights activists. Nirerespeto ko kayo, but nagdurugo pa rin ang puso ko. Ba’t walang nagsalita sa inyo?”
Giit niya, noong dekada ’70 at ’80, matapang ang mga human rights activist sa pagtatanggol ng karapatan ng kahit sino.
“Y’ung mga kilala kong human rights activist noong 80s at 70s, y’ung mga nababasa ko sa Europe, sa US, kahit anong bigat, kahit anong baho ng kriminal, ipaglalaban nila y’ung karapatan niya,” aniya.
Pinuna rin ni Cayetano ang mga nagsasabing mas patas ang proseso sa International Criminal Court (ICC), lalo na’t hindi naman naisampa sa Pilipinas ang kaso ni Duterte.
“Sabi nila, mas patas sa ICC. Pero sa ICC, na-aresto na siya, sinakay na siya sa eroplano, tsaka lang siya sasabihan kung ano y’ung kasalanan, sino y’ung witness. He did not have a chance to confront his witnesses. He does not know when he got there kung ano ang kaso, ano y’ung mga evidence. So ang layo [ng proseso] dito sa Pilipinas at doon,” he said.
Depensa ni Cayetano, nanindigan lang siya sa patas na hustisya matapos kuwestiyunin ni dating Senador Leila de Lima ang kanyang kredibilidad sa human rights issues.
“During my time, I always made time and made sure that people listened even if opposing ang views natin,” sabi niya.
“Sa pinakamakapangyarihan, sa pinakamaliit — pareho ang karapatan sa human rights. Parehong may karapatan to seek legal remedies, pareho na may due process,” dagdag niya.
Binalaan din niya ang publiko laban sa paggamit ng due process at human rights bilang sandata sa pulitika. Aniya, dapat pantay ang paggalang dito para sa lahat ng Pilipino.
“There’s so much confusion. We’re here not to play politics or to blame anyone. We’re here to sort this out,” sabi niya.
“Ano ba ang tamang batas? Ano ba ang tamang proseso? We’re thinking about our future. The future of all Filipinos, not only of your beloved Liberal Party,” dagdag niya.
Bilang sagot naman sa pahayag ni de Lima na ang tunay na pagsubok ng human rights ay kung paano nito pinoprotektahan ang pinakamaliit at pinaka-vulnerable sa lipunan, sumang-ayon si Cayetano ngunit idiniin na ang karapatang ito ay dapat para rin sa may kapangyarihan.
“Walang ‘last person’ sa Pilipinas kasi para sa lahat iyan. Hindi lang para sa advocates at pseudo-advocates at sa pulitiko. Ang human rights ay para sa lahat,” sabi niya.