28.5 C
Manila
Linggo, Abril 27, 2025

Faculty Conference: Mga hamon, tugon at pagpapadayon

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

Ikalawang bahagi

ANG artikulong ito ay kadugtong ng naunang akda noong nakaraang linggo na pinamagatang Faculty Conference: Mga aral, repleksyon at hakbang pasulong.  Ang tema ng nasabing komperensiya na inorganisa ng pamunuan ng UP Manila ay Transforming Paradigms in the 21st Century. Ang sumusunod ay karagdagang tala ng aking mga natutunan at repleksyon ukol sa mga hamon, tugon at pagpapadayon ng UP Manila bilang pang-akademikong organisasyon at pampublikong institusyon.

  • Nakamamangha kung paano ginamit ng mga nag-organisa ng komperensiya ang kani-kanilang kasanayan para sa ikatatagumpay ng mapanghamong gawain. Halimbawa, BS Physics ang tinapos na kurso ng event director na si Mr. Isaiah Noel Ocampo kaya napakinabangan ito nang husto kung paano natugunan ang maaari sanang naging problema sa acoustics. Sinolusyonan ito sa pamamagitan ng pagbuo ng lagusan sa pagitan ng tatlong bulwagan, pagpili ng angkop na sound systems at pagposisyon ng mga ito nang tama. Aesthetic din ang naging disenyo at nakadagdag ito sa mas nakakapanabik na vibe sa komperensiya.
  • Naging epektibo rin ang proseso ng komunikasyon kung saan may malaking ambag ang mga dalubhasa sa larangang ito kagaya nina Assistant Vice Chancellor Dr. Gina Salazar at Sentro ng Wikang Filipino Director Prop. Carol Pulumbarit. Hindi rin matatawaran ang napakahusay na pagpapadaloy ni College of Allied and Medical Profession (CAMP) Dean Dr. Esmerita Rotor. Dito mapapatunayan ang napakahalagang papel ng komunikasyon sa parehong teknikal at panlipunang dimensyon sa pagbuo at pagpapatakbo ng programa. Wika nga, “we cannot not communicate.”
  • Kapuri-puri rin ang interdisciplinary at intergenerational composition ng mga plenary at parallel speaker at reactor. May philosopher, sociologist, historian, pediatrician, neurologist communicologist, engineer at iba pa. May mga establisadong administrador, dalubguro at mananaliksik at mayroon ding mga relatibong bago sa larangan (o early career professionals). Masasabing ganoon din ang profile ng mga nagsidalo kaya mas naging mayaman at mayabong ang palitan ng ideya. Sadyang mahalaga ang iba’t ibang punto-de-vista upang unawain, balangkasin, tasahin at siyasatin ang mga umiiral at ipapatupad pa lamang na pang-akademikong patakaran, programa at proyekto.
  • Kapwa makabuluhan at napapanahon ang mga parallel session. Sa katotohanan, naging mahirap para sa akin ang pumili sa hanay ng mga tampok na subtheme. Dahil sa kasalukuyang pananaliksik namin ukol sa disruptive technologies sa pangunguna ni UP Open University Professor Emeritus Dr. Alexander G. Flor bilang principal investigator at kasama ang mga dalubguro mula sa iba’t ibang constituent units ay minabuti kong piliin ang mga paksang may kinalaman sa artificial intelligence, futures thinking, at microcredentials. Upang ikomplementa ang mga ito ay dumalo na rin ako sa isang parallel session ukol sa ‘education without borders’ para mas maunawaan ang kahalagan ng international solidarity, intercultural dialogue at global communication sa larangan ng palitan ng karunungan at kaalaman.
  • Sumasang-ayon ako sa sinabi ni Dr. Cynthia Bauzon-Bautista na ang pamantasan ay tuwinang dumaranas ng kontradisyon (o pagiging ‘conflicted’ batay sa kanyang aktwal na pagsasalarawan). Halimbawa, may mga lehitimong puna laban sa neoliberalisasyon ng edukasyon subalit sa kabila nito ay pumapaloob pa rin ang pamantasan sa balangkas at patakarang ito.  Sa partikular, tumutukoy ang kontradiksyon sa pananaw na ang pamantasan ay kailangang sumailalim sa assessment at quality assurance at sa puna na ang mga ito may malakas na kanluraning oryentasyon at nakakonteksto lamang sa kalagayan ng mga mauunlad na bansa.  Mula sa kritikal na lente, masasabing ang kontradiksyong ito ay ibinunga ng ating kolonyal na kasaysayan at neokolonyal na kasalukuyan. Patuloy na iiral ang kontradiksyon dahil sa nagbabanggaang paradigma, paninindigan at interes sa pagitan ng mga panlipunang pwersa – lokal man o pandaigdigan.
  • Alinsunod sa pagiging health campus ng UP Manila ay naglaan at nagtakda rin ang mga organisador ng komperensiya ng plenary session ukol sa kaginhawahan (well-being). Sa partikular, itinampok sa okasyon ang kahalagahan ng ‘magandang buhay’ sa iba’t ibang dimensyon at sa konteksto mismo ng akademya sa pamamagitan ng buhay na buhay at pukaw-kamalayang plenary speech ni Assistant Vice President Dr. Jose Antonio Clemente. Litaw na litaw  sa kanyang pagbabahagi ang kanyang kasanayan sa sikolohiya at panlipunang pananaliksik. Binigyang-diin din niya ang kahalagan ng materyal at di-materyal na dimensyon ng pagpapatupad at pagpapairal ng magandang buhay na binubuo ng 3 Cs (cash, clarity/communication at care). Nakatulong din nang malaki kung paano niya isinalarawan ang mga pangkaraniwang hamon sa academic leadership, faculty relations at human resource development at kung paano responsableng matutugunan ang mga ito.
  • Nakatulong din sa pagitan ng mga sesyon ang paglalaan ng organizing committee ng oras para magnilay ang mga dumalo at bukod doon ay makihalubilo sa isa’t isa. Tamang-tama rin ang itinakdang oras ng socials at fellowship night upang mas marami ang makadalo. Epektibo ring ginamit ng mga tagapagpadaloy sa fellowship night ang humor upang mas maging masaya ang programa. Gayundin, naging kawili-wili ang community dancing at mga palarong maraming papremyo. Naging pagkakataon din ang okasyon upang maitampok ang husay at talento ng mga taga-UP Manila sa larangan ng performing arts.
  • Ang faculty well-being expo na inilunsad ay holistic at sumasaklaw sa napakaraming dimensyon at larangan. Ang ilan sa mga tampok na informative at interactive booth ay ukol sa physical exercise, health promotion and education, health assessment, oral and dental health, voice care, public sector unionism, institutional history, medical history, research integrity, indigenous music at iba pa. Sa pamamagitan ng faculty well-being expo ay naitampok din ang mga larangan, publikasyon at adbokasiya ng iba’t ibang kolehiyo at opisina sa pamantasan. Namahagi rin ang mga opisina kagaya ng All UP Academic Employees Union (AUPAEU) at UP Manila Office of Research Integrity ng mga faculty benefits brochure at authorship guideline for scientific work na may malaking tulong sa hanay ng kaguruan.
  • Nagpamalas din ng husay si Prop. Arnulfo Esguerra sa larangan ng bonsai art. Mapalad akong naging mag-aaral ni Prop. Esguerra sa Philippine History (History I) at World History (History II) noong kolehiyo kung saan una kong natutunan ang critical history at critical historiography.
  • Nagpartisipa rin ako sa isang booth tampok ang mga indigenous musical instrument sa pangunguna ng ethnomusicologist na si Prop Juliet Bien kung saan tumugtog siya ng kulintang at ako naman ay ng dabakan. Naging guro ko sa Humanities 2 at Science, Technology and Society (STS) si Prop. Bien kung saan ko natutunan ang kahalagahan ng interdisciplinarity. Samantala kay Prop. Esguerra ko naman unang natutunan ang pagtugtog ng dabakan noong nagtanghal ang Department of Social Sciences (DSS) sa kolehiyo matagal na panahon na.
  • Sinasalamin ng buong komperensiya ang accessible leadership na tatak ng kasalukuyang pamunuan ni Chancellor Dr. Michael Tee. Tumatagos ito sa salimbayang larangan ng honor, excellence at service.

Bilang pagbubuod, sadyang nakapagpapalinaw ng direksyon at nakapagpapatibay ng paninidigan ang nagdaang faculty conference sa pare-pareho at magkakaugnay na personal, propesyonal at panlipunang dimensyon.

Mas pinag-ibayo rin ng karanasan ang pampublikong karakter ng pamantasan na dapat laging nakakiling sa mga mamamayang Pilipino at batayang sektor.  Nagtagumpay rin ang dakilang gawain sa pagtatambol at pagtatampok na ang UP bilang pang-akademikong institusyon ay tunay na tambalan ng ‘utak at puso.’ Para sa akin, pinakatinataglay ito ng mga manggagagawang pangkalusugan na nagsisilbi sa mga komunidad, lalo na sa kanayunan. Wika nga ni UP Faculty Regent Prop. Early Sol Gadong, “UP Manila is not only the home of the best doctors in the country but also where the most selfless ones belong.” Padayon, UP at padagos, UP Manila!

Para sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected]

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -