34.8 C
Manila
Miyerkules, Abril 30, 2025

Paalala ni Gatchalian: Mga magulang at guro maaaring managot sa kilos ng mga mag-aaral

- Advertisement -
- Advertisement -

ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang mas aktibong pakikilahok ng mga magulang at mga guro o mga paaralan upang masugpo ang karahasang kinasasangkutan ng mga mag-aaral.

Kasunod ito ng insidente kung saan sinaksak at napatay ang isang Grade 8 student sa isang pampublikong paaralan sa Parañaque. Matatandaang pinuna rin ni Gatchalian noong Pebrero ang mga insidente ng saksakan sa Pasig at Iloilo, kung saan mga mag-aaral din ang sangkot. Ayon pa sa mambabatas, kailangang makipagtulungan ang mga lokal na pamahalaan sa mga paaralan upang masugpo ang mga insidente ng karahasan.

Binigyang diin ng mambabatas ang mahalagang papel ng mga magulang at mga paaralan sa pagdidisiplina sa mga mag-aaral. Bagama’t exempt ang mga batang 15 taong gulang pababa sa criminal liability sa ilalim ng Republic Act No. 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act, nakasaad sa Civil Code na maaaring magkaroon ng civil liability o pananagutan ang mga magulang kung mapapatunayang sila ay nagpabaya o hindi nagsagawa ng due diligence upang mapigilan ang mga pinsalang dulot ng kanilang mga anak.

Kinikilala naman ng Family Code na may special parental authority at responsibility ang mga paaralan, mga guro, at mga administrator habang ang mga bata ay nasa ilalim ng kanilang supervision, instruction, o kustodiya. Binigyang diin ni Gatchalian na sa ilalim ng Family Code, maaaring magkaroon ng civil liability ang mga paaralan, mga guro, at mga administrator para sa mga pinsalang dulot ng mga mag-aaral habang nasa ilalim ng kanilang pangangalaga.

“Nakakalungkot at nakakabahala na nagiging mas madalas ang mga insidente ng karahasan sa ating mga paaralan. Kailangan nating magtulungan kasama ng ating mga magulang at mga guro lalo na’t tungkulin nila ang paggabay at pagtuturo ng disiplina sa ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -