30 C
Manila
Biyernes, Mayo 23, 2025

Gabay sa mga pangkatang gawain

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG bawat pangkatang proyekto (o group work) ay natatangi.  Nagbibigay ang bawat karanasan ng pagkakataon na matuto at umunlad bilang grupo at bilang indibidwal.  Ang mga sumusunod ay ilang gabay at paalala sa pagbuo ng mga proyekto bilang pangkatang gawain.

·       Tiyaking tama ang bilang ng bumubuo sa grupo. Dapat naaayon ang dami ng miyembro sa gaan o bigat ng pinaplanong gawain. Tiyakin ding makatarungan ang paghahati-hati ng mga responsibilidad.

·       Alamin ang kalakasan ng bawat isa na bumubuo sa grupo. Bagama’t may kanya-kanyang kakayahan ang bawat isa, tiyakin pa rin na makakapag-ambag ang lahat sa iba’t ibang bahagi ng proyekto mula konseptwalisasyon hanggang pagtatasa (o assessment). Ito ay para masiguradong may kontribusyon at pagkakataong matuto nang bago ang bawat isa mula sa karanasan.

·       Maging masigasig at masikhay sa paggampan sa mga gawain. Gawing interesante at kapana-panabik ang proyekto para sa lahat. Ituring na motibasyon ang dakilang layuning itinakda ninyo para sa proyekto.

·       Tiyaking natutugunan ang mga sumusunod na konsiderasyon sa binubuong proyekto: social value, scientific merit at ethical soundness.  Inaasahan na ang proyekto ay (1) may ambag sa lipunan, (2) alinsunod sa siyentipikong prinsipyo at (3) naaayon sa moral na pamantayan ng komunidad.


·       Gampanan nang responsable ang mga nakatokang gawain. Tandaan na may pananagutan tayo sa ating kagrupo, guro, pamantasan at bayan.  Samakatwid, hindi lamang para sa rekisito at grado ang ginagawang proyekto.

·       Gawing pagkakataon ang pangkatang proyekto upang makapagbahagi sa iba, matuto sa mga kasama at malinang ang kasanayan. Nagbibigay ang pangkatang gawain ng pagkakataong mapaunlad ng mga miyembro ang mga sumusunod na kasanayan: teamwork, leadership, human relation, time management, resource allocation at decision-making.

·       Tiyaking sinasalamin ng proyekto ang integrasyon ng mga natutunan mula sa (iba’t ibang) klase. Pagkakataon ang ganitong mga proyekto upang magkaroon ng aplikasyon ang mga natutunang teorya, prinsipyo at konsepto sa kurso.

·       Humalaw ng kaalaman mula sa mga nailathalang sanggunian at maging mula sa personal na karanasan. Tiyakin din ang tamang atribusyon para maipatupad nang ganap ang academic honesty.

- Advertisement -

·       Alamin kung may rubrics na sinusunod sa paggagrado. Kadalasan, ang mga sumusunod ang batayan ng pagpupuntos: mensahe/katuturan/nilalaman, lohikal na presentasyon, disenyo, balarila o grammar at pagpapasa sa takdang oras. Kasama sa nilalaman ang argumento at pagpapatibay.

·       Unawain ang panuto (instruction) at humiling ng paglilinaw mula sa guro kung kinakailangan.

·       Gawing demokratiko at responsable ang pagpili ng pinuno o kinatawan ng grupo.

·       Ipatupad ang collective leadership kung ipapahintulot ng pagkakataon. Mahalaga ito sa pagpapanaig ng pananagutan.

·       Tiyaking lumikha ng demokratiko at mapanlahok (participatory) na proseso sa pagbuo ng proyekto.

·       Iwasang idomina ang gawain. Maging bukas sa ideya at mungkahi ng iba. Tandaan na walang monopolyo ng kagalingan ang sinuman.

- Advertisement -

·       Huwag i-asa sa isang miyembro lamang ang partikular na bahagi ng proyekto. Tiyaking laging may iba pa na titingin at magpapasya ukol dito. Halimbawa, huwag lamang i-asa ang layout sa pinakamahusay maglayout sa grupo. Kailangang masuri rin ito ng ibang miyembro. Gayundin sa usapin ng pagsusulat at iba pang gampanin.

 

·       Repasuhin (review) ang proyekto sa kabuoan nito bago ipasa. Iwasang pagsisihan na madiskubre lamang ang mga pagkakamali sa proyekto kapag ito ay naipasa na o huli na ang lahat. Sanhi ng pagkasira ng relasyon ang blame game o sisihan.

·       Tandaan na kapwa mahalagang konsiderasyon ang content at form.  Mas nagiging epektibong ang pagpapahatid ng mensahe kung ito ay naaayon sa porma at balangkas ang presentasyon.

·       Sumanggguni rin sa ibang sample output para may mapagbatayan ng tenor at format ng pagsusulat.

·       Magtalaga ng isang repositoryo ng mga materyales o rekurso para sa proyekto (halimbawa: datos, sanggunian, larawan, liham). Tiyaking may access ang mga kagrupo upang malayang makapag-ambag ang bawat isa.

·       Bumuo ng susunding timeline para sa pagbuo ng proyekto.  Maglaan ng puwang para sa pleksibilidad ng grupo.

·       Magtakda ng regular na oras para sa pagpupulong. Alamin ang bakanteng oras ng lahat.

·       Pagkaisahan din kung kailangan ba ng pondo, saan ito manggagaling at kung sa anu-ano ito gugugulin. Tiyakin din na responsable ang pagtatala rito.

·       Magsagawa ng regular na konsultasyon sa tagapayong guro para magabayan tuwina.

·       Tiyaking naitala, naidokumento at narepaso ang mga napagkaisahang desisyon ng grupo. Itago at sinsinin din ang mga mahahalagang dokumento.

·       Panatilihing bukas ang linya ng komunikasyon sa pagitan ng mga kagrupo. Isangguni at ipagbigay-alam sa iba ang mga gagawing pagbabago sa proyekto.

·       Bumuo ng group chat (GC) para sa mas epektibong koordinasyon at upang mas matutukan ang mga gampanin.  Mahalaga ang konsentrasyon sa mga pangkatang gawain para hindi mawala sa patas at pokus.

·       Tugunan nang mahinahon at responsable ang mga susulpot na problema ito man ay conceptual, relational o logistical. Kilalanin ang iba’t ibang epekto ng stress sa bawat indibidwal at tugunan ito sa mapagnilay at makakapwang paraan.

·       Ugnayan ang mga hindi o hindi gaano nagpapakita ng interes sa gawain upang matugunan sa mapagmalasakit at maagap na paraan.

·       Iwasang maging ‘free rider’ o ‘free loader’ sa grupo. Idulog agad sa mga kagrupo ang iyong mga alalahanin at limitasyon.

·       Iwasang maging mapanlamang o mapang-isa ng kapwa upang hindi ka iwasang makagrupo sa hinaharap. Batay sa karanasan ng ilan, komplikado at mabigat na desisyon kung kailangang magpalit o magtiwalag ng kagrupo.

·       Iwasang i-cram ang pangkatang gawain dahil naikokompromiso nito ang kalidad ng proyekto.

·       Tiyaking maipasa sa takdang oras o mas maaga ang rekisito.

·       Huwag kalimutan ilagay ang pangalan ng bawat miyembro ng grupo. Mahalagang maitala ang mga pangalan para sa dokumentasyon, atribusyon at pananagutan.

·       Tiyakin din na maayos ang pagkakatipon at pagkakabigkis ng dokumento upang maging masinop at hindi magkahiwa-hiwalay. Lagyan din ito ng angkop na cover page na naglalaman ng mga mahahalagang impormasyon kagaya ng titulo, pangalan, seksyon, asignatura, kurso, guro at petsa.

·       Tiyaking tama ang email address o electronic repository na pagpapasahan.

·       Mag-screenshot ng ebidensiya ng pagpapasa para sa dokumentasyon. Proteksyon din ito ng grupo sakaling magkaroon ng hindi inaasahang aberya.

·       Tiyaking may back-up copy ng proyekto ang bawat miyembro ng grupo.

·       Ipatupad ang mutual accountability para kapwa matuto mula sa karanasan.

·       Kilalanin at purihin ang ambag ng bawat isa para sa tagumpay ng gawain.

·       Tipunin ang lahat ng mga naging proyekto sa nakaraan at pagnilayan ang kapansin-pansing pagkakapareho at pagbabago. Alamin kung kakikitaan ang mga sarili ng pag-unlad sa larangan.

·       Magtasa (assess) nang naging karanasan sa proyekto. Tukuyin ang naging kalakasan at kahinaan ng grupo. May mga pagkakataong humihingi ang dalubguro ng peer evaluation upang malaman kung naging responsable ang bawat miyembro sa pangkatang gawain.

·       Sumali rin sa ibang pangkat kapag may bagong proyekto upang magkaroon ng pagkakataon na matuto mula sa iba.

Bilang pagbubuod, laging tandaan na bukod sa kasanayang pang-akademiko ay layunin din ng mga pangkatang gawain na mahubog ang ating pagkatao at mapaunlad ang ating pakikipagkapwa.  Isaisip din tuwina na ang bawat pangkatang gawain ay oportunidad para makapag-ambag sa pagpapanibagong-hubog ng sarili, grupo at ng mas malawak na lipunan.

Para sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected]

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -