LAYON na mas palakasin pa ang kolaborasyon sa pagitan ng United States at Pilipinas sa naging pagbisita ng United States Coast Guard (USCG) Cutter Stratton sa lungsod ng Puerto Princesa, Palawan para sa maritime security sa rehiyon.
Ayon kay Captain Brian Krautler, ang pagtutulungan ng USCG at Philippine Coast Guard ay makapagbibigay ng pinagsamang epekto sa pamamahala ng maritime domain. Ito ang naging ikalawang deployment ng Stratton sa Pilipinas at nanatili ito ng tatlong araw sa Palawan.
“We expect to share our standard method of operating and allow them to see how we do things and to grow together in how we do complex operations,” he said.
Matapos ang naging pagdaong ng USCG Cutter Stratton noong ika-16 ng Mayo ay nagsagawa ito ng technical consultations sa operational best practices ng PCG at makikisamalamuha sa local community.
Nagkaroon din ito ng port planning para matiyak na nakahanay ang operasyon nito sa isinagawa ng PCG sa karagatan.
Kasama sa sumalubong sa USCG Cutter Stratton ay ang US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson at PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan.
Naniniwala si Carlson na ang pagtutulungan ng USCG at PCG ay mas magpapalalim ng maritime partneship sa pagitan ng United States at Pilipinas. Dagdag ni PCG Commandant Gavan na ang ika-anim na USCG cutter exchange ay nangangahulugan na ang pamamahala sa karagatan ay nakabase sa batas.
“[It] sends a message to the world that the seas are governed by rules. I think it is the most significant impact in having this kind of thing on top of the operational benefits,” ayon kay Gavan.
Kasama ng 150 crew mula Guam ang dalawang PCG personnel na nagkaroon ng pagkakataon na mapabilang sa ilang mga pagsasanay habang nasa karagatan. Kabilang rito ay ang deck operations, engineering drills, at vessel mooring.
Ayon kina engineering officer LTJG Janna Antonio at deck and gunnery officer LTJG Roberto Rojas Jr., magagamit nila ang mga ito lalo na sa kanilang trabaho sa BRP Sierra Madre.
Sa kabila ng kaibahan sa mga kagamitan at teknolohiya, naniniwala ang dalawa na hindi nagkakalayo ang kakayahan ng mga personnel ng PCG mula sa USCG.
“We didn’t have any problems living with them, and they taught us all their knowledge. It was a great experience,” ayon kay Rojas.
“Lahat ng activities dito pwede natin i-apply sa (Philippine) coast guard. Almost the same naman, hindi naman nagkakalayo,” dagdag ni Antonio.
Mula Pilipinas ay tutungo sa Japan ang Stratton para sa ikalawang trilateral coast guard exercise sa pagitan ng United States, Pilipinas, at Japan. Ang unang trilateral maritime exercise ay noong Hunyo 2023 sa Mariveles, Bulacan.
Ang USCGC Stratton ay isang 418-foot cutter ng U.S. 7th Fleet area of operations. Ang barko ay naglalaman ng unmanned aerial system at maliliit na bangka na idi-deploy para sa law enforcement at rescue operations. (RG/PIA MIMAROPA-Palawan)