30 C
Manila
Miyerkules, Mayo 28, 2025

Haluan ng kuwento ang pagtalakay sa mga Learning Competencies

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

POPULAR ang mga fairy tales noong ako’y bata pa. Halos lahat ito’y galing sa mga bansang Kanluranin. Una kong nabasa ang The Emperor’s New Clothes at ang Puss in Boots. Siyempre, nabasa ko rin ang kuwento nina Cinderella, Pinocchio, Peter Pan, Snow White, at iba pa. Nagbasa rin ako ng maraming alamat gaya ng Alamat ng Pinya, Alamat ng Makopa, Alamat ng Bulkang Mayon, Alamat ng Mangga, at kung ano-ano pa.

Nasa Grade 6 na yata ako nang may ahenteng nagbenta sa amin ng Disney’s Wonderful World of Knowledge, isang pambatang ecyclopedia na nagtatampok ng mga ilustrasyon ng Disney characters sa mga pahina nito. Nakatulong ito para madaling maunawaan ang mga scientific explanation sa naturang encyclopedia. Natatandaan ko pa si Donald Duck (o si Mickey Mouse yata) na nakatutop ang pakpak/paa sa dakong tiyan. ‘Hernia’ o luslos kasi ang tinatalakay sa isang bahagi ng aklat.  Nagkaroon tuloy ako ng ideya noon na ang luslos pala ay nasa dakong tiyan ng isang tao.

Kailangan natin ng mga ‘informational storybooks’ para mapasimple ang isang kumplikadong scientific o health concept. Kung straight information lang kasi ang nilalaman ng aklat, boring ang dating nito sa mga batang babasa. Pero kung dadaanin ito sa paraang nakaaaliw o di kaya’y gagamitan ng kuwento (at dagdag na drowing), mas madali itong maunawaan.


May popular na serye ng aklat pambata sa Amerika na nagpapaliwanag sa mga bagay-bagay sa ating paligid: ang ‘The Magic School Bus’ series ni Joanna Cole (at guhit ni Bruce Degen). Dito’y may isang gurong parang ‘nerd’ (o ‘weird’, sige na nga) na sa kanyang pagnanais na magpaliwanag sa kaniyang mag-aaral ng isang lesson, isasakay niya ang mga ito sa isang magic school bus at pupuntahan mismo ang lugar na itinatampok sa kuwento. Kung solar system ito, dadalhin niya ang mga estudyante sa kalawakan (at nagiging rocketship ang magic school bus). Kung tungkol naman sa ocean, dadalhin niya ang mga estudyante sa ilalim ng dagat sakay ng naturang school bus na nagiging submarine. Kung human body ang kanyang topic, biglang liliit ang naturang school bus na kasinglaki na lang ng selula at makapapasok ito sa loob ng ugat o circulatory system.  Ang cool, di ba?

         

Layon ng DepEd ngayon na makapag-integrate ng iba’t ibang learning competencies sa mga kuwentong pambata upang mas madaling maintindihan ng mga mag-aaral ang nais ituro ng kanilang guro. Nitong mga nakalipas na taon, nagkaroon ng inisyatiba ang Bureau of Learning Resources (BLR) na magdaos ng taunang Gawad Teodora Alonso upang hikayatin ang mga guro na lahukan ng kuwento ang mga konseptong itinuturo nila sa mga estudyante.

“Nais naming makatulong sa mga kabataan ngayon na nahihirapang magbasa… gamit ang mga storybooks,” gayon ang sabi sa akin ni Jejomar Alda, isa sa opisyal ng DepEd Bureau of Learning Resources. “Naisip namin na kung makagagawa ng maraming aklat pambata ang ating mga guro sa public schools na magaang tumatalakay sa iba’t ibang learning competencies, mas magiging epektibo ang pagkatuto ng ituturo sa kanilang mga konsepto.”           

- Advertisement -

Pero paano nga ba natin gagawing malikhain ang approach sa ganitong pagkukuwento? Dito papasok ang integrasyon ng kuwento sa isang konsepto. Halimbawa, kung ‘fraction’ ang pinag-uusapan sa Math, paano mo ito iisipan ng kuwento upang maging interesting ang pagkatuto sa ‘fraction.’ Kung tungkol naman sa cross-pollination, photosynthesis, at ang estado ng pagiging solid-liquid-gas ng tubig ang konseptong nais paksain, paano mo ito hahaluan ng kuwento? Paano mo gagamitin ang mga bagay-bagay sa paligid upang ipaliwanag ang  mga konseptong ito.

Ang pagdadagdag ng kuwento sa bawat konsepto – sa ano mang disiplina – ay mabisang paraan upang maabot ang mga bata at kabataang mambabasa. Kung hindi kasi interesting ang pagtalakay na gagawin sa mga konseptong pang-Math at Science, baka mas naisin na lang nilang patuloy na manuod ng mga content sa Youtube o sa iba pang apps na available sa kanilang cellphone, iPad, o computer. Sa dami rin ngayon ng resources na puwedeng makuha ng bata’t kabataan sa internet, baka dito na lang sila tumambay. Kung kaya’t masasabi kong malaking hamon ito sa mga gumagawa ng content ngayon.

Sa ating pagnanais na maibahagi sa mga bata ang mga konseptong pang-Science at Math, maaari tayong gumamit ng mga tinatawag na literary devices upang mapalutang ang kaalamang itinuturo. Puwedeng gumamit ng iba’t ibang figures of speech gaya ng personification (o pagbibigay ng katangiang pantao sa isang bagay na walang buhay), imagery, simbolismo, metapora (kinakatawang bagay), analogy o paghahambing sa mga bagay-bagay sa paligid.

Malaki rin ang maitutulong ng maayos na drowing o ilustrasyon upang maihatid ang mensaheng nais iparating sa mambabasa. Malaki ang papel na ginagampanan ng ilustrador sa proseso ng pagpapasimple sa isang konsepto. Hindi dapat minemenos ang kontribusyon ng mga ilustrador sa pagpapagaan ng isang paksa o konsepto. May mga bagay sa kuwento na mas madaling mauunawaan kung dadaanin sa drowing (lalo na kung may halo pang ‘humor’ ang naturang ilustrasyon).

Puwede rin nating hilingin sa mga bata na sila mismo ang maghimay sa isang konseptong tinatalakay sa klase (pang-Science man ito o Math) at idaan ito sa isang skit o dula-dulaan na kailangang itanghal sa klase. Baka magulat pa tayo kapag natuklasang mas malikhain pa pala sila sa atin.  Ginawa namin ito dati noong medical student pa lang ako sa FEU-NRMF sa subject na Biochemistry. Hinamon kami ng aming guro noon – si Dr. Remedios Santos – na mag-isip ng isang biochemical concept, himayin ito o busisiin, pasimplehin, at itanghal bilang skit o dula-dulaan sa auditorium ng FEU. Hinaluan pa namin ito ng awit at sayaw. Naging masaya ang presentasyon ng bawat grupo. At aaminin kong mas tumiim sa aking isip ang pagkatuto ng naturang

Hindi simpleng instructional materials lamang ang gusto nating gawin. Hindi simpleng ‘guide’ o ‘how-to’ lamang. Hindi simpleng paglalahad lamang ng impormasyon. Paano gagawing malikhain ang mga straight facts na makakatas mula sa mga konseptong tinatalakay sa loob ng klase? Paano ito ipaiintindi sa mga bata sa paraang waring hindi nagtuturo?

- Advertisement -

“The best way to convey a message is to give an impression that no message is being conveyed.” Ito ang nagsisilbing gabay ko sa paglikha ng kuwento para sa mga bata. Kung nais magturo o magbahagi ng kaalaman sa mga mag-aaral, ipaabot natin ito sa kanila sa paraang hindi nila nahahalata. Akala’y kinukuwentuhan lang sila, noon pala’y may itinuturo na sa kanila! Ang saya lang, di ba?

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -