NAGTALAGA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mga bagong opisyal ng kanyang Gabinete sa pamamagitan ng pag-anunsyo ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Huwebes, Mayo 29, 2025 sa isang press conference sa Malacañang.
Torre, hinirang na chief ng PNP

Hinirang si Police Maj. Gen. Nicolas Torre III bilang bagong chief ng Philippine National Police (PNP), ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay Bersamin.
“Turnover of command is scheduled on June 2,” sabi ni Bersamin .
Si Torre, na namuno sa Criminal Investigation and Detection Group, ay namuno sa pag-aresto at kasunod na turnover noong Marso kay dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) upang harapin ang paglilitis para sa mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng kanyang madugong kampanya laban sa droga.
Gumawa rin si Torre ng kasaysayan bilang unang nagtapos sa PNP Academy na namuno sa 228,000-strong police force, at nagtapos sa dominasyon ng mga nagbuhat sa Philippine Military Academy.
Siya ang papalit kay Police Gen. Rommel Francisco Marbil, na magre-retiro sa Hunyo 7.
Produkto ng PNPA “Tagapagpatupad” Class of 1993, tinalo ni Torre sina Deputy Chief of Administration Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., Area Police Command Western Mindanao commander Lt. Gen. Bernard Banac, Directorial Staff chief Lt. Gen. Edgar Alan Okubo at National Capital Police Region Office director Maj. Gen. Anthony Aberin para sa puwesto.
3 pang meyembro ng Gabinete, mananatili
Tinanggihan ni Pangulong Marcos Jr. ang courtesy resignations nina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Interior and Local Government Secretary Juanito Victor Remulla, at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., sabi ni Executive Secretary Bersamin nitong Huwebes.
Samantala, wala pang desisyon na ginawa hinggil sa sasapitin ni National Security Adviser Eduardo Año, ayon sa Palace Executive.
Higher Education chief, solicitor general pinalitan
Samantala, tinanggap ni PBBM ang courtesy resignation ni Commission on Higher Education (CHEd) Chairman Prospero De Vera III, sabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Ang pumalit sa kanyang puwesto ay si CHEd commissioner Shirley Agrupis.
“As far as I know, although this is not the official reason. CHEd chair[man] De Vera has been there for two terms. Maybe the President wants to give CHEd a fresh start,” paliwanag ni Bersamin.
Ang pagbibitiw ni De Vera ang pinakahuli sa mga courtesy resignation na tinanggap ng Pangulo, kasama si dating solicitor general Menardo Guevarra.

Si Guevarra ay pinalitan ng University of the Philippine law dean na si Darlene Marie Berberabe.
Reclamation chairman unang GOCC head na nagbitiw
Maaga nitong Huwebes, naghain din ng kanyang pagbibitiw si Philippine Reclamation Authority (PRA) Chairman Alex Lopez, kaya siya ang unang government-owned and controlled corporation (GOCC) head na gumawa nito sa gitna ng malawakang reorganisasyon ng gobyerno ng Pangulo.
Si Lopez, na itinalaga ni Pangulong Marcos noong 2023, ang nanguna sa PRA sa record-breaking financial performance sa panahon ng kanyang panunungkulan. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang ahensya ay nag-post ng netong kita na P89.86 bilyon (humigit-kumulang $1.6 bilyon) noong 2023, na kumakatawan sa makabuluhang paglago mula sa mga nakaraang taon at pinatibay ang posisyon ng PRA sa mga pinaka kumikitang GOCC sa bansa.
Sa kanyang resignation letter na may petsang Mayo 23 na hinarap sa Pangulo sa pamamagitan ni Bersamin, ipinahayag ni Lopez ang kanyang “utmost respect and a heart full of gratitude for the opportunity to serve. I tender my courtesy resignation as Chairman of the Philippine Reclamation Authority, in line with your directive to realign and recalibrate our administration’s priorities,” ayon sa kanyang sulat. Halaw sa mga ulat ng The Manila Times