MATAGUMPAY na iniulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ilan sa mga resulta ng kanyang pagdalo sa 46th Asean Summit, 2nd Asean GCC Summit and Asean-GCC Summit sa Kuala Lumpur nitong Mayo 26-27, 2025.
Tumulak papuntang Kuala Lumpur si Pangulong Marcos kasama ang Unang Ginang Lisa Araneta Marcos noong Mayo 25, 2025 mula sa Villamor Air Base, Pasay City
“Patungo tayong Kuala Lumpur para sa 46th Asean Summit para sa isang mas matatag, nagkakaisa at makataong Southeast Asia,” sabi ni PBBM.
Mainit na tinanggap si Pangulong Marcos at ang kanyang mga kasama ni Prime Minister Anwar Ibrahim at ng pamahalaang Malaysia.
“Kasama ang mga lider ng Asean, dala namin ang pag-asa ng mahigit 600 milyong mamamayan para sa isang rehiyong mas nagkakaisa, mas patas at mas handa sa mga hamon ng panahon.
“Thank you to Prime Minister Anwar Ibrahim and the Malaysian government for the warm welcome and gracious hospitality as we gather here in Kuala Lumpur for the 46th Asean Summit and Related Summits.
Bilang paggunita sa 70 taon ng ugnayan ng Pilipinas at Lao PDR, nagkasundo sina Pangulong Marcos at Prime Minister Sonexay Siphandone na lalo pang paigtingin ang pagtutulungan sa kalakalan, edukasyon, at seguridad—at magkaisa para sa kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon.
Sa kauna-unahang bilateral meeting kasama si Prime Minister Paetongtarn Shinawatra, mas pinagtibay ng Pilipinas at Thailand ang ugnayan sa kalakalan, pinalawak ang kooperasyon sa agrikultura, at pinatatag ang pagtutulungan laban sa transnational crime.
“Bilang bahagi ng Asean, sama-sama tayong kumikilos para sa kapayapaan, seguridad at kaunlaran sa rehiyon,” sabi ng Pangulong Marcos.
“Sa ika-10 taon ng Philippines–Vietnam Strategic Partnership, napag-usapan namin ni Prime Minister Pham Minh Chinh ang pagpapalakas ng kalakalan, ugnayan ng ating mga mamamayan, at ang paghahanda ng Pilipinas bilang Asean Chair sa 2026,” kuwento ni Pangulong Marcos.
“Kaisa ang Pilipinas sa pagtupad sa Asean Community Vision 2045. Sa pamamagitan ng Kuala Lumpur Declaration, nakikiisa tayo sa hangaring bumuo ng isang rehiyong ligtas, mapayapa, at pinamumunuan ng batas. Isang ASEAN na bukas sa inobasyon, pagkakaisa, at pag-unlad na tunay na ramdam ng bawat mamamayan.”
“Asean’s strength lies in the trust and understanding we build when we come together. Tonight’s gathering, graciously hosted by Prime Minister Anwar, was a clear reflection of that.”
“Sa ating pamumuno sa ika-16 na BIMP-EAGA Summit, muling pinagtibay ng Pilipinas ang ating pangakong magdala ng kaunlaran sa Mindanao.
“Pinagtuunan natin ng pansin ang mas maayos na physical at digital connectivity, mas malakas na agrikultura, mas aktibong turismo at mas maraming oportunidad para sa kabataan.
“Tinitiyak nating mararamdaman ang progreso kahit sa pinakamalalayong komunidad.”
“Pinag-usapan namin ni Prime Minister Hun Manet ang mga bagong oportunidad sa AI, digitalization, at advanced technologies, at ang kahalagahan ng pagsasanay at pag-unlad ng ating mga mamamayan, pati na rin ng kalakalan sa rehiyon. Inaasahan kong lalo pang lalalim ang ugnayan ng Pilipinas at Cambodia.”
“Isinulong natin ang kapakanan ng ating overseas Filipino workers sa naging pag-uusap ko kay Crown Prince Sheikh Sabah Al-Khaled Al-Hamad Al-Sabah ng Kuwait.
“Tinalakay din namin ang pagpapalakas ng ugnayang pang-ekonomiya at kooperasyon sa paggawa para sa mas maayos na kalagayan ng ating mga manggagawa.” Ulat at mga larawan mula sa Facebook page ni Pangulong Bongbong Marcos