26.3 C
Manila
Sabado, Hunyo 7, 2025

Freeloader ka ba?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

JUAN, matanong lang kita. Narinig ko kanina na niyaya ka nung ka-batch mate mo na si Gina na lumabas pero ayaw mo sumama. Parang laging nagyaya yun, pero mahigpit ang pagtanggi mo parati. Bakit?

Ah yun? Naku, Uncle, medyo may nahalata kasi ako kay Gina. Mukhang mahilig lang sa libre. Paulit-ulit na nangyayari yung kahit anong labas naming magkakabarkada, hindi bumubunot pagdating sa bayaran. Madalas, biglang nawawala pagdating ng bill o di kaya’y may tatawag sa kanya na may emergency at kailangang maunang umuwi.

Ganun ba? Alam mo ba ang tawag sa mga ganung tao? Freeloaders.

Ang freeloading ay gawain ng mga taong nakikinabang sa kung ano-anong bagay — pagkain, pabahay, travel o lifestyle — dahil  sa generosity o pagbibigay ng ibang tao. Mahilig ang mga freeloaders sa libre kahit na dapat responsibilidad nila o talagang kaya naman nila. Kadalasa’y pinapalabas nila na sila ay mahina o may kakulangan kaya mas magandang akayin sila ng mga mas may kakayahan hanggang sa maabuso na ang mga kabaitan nito.

Marami tayong mga nakikita na freeloaders sa ating paligid.


Nandyan na ang mga ginagatasang mga single na kapatid na ang konsepto sa kanila ay may pera, walang pamilyang ginagastusan, kailangan ng kasama para hindi sila malungkot, walang papamanahan kung sila’y pumanaw at sobra-sobra ang kanilang budget para sa pansarili lamang nila.

Kaya nakikitira sa mga single na ito, na naghirap para mag-invest sa isang magandang tirahan, ang buong pamilya na walang bayad. Pati kuryente, tubig o pagkain na binabayaran  ay kulang at sa single na kapamilya iaatang ang kakulangan. Kung may nasira sa bahay na sila din naman ang nakikinabang, hihintayin pa ang single na handang gumastos. Sa madaling salita, ang mga freeloaders ay allergic sa pagbunot ng pera kahit na obligasyon nila yun para maitaguyod ang kanilang pamilya.

Meron din dyan ang pamilyang nakikiplano sa pagbabakasyon at pagbiyahe sa ibang lugar. Hahayaan muna ang kapamilya na may credit card ang sya munang magbayad ng lahat ng ticket at iba pang gastusin. Pero sa dulo, hindi na magbabayad at hahayaan na lang makalimutan o di kaya’y huwag singilin ng nahihiyang kapamilyang may budget. Ganyan ang freeloaders.

May kuwento din tungkol sa mga umuutang na kung anu-ano ang pinapangako para makuha lang ang hinihingi. Pagdating ng bayaran, maraming dahilan hanggang sa naawa na lang ang nagpahiram at sasabihing tulong na lang daw sa kanila yun. Ang ugali ng freeloaders ay sasagadin ang kabaitan at generosity ng iba para lang sila ang magbenepisyo ng malaki.

- Advertisement -

Meron ding mga mahilig pumunta sa party o kasiyahan na wala man lang dala maski isang kusing na champoy bilang respeto at kortesiya sa host. Magshasharon pa ito pag-uwi at walang hiyang sisimutin ang natirang handa. Ang utak ng freeloaders ay nakatuon sa pansariling pakinabang kahit na pangit ang asal at hindi naayon sa disiplinang naituro ng tradisyon at kultura.

At sa mga opisina, meron ding mga freeloaders na kung sila ang magbabayad, puede na sa fastfood o sa jollyjeep kumain. Pero pag opisina ang magbabayad, mas masaya kung sa mas mamahaling restoran kakain o sa mga lugar na hindi talaga kaya ng bulsa nila.

Sa ating bansa, marami tayong gustong pagbabago pero marami ding umiiwas sa mga tax na dapat bayaran. Masama ang epekto sa ekonomiya ng mga freeloaders na nanghahamon ng magandang daan, public health care at transportasyon at iba pang serbisyo pero nagkakaaakit pagdating ng koleksyon ng buwis sa kanilang mga negosyo.

Ano nga ba ang relasyon ng pagiging freeloader sa financial literacy? O ito ba ay nagkakaroon ng negatibong moral impact na dulot din ng kawalan ng financial literacy?

Una, sabi ng iba ang freeloading ay isang stratehiyang pinansyal para makaipon. Imbes na gumastos sa mga bagay na puede namang iba ang magbayad, itatabi na lang nila ang mga ito bilang saving para sa mas prayoridad na mga bagay.

Maaari nga pero Ito ba ay makatuwiran at maipagpapatuloy ba Ito ng pangmatagalan? Ikayayaman mo ba Ito?

- Advertisement -

Mas magandang may financial goals tayo at doon natin ituon ang stratehiya nating mag-budget, mag-ipon at mag-invest. Imonitor natin ang ating paggastos at gumastos tayo na pasok sa budget natin at sa gusto nating maipon kada buwan.

Pangalawa, ang freeloading ay hindi maganda ang epekto sa nagbibigay at binibigyan. Sa nagbibigay, kahit na sabihin nating mabait at hindi mahalaga sa kanya ang naibibigay, nagkakaroon sila ng trust issues sa relasyon, bumubuo ng tensyon, pagkapagod at pagkainis at napapalitan ng lungkot ang dapat sana’y saya ng pagbibigay. Sa binibigyan, may epekto din ng guilt o pagkabagabag sa konsensiya at depression dahil sa pagkasira sa relasyon.

Pangatlo, kawawa sa mga freeloaders ang nagbibigay. Dahil nga sa kagandahang puso ng mga inaabuso ng  mga freeloaders, hindi nila napapansin na naiistorbo din ang kanilang mga plano sa buhay at lumilihis sa talagang gusto nilang mangyari. Ang mga freeloaders ay masyadong self-centered at wala na rin silang pakialam sa kung ano pa mang epekto ng kanilang ginagawa.

At pang-apat, paano ba mababago ang kultura ng freeloaders? Siguro mas maging makatuwiran ang mga nagbibigay at bigyan din ng edukasyon at disiplina ang mga ganitong pag-uugali. Kailangan bumalik sa basics ng pagba-budget, pag-iipon at pag-iinvest. Tumulong na naaayon sa isang pinansyal na plano. Huwag umasa sa libre kundi pagtibayin ang pagta-trabaho at paghahanap ng oportunidad para mabuhay ng disente at marangal. Kung may nagbibigay ng libre, magpasalamat pero huwag gawing sandalan ang kabutihan ng iba para maranasan ang mas angat na pamumuhay.

Juan, pugsuin natin ang kultura ng freeloading, puwede?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -