“Alisin na lang nila ang pangalan ko bilang may-akda at sponsor kung ayaw nila sa akin — huwag lang nilang gipitin ang pinakamaliit na sangay ng pamahalaan dahil lang sa pulitika.”
Ito ang matapang na pahayag ni Senadora Imee R. Marcos kasunod ng desisyon ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na mas iksian pa ang termino ng mga opisyal ng barangay.
Matatandaang isinusulong ng senadora ang anim na taong panunungkulan para sa mga opisyal ng barangay hanggang sa dalawang termino. Ngunit aniya, imbes na suportahan, tila ginagantihan pa ang barangay dahil sa personal na mga isyu laban sa kanya.
“Kaya walang nararamdamang gobyerno ang mga tao–dahil imbes tulungan ang barangay, binabawasan pa ang kapangyarihan at sinasadyang pahinain,” giit ni Marcos.
Dagdag pa niya, “Walang bumababa sa tao — walang proyekto, walang programa, walang kaayusan. Wala ring suportang pang-agrikultura o pagkain. Hanggang sa gabinete lang ang lahat — puro drawing lang! Ano’ng akala nyo sa Pilipino? Cartoons?”
Noong isang taon, aminado ang Comelec na mas makabubuti kung ipagpaliban sa 2026 ang Barangay at SK Elections na nakatakda sa Disyembre 2025 — dahil sabay itong binubuno kasama ng midterm elections. Anila, mas mahaba ang panahon para sa preparasyon at pagpaparehistro, lalo na para sa mga kabataang SK. Pero ngayon, parang nagbago ang ihip ng hangin.
Hindi lingid sa publiko na pangunahing adbokasiya ni Marcos ang pagpapalakas sa lokal na pamahalaan, lalo’t siya lamang ang senador na nagsimula sa barangay.
“Ang barangay ang tunay na mukha ng pamahalaan sa mata ng karaniwang Pilipino–nakikita, nararamdaman, at inaasahan sa araw-araw, pero ang malinaw: wala nang pakialam ang administrasyong ito sa ordinaryong mamamayan.”