KINONDENA ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla ang patuloy na “inhumane treatment,” kabilang ang paggutom ng sibilyang Palestino sa mga occupied territories, kasama ang panawagan para sa pagpasok ng tulong para sa kanila.
Ihinain ni Padilla nitong Huwebes ang Senate Resolution 1366, kung saan nanawagan siya ng pananagutan para sa mga patuloy na paglabag ng international humanitarian law.
“It is pertinent that we, as a nation, send a strong statement condemning the persistent and systematic killing of innocent lives, destruction of vital infrastructure, and obstruction of access to humanitarian aid, as these constitute grave violations of international humanitarian law. The Philippines, as a member of the international community, must not remain silent while these atrocities continue unabated,” aniya.
“Resolved, as it is hereby resolved, by the Senate of the Philippines to strongly condemn the continued inhumane treatment, deliberate starvation, and mass killings of Palestinian civilians in the occupied territories, calling for the immediate protection of human rights, accountability for international humanitarian law violations, and the unhindered entry of humanitarian aid,” dagdag niya.
Ani Padilla, nakasaad sa Sec. 2, Article II ng 1987 Philippine Constitution ang pagtalikod sa giyera at pagtaguyod sa pagprotekta sa sibilyan sa panahon ng giyera.
Ipinunto din niya na pinagtibay din ng Pilipinas ang Geneva Conventions of 1949, na nagbabawal sa paggutom at pag-target sa sibilyan.
Giit din ng mambabatas, ang Pilipinas bilang founding member ng United Nations ay may malaking papel sa paghubog ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR), na nagpapakita ng dedikasyon nito sa pagtaguyod ng karapatang pantao.
Ani Padilla, malawak na pinsala sa mga bahay at paaralan ang naidulot ng military operations ng Israel sa Gaza. Kalahati lamang ng mga ospital ang gumagana, at 68% ng mga daan at bukid ay apektado.
Binanggit niya ang ulat ng Integrated Food Security Phase Classification kung saan ang blockade mula Marso ay nagpigil sa pagpasok ng mga mahalagang bagay tulad ng pagkain, tubig, gamot, at cooking gas.
Dahil sa mga blockade at restriction sa humanitarian aid, higit dalawang milyong Palestinians ang nanganganib na magutom.
Mula Hunyo 1 hanggang 3, hindi bababa sa 60 Palestinians ang napatay nang pinagbaril ng mga Israeli ang mga taong kumukuha ng pagkain mula sa pasilidad ng Gaza Humanitarian Foundation (GHF). Dahil dito, suspendido ang operasyon ng GHF.



