SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang pagsasabatas ng isang panukala na magpapalawak ng ‘denaturing’ ng alkohol sa bansa ay inaasahang magbibigay-daan sa paglago ng mga industriya ng personal care, paglilinis, at iba pang may kaugnayan sa kalusugan. Ang ‘denaturing’ ay ang proseso ng paghahalo ng ethyl alcohol sa mga sangkap para hindi ito mainom.
Ang pahayag ni Gatchalian ay kasunod ng pag-apruba ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ng isang panukala na nag-aamyenda ng Section 134 at 168 ng National Internal Revenue Code, na sumasaklaw sa ‘denaturing’ ng alkohol sa bansa. Sa ilalim ng kasalukuyang batas, tanging ang lokal na gawang ethyl alcohol lamang ang pinapayagan para sa denaturing. Ang panukala, kung maisasabatas, ay magpapalawak ng ‘denaturing’ upang maisama na dito ang mga inaangkat mula sa ibang bansa.
“Kapag pinayagan nang ma-denature dito sa bansa ang inangkat na ethyl alcohol, magiging exempt na rin ito sa excise tax, at makikinabang ang ilang negosyo, kabilang ang personal care, paglilinis, at mga industriyang may kaugnayan sa kalusugan,” aniya.
“Oras na maisabatas, ito ay magpapahintulot sa mga mahahalagang sektor na makakuha ng mga materyales nang mas episyente, mabawasan ang gastos sa produksyon, at manatiling competitive,” ayon kay Gatchalian, na chairperson ng Senate Committee on Ways and Means.