29.9 C
Manila
Martes, Hulyo 8, 2025

Nakababahahalng pagtaas ng kaso ng HIV sa bansa, pinaiimbestigahan ni Jinggoy sa Senado

- Advertisement -
- Advertisement -

ITINUTULAK ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang pagsasagawa ng masusing pagdinig sa Senado sa tumataas na mga kaso ng nakakahawang human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa na pinangangambahan na posibleng maging national public health emergency.

Sa isang resolusyong inihain ni Estrada, iginiit niya ang pagsasagawa ng Senate Committee on Health and Demography at iba pang kaukulang komite ng pagsusuri para pag-aralan kung kinakailangan na repasuhin at palakasin ang mga umiiral na patakaran sa pampublikong kalusugan.

“Nangangailangan ng agarang pagkilos mula sa lahat ng sektor, kabilang ang Kongreso, para ma-kontrol ang nakakabahalang pagtaas ng bilang ng HIV infections, at upang matugunan ang malawakang epekto nito sa ating lipunan at ekonomiya,” ani Estrada sa kanyang Senate Resolution No. 1370.

Binigyan-diin din ni Estrada na kailangang repasuhin, i-update at palakasin ang mga patakaran na may kaugnayan sa HIV prevention, diagnosis, treatment at education, bilang tugon sa datos ng Department of Health (DOH) na nagpapakita ng posibleng krisis sa kalusugan.

Ayon sa HIV and AIDS Surveillance report ng DOH, may naitalang 57 average cases ng HIV kada araw sa unang bahagi ng taon, o tinatayang 1,700 na kaso kada buwan, na mas mataas ng 50% kaysa sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Nakakabahala aniya ang obserbasyon sa nasabing pag-aaral na nagpapakita ng pagtaas ng impeksyon sa mas nakababatang populasyon, kung saan pinakamatindi ang pagtaas sa wala pang 15 taong gulang (+133%) at yaong nasa edad 15 hanggang 24 taong gulang (+106%). Ang pinakabatang naitalang kaso ay isang 12 taong gulang mula sa Palawan.

Ang kabuuang kaso ng HIV sa bansa na naitala hanggang nitong Marso ng kasalukuyang taon ay umabot na sa 148,831 mula sa kauna-unahang kaso noong 1984, ayon sa DOH. Dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV sa mga nakalipas na taon, tinatayang aabot sa 252,800 ang bilang ng may may HIV sa pagtatapos ng kasalukuyang taon.

Dahil ang Pilipinas na ngayon ang may pinakamaraming bagong kaso ng HIV sa Western Pacific Region, nanawagan si Health Secretary Teodoro Herbosa ng isang whole-of-government approach upang tugunan ang krisis.

Ayon kay Estrada, ang mungkahing pagdinig ng Senado ay magpopokus sa pagpapalakas ng mga programa sa HIV prevention, pagpapabuti ng access sa mga gamot at gamutan, at pagpapaigting ng kampanyang pang-edukasyon upang matiyak na ang lahat ng Pilipino — lalo na ang kabataan — ay may access sa komprehensibo at youth-friendly na mga serbisyong may kaugnayan sa naturang kondisyon.

“Ang kasalukuyang mga polisiya na layuning turuan ang publiko ukol sa HIV at pigilan ang pagkalat nito ay kailangang regular na suriin upang matiyak na maayos itong naipapatupad. Patuloy na banta ang HIV sa kalusugan ng mga mamamayan, at kailangang kumilos agad ang pamahalaan–lalo na sa pagbibigay ng agarang access sa mga gamot–upang mapigilan pa ang mas malawak na pagkalat ng sakit,” ani Estrada.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -