ISA sa pinakamahalagang desisyon sa pagbuo ng tesis o anumang pananaliksik ay ang pagpili ng paksa. Maraming konsiderasyon ang dapat isaalang-alang upang maiwasan ang pagpapalit-palit ng paksa na maaaring humantong sa pagkaantala o pagkabigong matapos ang proyekto. Ang sumusunod na tala ay ilang paalala at tagubilin sa pagpili ng paksa para sa tesis o disertasyon.
- Alamin ang iyong mga kalakasan at kahinaan bilang iskolar at mananaliksik. Napakahalaga ng self-reflectivity (o pagiging mapagnilay) para rito. Nagsisimula ang lahat sa self-awareness.
- Tukuyin ang iyong kaalaman, opinyon, damdamin, pagpapahalaga at paninindigan ukol sa paksa. Mahalagang self-reflective exercise ito para mas maging malinaw ang iyong positionality bilang mananaliksik. Wika nga, ano ang iyong ‘hugot’ ukol sa piniling paksa?
- Hamunin din ang iyong mga pre-conceived notion ukol sa paksa. Isalang ang mga ito sa malalim na pagsusuri.
- Pumili ng tema at paksa na may kinalaman sa iyong pinagmamalasakitan. Maaari itong tumukoy sa isang isyu, sektor at/o komunidad. Mas nagiging makabuluhan ang pananaliksik kung ang paksa ay pinag-uugatan ng mga bagay o usapin na mahalaga sa iyo at sa iyong kinabibilangang komunidad.
- Isaisip ang mga sumusunod na salik sa pagpili ng paksa: sector-specific, issue-specific, period-specific, site-specific, policy-specific, case-specific at population-specific. Depende sa sitwasyon, maaaring dumagdag rin ang pagiging culture-specific, values-specific at language-specific bilang mga konsiderasyon.
- Gamitin ang iyong pagiging palausisa (curious/inquisitive) upang mapakapag-isip ng paksa sa pananaliksik. Kapwa maging mapagmasid sa mundo (physical world) at daigdig (social world). Itala at pag-isipan ang iyong mga obserbasyon.
- Tukuyin ang iyong research area o research interest. Baybayin ang iyong naging research trajectory at tukuyin ang naging pattern of continuity and change ng iyong mga paksain. Ilista, imapa at suriin ang iyong mga naging obserbasyon. Pana-panahon itong isagawa.
- Tiyaking nakapagbasa nang sapat ukol sa paksa bago ito ikonsidera sa hanay ng mga pagpipilian. Ang paksa ay hindi dapat hinuhugot mula sa kawalan. Siguraduhin din na napapanahon ang mga ginamit na sanggunian.
- Maglista ng tatlo hanggang limang paksa at tukuyin ang bentahe at disbentahe ng bawat isa batay sa iba’t ibang konsiderasyon kagaya ng kahandaan, rekurso, panahon at iba pa.
- Ikonsidera ang potensiyal na ambag ng iyong pananaliksik sa larangan at lipunan. Sinasagot nito ang mga katanungang: para saan at para kanino?
- Ikonsidera ang tatlong bagay sa pagpili ng paksa: personal consideration, institutional consideration at societal consideration (Arugay, Solis & Lorenzana, 2022). Unawain din ang maaaring maging ugnayan at kontradiksyon ng mga konsiderasyong ito.
- Gawing mas espisipiko ang iyong ninanais na paksa. Kung ang paksa ay masyadong masaklaw, ikonsidera na gawing mas partikular ito batay sa sektor, panahon, isyu, komunidad at populasyon. Bumuo ng concept map para magkaroon ng pokus at diin ang paksa.
- Alamin kung may conflict of interest sa iyong pipiliing paksa para sa pananaliksik. Ilan sa mga maaaring maging batayan ng conflict of interest ay kung tumatanggap ang mananaliksik ng pondo mula sa organisasyon na makikinabang sa resulta ng mismong pananaliksik (financial connection) o kung ang mananaliksik ay may posisyon sa nasabing organisasyon (dual roles).
- Tukuyin kung may makakalap na datos sa iyong paksa. Mapanghamon magsaliksik kung wala o mahihirapang makakuha ng datos. Ikonsidera ang iyong kahandaan sa pangangalap ng datos sa pagpili ng paksa. Unawain din na may mga kaakibat na panganib at etikal na konsiderasyon ang pangangalap ng datos depende kung gaano kasensitibo ang paksa sa pananaliksik.
- Pumili ng paksa na pukaw-interes at pukaw-kamalayan. Konsiderasyon ito upang magkaroon ng mambabasa at impluwensiya sa larangan ang iyong magiging akda. Tiyakin din siyempre na gawing pukaw-interes at pukaw-kamalayan ang paraan ng iyong pagsusulat.
- Isaalang-alang ang lahat ng mga natutunan sa programa o kurso sa paglalatag ng opsyon. Ang pagsusulat ng tesis ay inaasahang kulminasyon ng iyong naging pang-akademikong paglalakbay kaya marapat lamang na taglayin ng iyong akda ang mga kaalaman at kasanayang nalinang mula sa kurso.
- I-antisipa ang mga posibleng maging suliranin kung iyong itutuloy ang napiling paksa. Tandaan na may mga sitwasyon at alalahanin na hindi mo kontrolado at lampas sa iyong kakayanan na matugunan. Ikonsidera ito bilang batayan sa pagdedesisyon.
- Tingnan ang posibilidad na gawing paksa ang mga dating pananaliksik sa ibang asignatura. Magiging kapaki-pakinabang ang mga nasimulang pag-aaral kung itutuloy ang mga ito. Maaari rin itong paglunsaran ng iba pang mga kaugnay na pananaliksik.
- Umiwas sa mga gasgas na paksa. Alamin kung palasak na ang iyong ninanais na paksa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng literature review. Maaari rin namang piliin ang mga kaparehong paksa pero gamit ang mga alternatibong lente at metodo.
- Sumangguni sa library o online repository upang malaman ang kumpletong tala ng mga dating pananaliksik sa iyong kurso o larangan. Subukan kung may maiisip kang bago o nais ipagpatuloy mula sa mga nauna.
- Tumingin sa research implication section ng mga pananaliksik upang matukoy ang rekomendasyong pampananaliksik ng may akda. Maaari itong maging lunsaran ng iyong sariling research agenda.
- Magsagawa ng masinsing literature review para matukoy ang research gap sa larangan. Tukuyin kung anong partikular na research gap ang iyong nais punan (knowledge gap, analysis gap, evidence gap, empirical gap, theoretical gap, conceptual gap, methodological gap, practical gap, policy gap o population gap).
- Sumangguni sa mga maaasahang academic journal para matukoy ang state-of-play ng larangan. Dumalo rin ng mga pang-akademikong komperensiya upang masubaybayan ang nagbabagong larangan sa disiplina. Umiwas sa mga predatory journal na naglipana online. Gayundin, umiwas sa mga predatory conference at maging kritikal sa ilalabas nilang conference proceedings.
- Dumulog sa mga librarian upang mabigyan ng access sa iba pang database. Magtanong din sa kanila ukol sa mga open educational resources (OER) na maari mong maging sanggunian.
- Sumubaybay sa balita upang maging napapanahon ang pipiliing paksa para sa pananaliksik. Bukod sa pagiging theoretically informed at empirically grounded, mainam din kung ang iyong magiging pananaliksik ay problem-based at solution-oriented.
- Makipagbalitaktakan sa mga kamag-aaral upang makatukoy ng collective research agenda kung saan maaari kayo makapagtulungan. Mainam na bumuo ng mga research cluster sa klase upang magkaroon ng kolaborasyon ang mga may magkakahalintulad o halos magkakahalintulad na tema o paksa (halimbawa: ecology cluster, migration cluster, media cluster, transportation cluster, disaster cluster, agriculture cluster, finance cluster, labor cluster, health cluster, gender cluster, education cluster at iba pa)
- Pumili ng paksa na may kabuluhan at mapakikinabangan ng komunidad lalo na ng mga marhinalisadong sektor. Ayaw nating maimbak lamang ang ating pananaliksik sa mga silid aklatan o/at online repository. Mas lalong ayaw nating mapakinabangan lamang ito ng mga mapagsamantala mula sa naghaharing uri.
- Ilinya ang paksa sa iyong adbokasiya lalo kung may malakas na praxis orientation ang iyong kurso at larangan. Layunin dapat ng pananaliksik na mapabuti ang kalidad ng buhay ng masa at makapag-ambag sa pagpapalaya ng mga pinagsamantalahan at biktima ng opresyon.
- Tukuyin kung anong mga marhinalisadong sektor o grupo ang may kinalaman o maaring magkainteres sa iyong paksa. Bumuo ng mahigpit na ugnayan sa kanila at ituring sila bilang kapantay at kamananaliksik.
- Sumangguni sa mga pangmasang organisasyon at research think-tank ukol sa mga napapanahong tema ng pananaliksik. Makatutulong sila nang malaki upang bigyang direksyon ang iyong research plan at hubugin ang iyong research agenda.
- Gamitin ang place-based inquiry upang maimapa ang mga posibleng paksa para sa iyong pananaliksik. Titiyakin nito na lapat at nakakonteksto ang iyong mapipiling paksa.
Place-based Inquiry 101 – Pinoy Peryodiko - Tingnan ang dugtungan ng lokal, pambansa at pandaigdigang dimensyon ng iyong napiling paksa. Ang ganitong kamalayan ay nagpapahiwatig na batid mo ang implikasyon ng problema sa mas malawak na larangan.
- Tingnan ang tambalan ng iyong naiibigang paksa sa larangan ng pananaliksik ng iyong magiging tagapayo. Makatutulong nang malaki kung may mahigpit na ugnayan ang dalawa.
- Ikonsidera ang haba ng panahon na mayroon ka sa pananaliksik kung pipili ng paksa. Kadalasang mayroong isang semestre para sa thesis proposal at isa ring semestre para sa data gathering at data analysis para sa undergraduate degree. Maaaring mas mahaba at pleksible naman sa graduate school (masterado at doktorado). Basahin din ang katambal na artikulong ito para sa pagbuo mismo ng tesis – Thesis Writing 101 – Pinoy Peryodiko
- Alamin kung saang diskurso nakapaloob ang iyong paksa. Ayon kay Dennis Mumby (1997), mayroong apat sa pangkalahatan – discourse of representation (positivism), discourse of understanding (interpretivism), discourse of suspicion (critical theory) at discourse of vulnerability (postmodernism).
- Tukuyin ang mga nagtatambalan (converging) at nagtatalabang (diverging) pananaw sa pagitan ng mga ideolohiya, paradigma, teorya, indibidwal at institusyon ukol sa paksa. Alamin din ang kalakasan at kahinaan ng bawat panig (side) at pakiling (orientation).
Bilang pagbubuo(d), mahalagang tandaan na ang pagpili ng paksa ay isang komplikadong proseso ng kinakapalooban ng critical stock-taking. Sa konteksto at prosesong ito, kailangang maingat na matasa (o ma-assess) ang pangkalahatang sitwasyon at matukoy ang mga nakalatag na opsyon para sa dulo ay makapagdesisyon nang matalino, mapuso at may paninindigan.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa [email protected]