29.9 C
Manila
Martes, Hulyo 8, 2025

Duterte, posibleng mailipat sa di-kilalang bansa habang nililitis — rights lawyer

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG kahilingan ni dating pangulong Rodrigo Duterte na mailipat sa ikatlong bansa habang nahaharap sa paglilitis sa International Criminal Court (ICC) ay suportado ng legal precedent at itinatag na mga international rules, sabi ng isang international law expert at human rights lawyer nitong Lunes.

Larawan mula sa file ng The Manila Times

Sa isang panayam sa The Manila Times, sinabi ni Arnedo Valera na sa ilalim ng Rule 119 ng Rules of Procedure and Evidence ng ICC, ang isang detenido ay maaaring magpetisyon para sa pansamantalang pagpapalaya o paglipat sa ibang bansa, kung ang kahilingan ay nakabatay sa mga partikular na alalahanin sa humanitarian, medikal, o seguridad at hindi ikokompromiso ang integridad ng paglilitis.

“Duterte has the right to request a transfer. The ICC has affirmed this in previous cases, such as Prosecutor v. Jean-Pierre Bemba Gombo,” sabi ni Valera, na namumuno din sa Global Migrant Heritage Foundation at nagsagawa ng batas sa imigrasyon at karapatang pantao sa Estados Unidos sa loob ng mahigit tatlong dekada.

Si Bemba, isang pinuno ng Congolese, ay pinagkalooban ng pansamantalang pagpapalaya ng ICC sa panahon ng paglilitis, na nagtakda ng isang pamamarisan para sa mga katulad na makataong petisyon, sabi ni Valera.

Tinutulan ng 1Sambayan


Ngunit sinabi ng pro-democracy coalition na 1Sambayan nitong weekend na ang bid para sa pansamantalang pagpapalaya ni Duterte ay isang “profound insult” o “malalim na insulto” sa mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao at isang “blatant attempt to subvert justice” o “hayagang pagtatangka na sirain ang hustisya.”

Sa isang pahayag, hinimok ng 1Sambayan ang ICC na tanggihan ang pagmamaniobra ni Duterte at nagbabala na “anumang bansa na isinasaalang-alang ang pagho-host kay Duterte sa ilalim ng pansamantalang pagpapalaya ay dapat na seryosong isaalang-alang ang mga implikasyon ng naturang desisyon.”

“Granting refuge to a figure accused of such grave crimes would not only undermine the integrity of the ICC process, but would also send a dangerous message to other potential perpetrators of human rights abuses worldwide: that impunity is attainable,” sabi ng grupo.

Mga salik na makatao

- Advertisement -

Ngunit sinabi ni Valera na habang si Duterte ay hindi pa nahatulan, ang mga probisyon sa ilalim ng Artikulo 103(1)(a) ng Rome Statute at mga naunang pagpapasya ay nagbibigay-daan para sa mga pansamantalang hakbang, lalo na kapag ang mga medikal o humanitarian na mga kadahilanan ay naroroon.

Binanggit din niya ang pansamantalang pagpapalaya ng korte kay Laurent Gbagbo, dating pangulo ng Ivorian, dahil sa kanyang edad at kalusugan, at ang International Criminal Tribunal para sa dating pagpapalaya sa politikong Serbian na si Vojislav Šešelj, na nagkaroon ng metastatic cancer.

“These cases set a favorable precedent supporting Duterte’s appeal to be moved to a neutral state for reasons related to health, age, and political safety,” paliwanag ni Valera.

Ang dating pangulo ng Pilipinas, na iniulat na dumaranas ng talamak na sakit na neuromuscular at ngayon ay 80 taon na, ay maaaring gamiting mga batayan habang nasa ilalim ng pre-trial detention. Ang Rule 119 ay magpapahintulot sa korte na isaalang-alang ang isang pansamantalang paglipat sa ilalim ng mahigpit na pangangasiwa.

Sinabi ni Valera na ang anumang naturang paglipat ay dapat aprubahan ng korte at batay sa garantiya ng patuloy na pakikipagtulungan ng tumatanggap na estado.

Samantala, narito ang ilang mga tampok na pangyayari sa hinaharap na kaso ni dating Pangulong Duterte.

- Advertisement -

2 hukom ng ICC na hiniling patalsikin ni Dutete, tinanggihan

Samantala, tinanggihan ng ICC ang hiling ni Duterte na patalsikin ang dalawang hukom ng Pretrial Chamber I ng ICC na kasamang dirinig sa kanyang kaso ngunit hindi siya nagtagumpay.

Tinanggihan ng lahat sa isang plenary session ng mga judge ng ICC ang petisyon ni Duterte na kasalukuyang nakadetine sa kanilang pasilidad sa The Hague, Netherlands. Nakasaad ito sa isang ruling na may petsang Hunyo 9 na pinirmahan ni Judge Tomoko Akane, ayon sa ulat ng The Manila Times.

Petisyon ng kampo ni Duterte

Nais ng kampo ng depensa na tanggalin sina Judge Reine Adelaide Sophie Alapini Gansou at Judge María del Socorro Flores Liera dahil sa palagay nilang magiging bias ang mga ito dahil sa naunang ruling ng dalawa na may kinalaman sa hurisdiksyon ng mga kasalukuyang kaso na may kinalaman sa laban kontra droga ng Pilipinas.

Tinitiyak ng lahat ng hukom ng ICC sa desisyong ito na magiging patas ang kanilang paghuhukom.

“A plenary of judges was convened … The plenary of judges, acting unanimously, decided to reject the applications,” ayon sa desisyon ng mga hukom.

Pangalawang pagkakataon na ito na nabigo ang kampo ni Duterte na idiskwalipika ang dalawang hukom.

Sa unang pagkakataon, nadismiss ito dahil sa procedural problems kung kaya muli itong inihain ng depensa sa panguluhan ng ICC.

Ano ba ang naunang desisyon ng dalawang hukom?

Inaalala ng depensa, mukhang malabong pumabor pa sa kanila ang dalawang abogada dahil sa dati nilang desisyon kung saan sumang-ayon sila na may hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas gayong tumiwalag na ang bansa bilang kasapi ng ICC noong 2019.

Ikinakatwiran ng kampo ni Duterte na hindi sya dapat nililitis ng ICC dahil hindi na naman kaisa ang Pilipinas nito dahil sa pag-atras ng bansa sa Rome statute. Bilang hindi kaisa, walang hurisdiksyon dapat ang ICC sa Pilipinas para maglitis ng mamamayan nito. Nananatiling wala pang kasagutan ang ICC sa isyung ito.

Nang dakpin nga si dating pangulong Duterte sa bisa ng warrant na inihain ng Interpol at inilipad patungong Netherlands, tinawag ito ng kanyang anak na si Bise-Presidente Sara Duterte na isang “some kind of state kidnapping.”

Kinondena nya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. dahil sa pagsuporta ng administrasyon na maisakatuparan ang pagkuha sa kanyang ama.

“Labag na sa batas yun,” sabi pa ni Bise Presidente Duterte.

Asylum

Nakadetine ang nakatatandang Duterte sa Netherlands simula Marso 2025 at inaapela ng kanyang mga abogado na dapat na siyang palayain dahil hindi naman sya kwalipikado para madetine pa habang naghihintay pa ng pagdinig.

Isinumite ng abogado ni Duterte na si Nicolas Kaufman nitong Hunyo 12 ang request sa ICC tribunal at sinabing may isang bansa ang pumayag na tumanggap sa kanyang kliyente.

Binanggit ni Kaufman ang Artikulo 60 ng Rome Statute, kung saan pinapayagan ang pansamantalang kalayaan na  may mga kondisyon na itatakda ng Pre-Trial Chamber I.

Role ng ICC at pagkalas ng Pilipinas

Upang makamit ng mga biktima ng war crimes at crimes against humanity ang hustisya, maaaring pumasok ang ICC sa imbestigasyon at prosekusyon laban sa mga suspek mula sa mga bansang kasapi nito.

Niratipikahan ng mga mambabatas ng Pilipinas ang Rome statute, ang international treaty na bumuo sa ICC, at naging kasapi ang bansa noong Nobyembre 1, 2011.

Pirmado pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na noon ay senador ng 15th Congress, ang Committee Report No. 52, bilang suporta dito.

Pagkalipas ng mahigit 12 taon, nagpahayag si Pangulong Marcos na hindi na makikiisa ang pamahalaan sa ICC.

Ang pahayag na ito ni Marcos ay reaksyon sa bali-balitang maglalabas  ng arrest warrant ang ICC laban kay dating Pangulong Duterte, ang presidente na nag-utos na bumitaw ang Pilipinas bilang kasaping bansa sa ICC.

Naganap ang pag-alis ng Pilipinas sa international treaty sa kasagsagan ng operasyon ng pamahalaan, sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, laban sa mga tulak ng ipinagbabawal na gamot.

Pebrero 2018 nang magpahayag ang ICC na magsasagawa ito ng preliminary examination o Step 1 kaugnay ng extra-judicial killing na nagaganap sa Pilipinas.

Nang sumunod na buwan-Marso 16, 2018, nagbitiw ang Pilipinas sa ICC.

Ang sabi sa Article 127 ng Rome Statute: “Its withdrawal shall not affect any cooperation with the Court in connection with criminal investigations and proceedings in relation to which the withdrawing State had a duty to cooperate and which were commenced prior to the date on which the withdrawal became effective.”

Nangangahulugan ito na kahit ang isang bansa ay nagbitiw na bilang kasapi hindi ito dapat makaapekto sa proseso na nagaganap na imbestigasyon kaya dapat makipagtulungan pa rin ang nagbibitiw na bansa.

Makalipas pa ang mahigit dalawang taon-Setyembre 2021- lumabas ang unang desisyon ng pre-trial chamber para gawin ang Step 2 o Investigation.

Nang sumunod na buwan-Oktubre- nagpa-defer ang gobyerno ng Pilipinas. Naisipan ng mga abogado at tagapayo ni Duterte na magpa-defer para pigilan ang ICC sa plano nitong pagpapatuloy ng proseso sa pamamagitan ng paggiit  na gumugulong naman ang justice system ng bansa.

Ngunit noong Setyembre 2022, iginit ng prosecution team ng ICC na hindi sapat ang ginagawa ng Pilipinas sa imbestigasyon nito.

Nito ngang Marso 2025, inaresto si dating Pangulong Duterte. May dagdag na ulat halaw sa The Manila Times ni Lea Manto-Beltran

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -