ANG stock market ay parang isang karaniwang tindahan. Ang kaibhan lang ay ang itinitinda dito ay stocks, papel na nagpapahiwatig ng pagmamay-ari ng isang kumpanya. Nagpapalit-palit araw-araw ang mga may-ari ng mga kumpanya habang ang papel ay ipinagbibili.
Bakit mahalaga ang stock market?
Una, nabibigyan ang mga namumuhunan ng karagdagang paraan para makalikom ng kapital para palaguin ang kanilang negosyo. Kung aasa ang negosyante sa kanilang sariling savings para magtayo ng negosyo, maaaring matatagalan bago nila mailunsad ito. Ang iba pang paraan ay ang loans o pangungutang sa bangko o kaya ay bonds, pagtitinda ng papel na nagsasabi na ang kumpanyang nag-isyu nito ay magbabayad sa may-hawak nito ng halagang nakalagay sa bonds. Ang kaibhan sa huling nasabi kumpara sa stocks ay kailangan bayaran ang humahawak nito ng interes na bahagdan ng orihinal halaga ng papel. Sa stocks, binabayaran ang may-hawak o ang stockholder ng dibidendo na bahagi ng taunang profit o tubo ng kumpanya.
Ikalawa, nabibigyan din ang mga negosyante ng paraan para maka-exit sa negosyo nila sa pamamagitan ng pagtitinda nila ang stocks kapag gusto na niyang lisanin ang negosyo. Sa paraang ito, maaari nilan gamitin ang pinagbilhan para magtayo ng bagong kumpanya. Ang exit mechanism ay kailangan para magamit nang mas mahusay ang mga investible savings. Ang mga bagong may-ari ay tinatayang makagagawa ng paraan para paghusayin pa ang kita ng kumpanya sa pamamagitan ng mas mabuting pamamahala.
Ikatlo, nabibigyan ang mga mamamayan ng pagkakataon na sumali sa pagmamay-ari at pagmamaneho ng mga negosyo at kumpanya. Kahit sinong Pilipino na may valid ID ay maaaring bumili ng stocks sa market na ito. Kailangan lang nilang tawagan o padalhan ng sulat o email ang isang accredited broker na bibili ng stocks para sa kanila. Ang broker naman ay kikita sa pamamagitan ng transaction fee na ipapatong sa babayaran ng bagong stockholder.
Ang namamahala sa stock market ay isang kumpanya na ang pangalan ay Philippine Stock Exchange (PSE). Ito ay naitatag noong 1927 bilang Manila Stock Exchange, isa sa mga pinakaunang stock exchange sa Asya. Noong 1963, naitayo ang Makati Stock Exchange at nagging dalawa ang stock exchanges sa bansa. Nagkaroon ng problema sa industriya dahil sa tindi ng kumpetisyon ng dalawang exchanges na ayaw magtulungan para mapahusay ang kanilang sistema. Noong 1992, para magkakaroon ng iisang merkado, iisang presyo ang bawat stock, mawala ang bangayan ng dalawang grupo, at magamit ang grant na inialok ng Asian Development Bank (ADB) para pagandahin at palakasin ang facilities at kasanayan sa stock trading, nagkaroon ng sapilitang merger ang dalawa sa tulong ni Pangulong Ramos. At nang nagsimula ang digital trading noong 26 Hulyo 2010, nawala na ang dating magkahiwalay na trading floor ng PSE. Ang bagong ODiSy ang nagbigay ng 24/7 online system access para masumite ang lahat ng disclosures. Inilunsad din ng PSE ang bagong trading system na PSEtrade, na pumalit sa MakTrade system.
May 296 na kumpanyang nakalista sa stock market ngayon; 10 dito ay mga small- at medium enterprises (SME). Sa suma total na 1.24 milyon na establishments sa Pilipinas, 0.02% lang ang nakarehistro sa Philippine Stock Exchange (PSE). Sa mga stocks na nakarehistro, 28 ang tinatawag na blue chip stocks, kasama sa top 1,000 corporations na may proven track record sa pamamahala at paglago ng kanilang mga negosyo, malakihang pagre-reinvest ng kita para lalong lumago ang mga ito, may mataas ang dividend yield, at araw-araw na malaking trading volume. Ang mga pinakamalaking kumpanya, base sa market capitalization, ay ang SM Investments Corp., International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI), BDO Unibank, Bank of the Philippine Islands (BPI), at SM Prime Holdings. (Table 1)
Ang PSE ay isang self-regulatory organization (SRO) at binigyan siya noong 1998 ng Securities and Exchange Commission (SEC) ng kapangyarihan na manmanan ang merkado. Ang PSE ang nagsisilbing pulis sa mga miembro nito; siya ay nagi-impose ng penalties kapag nalabag ang mga ito ang mga alituntunin ng pagpapatakbo ng stock trading. Ang ibig sabihin, ang PSE ay nagi-isyu ng kanyang sariling rules at regulations. May katipunan siya ng mga rules sa governance kabilang ang code of transparency, ethics, listing, disclosure atbp. Ang lahat ng desisyon at pangyayari sa kumpanya na makakaapekto sa profits nito ay kailangang ipaalam sa PSE sa pamamagitan ng dislosure statement. Ang financial statements ng listed na kumpanya ay kailangang magpablis sa regular na updates.
Ang kapital na nalikom ng PSE ay umaabot sa P70 bilyon hanggang P156 bilyon bawat taon. (Table 2) Malaki ito sa unang tingin ngunit kung ikumpara sa pangkalahatang investment sa pambansang ekonomiya o ang Gross Domestic Capital Formation, 1.3% hanggang 3.8% na bahagdan lang ang nalilikom nitong kapital.
Kumpara sa mga ibang bansa ng Asean, ang ating stock market ay mas maliit kahit na nauna ang Pilipinas sa pagtatayo ng stock market noon pang Agosto 1927. Ang Pilipinas ay may pinakamadalang na bilang ng kumpanyang nakalista sa stock exchange, 296 kumpara sa 613 ng Singapore, 702 ng Vietnam, 858 ng Thailand, 955 ng Indonesia at 1,050 ng Malaysia.
Ang Pilipinas ay may pinakamaliit na monthly trading value, ikalima sa anim sa laki ng market capitalization, at ikaapat sa anim sa bahagdan ng GDP. Ang ibig sabihin, kumpara sa ating mga kapitbahay sa Asean, hindi pinahahalagahan ng mga Pilipino ang pag-iimpok para maging kabahagi ssa pag-unlad at paglago ng ekonomiya. Hindi rin pinahahalagahan ng ating mga negosyante ang maibahagi ang kanilang pagpupunyagi sa pamumuhunan sa kanilang mga empleado at kapwa Pilipino. Tinatawag na closely held ang karaniwang kumpanyang Pilipino; nirereserba ang pagmamay-ari ng mga kumpanya sa pamilya.
Publicly listed companies are required to comply with strict corporate
. | Table 1. Largest companies of the Philippines by market capitalization | |
# | Name | Market Capitalization |
1 | SM Investments Corporation | $19.04 B |
2 | International Container Terminal Services | $15.52 B |
3 | BDO Unibank | $15.47 B |
4 | Bank of the Philippine Islands | $13.34 B |
5 | SM Prime Holdings | $11.54 B |
6 | Ayala Corporation | $11.21 B |
7 | Ayala Land | $7.64 B |
8 | Metropolitan Bank (Metrobank) | $6.13 B |
9 | Globe Telecom, Inc. | $5.70 B |
10 | Aboitiz Power | $5.52 B |
Source: CompaniesMarketCap.com |
Table 2. Capital Raised | ||||||
Billion Pesos | ||||||
2019 | 2020 | 2021 | 2022 | 2023 | 2024 | |
TOTAL CAPITAL | 94.50 | 70.49 | 156.02 | 99.17 | 140.75 | 82.40 |
% of GDCF | 1.83% | 2.25% | 3.80% | 1.82% | 2.47% | 1.32% |
Initial Public Offering | 13.41 | 10.97 | 56.68 | 9.86 | 4.12 | n.a. |
Follow-On Offering | 43.00 | 41.16 | 60.70 | – | 87.61 | n.a. |
Private Placement | 18.09 | 5.59 | 17.95 | 27.63 | 33.86 | n.a. |
Stock Rights Offering | 20.00 | 12.77 | 20.69 | 61.68 | 15.16 | n.a. |
Gross Domestic Capital Formation (PM) | 5,153.07 | 3,129.57 | 4,103.55 | 5,437.87 | 5,690.87 | 6,263.73 |
Source: Philippine Stock Exchange at Philippine Statistics Authority |
n.a. Not available
Table 3. ASEAN Stock Markets, 2024 | ||||
Market | Market | Monthly | ||
Capitalization | Capitalization | Number | Trading | |
US$ bilyon | % of | of Companies | Value | |
GDP | US$ bilyon | |||
Indonesia | 701.78 | 47.0% | 955 | 12.32 |
Malaysia | 435.13 | 97.8% | 1,050 | 11.14 |
Philippines | 337.22 | 67.8% | 296 | 2.19 |
Singapore | 675.55 | 119.6% | 613 | 31.46 |
Thailand | 450.48 | 82.5% | 858 | 22.42 |
Vietnam | 214.31 | 43.6% | 702 | 19.30 |
Source: AseanExchanges.org |