25.4 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 18, 2025

Imee: Buwagin ang duopolyo sa telco

- Advertisement -
- Advertisement -

LAYON ng Konektadong Pinoy Act na tanggalin ang luma at hadlang na pangangailangan ng Congressional franchise para sa data transmission providers — isang hakbang upang buwagin ang deka-dekadang ‘duopoly’ at buksan ang pinto sa mas abot-kaya, mabilis, at maaasahang internet, lalo na sa mga malalayong lugar at komunidad na matagal nang napag-iiwanan.

“Bilang pangunahing may-akda, nananawagan ako sa Malacañang na huwag ibasura ang Konektadong Pinoy Act,” ani Senadora Imee Marcos. Direkta rin siyang umapela kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na suportahan ang panukalang batas. Binalaan din ng senadora na ang pagbabago o pagkatay sa panukala ay pagtataksil sa interes ng publiko at pagpapasakop sa mga oligarkiyang gustong kontrolin ang telekomunikasyon.

“Napakalungkot na matapos pumanig ang parehong Kapulungan ng Kongreso sa taumbayan, ay isasaalang-alang pa ng Pangulo na baguhin o sirain ang mismong batas,” dagdag ni Marcos, bilang tugon sa ulat na maaaring i-veto ni PBBM ang panukala.

“Panahon na para manindigan tayo para sa masa, hindi para sa mga monopolyo,” panawagan ni Senadora Marcos.

Hamon din ni Senadora Imee sa Malacañang na huwag magpadala sa puwersa ng mga makapangyarihang sektor na patuloy na nakikinabang sa baluktot na sistemang nagpapataas sa presyo ng koneksyon at nagpapabagal sa internet sa buong kapuluan.

“Pirmahan na ito. Para sa mga mahihirap na estudyanteng walang sapat na pambayad sa internet; Para sa mga may sakit na umaasa sa telekonsulta; Para sa mga nasa liblib na lugar na hindi kailanman prayoridad ng oligarkiya ang kanilang kapakanan; Para sa ating mga OFW na nakikipagsapalaran sa malayong bansa para sa pamilya,” udyok ni Marcos.

“At kung pangalan ko man ang dahilan kung bakit ayaw pirmahan ang panukalang ito, burahin niyo na lang ang pangalan ko – wag lang pahirapan ang ating mga kababayan,” dagdag pa ng senadora.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -