UNANG araw ng pagpasok sa mga publikong paaralan noong Hunyo 16. Unang araw rin ng pagpapatupad ng RA 12027, na nagtatanggal sa unang wika bilang panturo sa unang tatlong taon ng pag-aaral.
Ibig kong ibahagi ang aking unang karanasan sa pagkatuto noong panahon na English only ang wikang panturo. Pero nakatulong sa kabuuang pagkatuto ko ang aking natutuhan sa pagbasa sa aking unang wika.
Noong ako’y Grade 1 (aminin, 2 or 3 generations ago!): Ito iyong panahong English only ang wikang panturo, at English only din ang mga salitang pwedeng bigkasin sa loob at labas ng silid-aralan. Ito iyong panahong may multa, singko sentimos yata, sa bawat salitang binigkas sa loob ng klasrum, at maging sa labas nito, basta’t nasa loob ng bakuran ng paaralang publiko at pribado. Ito rin iyong panahong bawal pang basahin ang mga nobela ni Jose Rizal sa mga paaralang Katoliko. Wala pang Rizal Law noong Grade 1 ako.
Ngayon ko lang naisip: Paano kaya kung nadapa ang bata at nagasgas ang tuhod, bawal din bang dumaing ng ARAY! At sa halip ay OUCH ang dapat sabihin?
Hindi ko naranasang pagmultahin kapag nagsalita ng wikang iba sa Ingles sa loob ng paaralan. Siguro dahil makabayan ang may-ari ng pribadong paaralang pinasukan ko at hindi niya kailanman ipinataw ang patakarang ito.
English only nga ang wikang panturo pero laging may kasunod na paliwanag sa aming unang wika kaya madali naming natutuhan ang mga leksyon. Malaya rin kaming magdaldalan sa aming unang wika, ang Tagalog, nang hindi namumultahan. Pinandidilatan lamang kami ng guro naming may malalaki at madidilat na mata, na sa aking murang isipan, ay inihambing ko sa “bombilyang de-syento.” Ito ang naririnig ko noon na tawag ng matatanda sa pinakamaliwanag na bombilya – iyong ilaw na bilog at dilaw ang isinasaboy na liwanag. Pero love ko si Titser kahit “de-syento” ang mga mata niya kasi mabait siya at matiyaga sa amin. Hindi yata marunong magalit kahit pa nga si Marilyn at si Jonathan ay kapwa pa umiihi sa salawal kahit pitong taong gulang na. (Wala pang disposable diaper noon)
Kung tama ang pagkaalala ko, lima ang sabjek namin: English, Wikang Pambansa, Arithmetic, Social Studies at Writing. Hindi ko sigurado kung Social Studies nga ang tawag sa sabjek namin, basta natatandaan ko lamang na ipinakilala na sa amin, noong Grade 1 pa lang, ang mga bayani, tulad nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Marcelo H. del Pilar. Kilala ko na si Antonio Luna, dahil ang bahay namin ay nasa General Luna St. May aralin na kami tungkol sa kasaysayan; alam na namin kung sino si Lapulapu at si Magellan.
Tila hiwalay na sabjek ang Writing dahil araw-araw kaming nagsanay sumulat, at isa-isang ginagabayan ng aming guro ang aming mga kamay, una sa paghawak ng lapis, hanggang sa pagsulat ng bawat letra. Cursive, o tuloy-tuloy, ang sulat namin, hindi gaya ngayon na printed ang unang itinuturong paraan ng pagsulat. Kaya siguro, ang pangit ng sulat-kamay ng mga bata ngayon.
Sabay naming natutuhan ang English alphabet at ang Abakada. Kapag oras ng English, A B C D E ang mga letrang kinakanta namin. Kapag Wikang Pambansa (ito pa ang tawag noon, nang lumao’y naging Pilipino at Filipino), A BA KA DA E GA HA I LA MA NA NGA O PA RA SA TA U WA YA. Dalawampu (20) lahat (28 na ngayon). Kasunod ng huling titik ang tawanan naming mga bata. Natatawa kami sa huling apat na titik (T U W Y), na sa aming batang pandinig ay katunog ng TAUNG BWAYA.
Walang naging problema kahit English ang wikang panturo. Madali naming natutuhan ang “one plus one equals two” kahit pa deretsong mga numero na ang itinuro sa amin, at hindi na kinailangan pang magdala ni Titser ng mga bayabas at atis, o magpakita ng mga stick, para ituro kung paano magbilang ng one, two, three, etc. at mag-addition.
Madali ring basahin ang aming libro sa English. “I am Pepe. I am Pilar. This is our dog Bantay.” Madali lang pag-aralang basahin dahil paulit-ulit at simple ang mga salita.
Mas madali ang pagbasa sa Tagalog. Nang maituro na ang mga titik, sumunod ay ang pagdaragdag ng limang patinig (A E I O U) sa mga katinig. Kaya, ganito ang mga unang leksyon sa pagbasa: BA BE BI BO BU, KA KE KI KO KU, GA GE GI GO GU, HA HE HI HO HU hanggang sa makarating sa huling titik na Y. Kasunod ay kombinasyon na: BABA, BIBE, BIBO, KAKA, KUKO, KABA, atbp.
Dahil Tagalog ang aking unang wika at Tagalog ang mga salitang ipinabasa sa amin, madali kong naunawaan na kapag pinagsama-sama ang mga titik, at nakabuo ng mga pantig, madali nang makabuo rin ng mga salita hanggang pangungusap. Madali kong nalutas na ang Y, kapag idinugtong sa BAHA, mabubuo ang salitang BAHAY. Ganoon din kadaling basahin ang iba pang kombinasyon ng mga letra. Mahilig magbasa ang aking mga magulang at nakatatandang mga kapatid at nakakalat lang sa bahay ang mga diyaryo at magasin kaya agad kong napag-eksperimentuhan sa pagbasa ang mga nakalarawang kwento o komiks sa magasing LIWAYWAY. Kaya nang ang mga kaklase ko ay nasa RA RE RI RO RU pa lamang, nagbabasa na ako ng mga kwento at nobela sa Liwayway.
Masaya kaming bumigkas ng tulang “Ang Po at ang Opo,” sumayaw sa himig ng “Paruparong Bukid” at kumanta ng “Bahay-Kubo.” Kahit nasa English pa ang national anthem noon (Land of the morning/Child of the sun returning/With fervor burning”), madali naming namemorya ang kanta.
Wala akong naranasang hirap sa panimulang pagkatuto kahit pa tanging Ingles ang opisyal na wikang panturo noon. Ideal ang sitwasyon: labindalawa (12) o labinlima (15) lamang kami sa klasrum. Iyon ay pribadong paaralan na katatatag pa lamang kaya kaunti pa ang estudyante. Ingles ang wikang panturo pero laging may paliwanag sa aming unang wika. Madali akong nakabasa sa unang wika at ang natutuhan kong teknik sa pagbasa ay nailapat ko sa pagbasa sa Ingles nang may kaunti lamang adjustment sa pagbigkas. Maraming babasahin sa mismong bahay namin at libangan ng mag-anak ang pagbabasa. Samakatwid, magkatuwang ang paaralan at bahay sa aking pagkatuto sa panimulang pagbasa.
Napakarami kong natutuhan noong Grade 1. Naisip ko tuloy, tama yata iyong nagsabi ng: “Everything I know, I learned in kindergarten.” In my case, in Grade 1 (nag-drop-out kasi ako noong kinder nang limang taon pa lamang).
Personal ko itong karanasan pero tiyak kong marami sa inyo riyan ang natutong bumasa at nahilig sa pagbabasa sa ganito ring paraan. Pinatutunayan nito ang kahalagahan ng unang wika sa panimulang pagkatuto, hindi lamang sa pagbasa kundi maging sa aritmetika, kasaysayan, at iba pang aralin sa buhay. Pero ito ay nagaganap lamang, gaya ng nasabi na, sa ideal na sitwasyon.
Sa isang mainit at siksikang klasrum na may hindi kukulangin sa 60 estudyante, may oras pa ba si Titser na hawakan ang kamay ng bawat bata para matutong sumulat ng mga letra? May tiyaga pa ba siyang ituro muna sa Ingles ang aralin, bago ipaliwanag ito sa unang wika ng mga bata, lalo’t tinanggal na ang unang wika bilang panturo? E ano ba kung ang mga bata ay hindi matutong bumasa at umintindi ng binabasa? Ang kailangan lamang naman nila ay matuto ng sapat na survival English at sapat na manual skills para maging murang lakas paggawa sa ibang bansa.
Nagtataka pa ba kayo kung bakit laging “top the bottom” ang mga estudyanteng Pilipino kompara sa ibang bansa? Pagbati sa ating mga mambabatas at matataas na opisyal – iyan ang gusto nilang mangyari sa ating kaawa-awang bansa.