KUNG sinasabi ng malalaking mga casino na sumusunod na sila sa mga kasalukuyang regulasyon, okay yun. Ibig sabihin, hindi rin magiging problema kung magdagdag man ng paghihigpit pagdating sa online gambling.

Ang malinaw, napag-iwanan na ang ating mga batas sa bilis ng teknolohiya. Kaya nga naghain tayo ng panukalang-batas para higpitan pa ang access sa e-sugal, lalo na sa mga e-wallets at super apps.
Sa dami ng reklamo na napadali ng e-wallets at super apps ang online gambling, bakit tila tahimik ang mga kumpanyang ito? Umaasa akong magkakaroon rin sila ng sarili nilang regulasyon dahil hindi biro ang mga buhay na nasira at pwedeng masira dahil sa online gambling.
Napakaraming nagme-message sa opisina namin sa Senado, dahil sa dami na ng nalululong, nalulubog sa utang, at namamatay dahil sa bisyo na ito.
Sa ganitong sitwasyon, hindi na sapat ang pagsunod lamang sa batas. Kailangan din nating makiisa.



