NAGHAIN si Senador Win Gatchalian ng isang resolusyon upang imbestigahan ang pagkakasangkot ng mga mag-aaral sa online gambling.
Naalarma ang mambabatas na maaaring ma-access ng mga mag-aaral ang mga online gambling platforms nang hindi nababantayan ng mga nakatatanda. “Dahil nakatutok ang mga kabataan sa cellphone o computer, mas madali silang mahikayat ng online gambling advertisements na nasa websites at social media channels tulad ng Facebook, X, Instagram, TikTok, at YouTube. Nagbibigay lang sila ng pangunahing impormasyon at pagkatapos ay maaari na nilang ma-access ang iba’t ibang mga promo at cash-in options,” ani Gatchalian.
Bagama’t labag sa batas para sa mga estudyante ang magsugal, walang malinaw na pambansang polisiya o mga education-based intervention para sugpuin ang online at offline gambling sa mga paaralan.
Itinuturing ng World Health Organization ang gambling disorder bilang behavioral addiction, na may matinding pinsalang dinudulot sa mga mag-aaral, kabilang ang madalas na pagliban sa paaralan, pagnanakaw, mga suliraning sikolohikal, at pangmatagalang adiksyon.
Nakasaad sa batas na sino mang wala pang 21 taong gulang o sino mang mag-aaral ng kahit anong paaralan, kolehiyo, o pamantasan sa Pilipinas ay hindi maaaring magsugal. Ayon kay Gatchalian, nasasangkot ang mga mag-aaral sa sugal dahil sa mga e-wallets at iba pang mga digital platforms kung saan mahina ang sistema sa pagsilip sa edad, may maraming mga addictive features, at nakakapaghatid ng agarang kasiyahan.



