BILANG pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na pagbutihin pa ang serbisyong pangkalusugan para sa mga Pilipinong beterano, inaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” Pangandaman ang paglikha ng 102 posisyon para sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC).

Ipamamahagi ang bagong 102 na item sa iba’t ibang unit sa loob ng VMMC, na bumubuo sa pangalawang bahagi ng 204 na posisyon na naunang inaprubahan ng DBM noong 2024.
“Prayoridad ni Pangulong Bongbong Marcos ang mas pagbutihin ang serbisyong medikal para sa ating mga beterano at kanilang dependents. Kaya kasabay ng pagsasaayos ng pasilidad ng VMMC, inaprubahan po natin ‘yung paglikha ng 102 additional positions para mabigyan ng kinakailangang workforce ang ospital,” ayon kay DBM Secretary Mina.
“By providing quality medical service to our veterans, retired military personnel, and their beneficiaries, we are honoring their life of service with dignity and respect,” dagdag ni Sec. Mina.
Sa kasalukuyan, ang VMMC ay isang Level III, 766-bed capacity na ospital na may mandatong magbigay ng premium na serbisyong medikal sa mga beterano at mga retiradong military personnel, gayundin sa kanilang mga dependent sa pamamagitan ng comprehensive health care system.
Noong Setyembre 2024, inaprubahan ng DBM ang paglikha ng 204 na posisyon sa VMMC para dagdagan ang mga kasalukuyang kawani nito, na ipatutupad sa dalawang tranche. Ang paglikha ng pangalawang tranche ng mga naaprubahang posisyon sa VMMC ay isasakatuparan oras na mapuno ang unang batch ng mga nilikhang item sa Medical Center.
Para sa ikalawang batch ng mga bagong likhang posisyon, 66 na item ay para sa pagkuha ng mga medikal at allied medical personnel, habang 36 na mga item ang bubuksan para sa administrative at support staff.



