32.3 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Paggamit ng body-worn cameras ng mga kinauukulan, isinisulong ni Sen Raffy

- Advertisement -
- Advertisement -

ISINUSULONG ni Sen. Raffy Tulfo bilang isa sa kanyang priority bills ang Senate Bill (SB) No. 86 na nag-oobliga sa lahat ng law enforcement operatives ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magsuot ng body-worn cameras (BWCs) sa mga operasyon at imbestigasyon na kasasangkutan nila.

Nakamandato sa SB No. 86 na ang bawat isa sa mga miyembro ng team na magsasagawa ng operasyon ay kailangang may suot na kanya kanyang body-worn camera para maiwasan ang takipan o sabwatan. Sa kasalukuyang setup kasi, kapag mayroong operasyon ang awtoridad ay isa o dalawa lamang na miyembro ng kanilang team ang pinagsusuot ng mga naturang device.

Sa pamamagitan ng panukalang batas na ito, maiiwasan na ang pagpaplanta ng ebidensya, panghuhulidap at iba pang hindi kanais-nais na aktibidad tuwing ang nabanggit na mga awtoridad ay nagsasagawa ng kanilang operations.

Sa kabilang banda, proteksyon din ito para doon sa mga gumagawa ng kanilang trabaho ng maayos nang sa gayon ay hindi sila mabaliktad at mapagbintangang gumagawa ng kalokohan.

Ang mga operatiba ng mga nabanggit na ahensya ay obligadong isumite sa data custodian ng kanilang agency ang lahat ng recordings sa loob ng 48 oras pagkatapos ng kanilang operasyon.

Ang sinumang operatiba na lumabag sa batas na ito at magsasabing ang kanilang body-worn camera ay nasira, nalowbat o nabura ang data mula sa ginawa nilang operasyon ay sasailaim sa isang imbestigasyon. At kapag napatunayan na nagkasala, sila, kasama ang kanilang unit commander ay masisibak at mahaharap pa sa kasong kriminal!

Excempted sa SB No. 86 ang mga intelligence operatives na nagkakalap ng intelligence information.

Bukod sa SB. No. 86, nakatakda ring maghain si Sen. Tulfo ng kaugnay na bill kung saan isinama rin ni Idol ang mandatory na pagsusuot ng body-worn cameras sa lahat ng mga field operatives sa executive agencies at iba pang ahensya ng gobyerno na mayroong visitation, inspection, investigation at enforcement powers, gaya ng Bureau of Customs (BoC), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Bureau of Immigration (BI), Metro Manila Development Authority (MMDA), Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Labor & Employment (DOLE), National Labor Relations Commission (NLRC) at Philippine Coast Guard (PCG).

Sa parte ng Bureau of Immigration, ipapanukala ni Idol ang pagkakaroon ng video recording device sa lahat ng Immigration booths sa mga airports at seaports para imonitor ang bawat transaksyon sa mga pasaherong dumadaan dito.

Itutulak din ni Sen. Tulfo ang pagtatalaga ng video recording device sa investigation rooms ng lahat ng nasabing ahensya para mamonitor ang mga kaganapan sa nangyayaring imbestigasyon sa mga suspek o mga taong dinala nila sa kanilang tanggapan para imbestigahan.

Kabilang din rito ang pagkakaroon ng video recording device sa lahat ng kwarto kung saan magaganap ang mediation kasama ang mga kawani ng DOLE at NLRC. Gayundin, dapat ay nakasuot ng body-worn camera ang sherrif ng NLRC tuwing ito ay nagseserve ng writ of execution.

Sa parte naman ng BIR at BoC, gagawin nang mandato ang paglalagay ng video recording device sa mga lugar na nakikipagtransaksyon ang mga kawani ng mga nasabing ahensya sa mga taong pumupunta sa kanilang tanggapan.

Gaya ng probisyon ng SB No. 86, ang sinumang kawani ng gobyerno lumabag sa ipapanukalang batas na ito ay masisibak at maaari ring maharap sa kasong criminal.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -