NAGHAIN si Sen. Raffy Tulfo ng Senate Bill (SB) No. 1168 na layong ibalik sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang rehabilitasyon at maintenance ng mga pumping station sa Metro Manila na dapat ay tumutulong upang mapabilis ang paghupa ng baha tuwing malakas ang pag-ulan.
Sa isinagawang courtesy visit nina MMDA Chairman Romando Artes at iba pang opisyal ng ahensya sa tanggapan ni Sen. Raffy sa Senado nitong Agosto 11, nalaman ni Tulfo na kasalukuyang nasa DPWH ang mandato at pondo para sa rehabilitasyon ng mga pumping station, habang ang MMDA naman ang direktang nagbabantay at nagpapatakbo ng mga ito upang maiwasan ang pagbaha sa Kalakhang Maynila.
Sa paghahain ng panukalang batas, sinabi ni Tulfo na ang kasalukuyang sistema ay nagdudulot lamang ng malaking pagkaantala sa operasyon dahil dalawang ahensya ang humahawak sa mga pumping station na maaari namang italaga sa iisang ahensya.
Bilang halimbawa, ibinahagi ni Tulfo ang napagalaman niya sa kanilang pagpupulong na ang ilang pumping station sa Metro Manila na hindi gumagana, kabilang na ang isa na malapit mismo sa Senate of the Philippines, Pasay.
Nalaman din niya ang tungkol sa Sunog de Apog Pumping Station na hindi pa talaga napagana simula nang ito ay matapos gawin. Ayon sa MMDA, tumanggi silang tanggapin ang pasilidad mula sa DPWH noong turnover dahil hindi ito functional. Ang pumping station na ito sana ang tutulong upang mabilis na humupa ang baha sa kahabaan ng España Boulevard.
Binanggit din ni Tulfo ang Vitas Pumping Station sa Tondo, Maynila na umano’y isinailalim sa rehabilitasyon ng DPWH kahit hindi pa ito nakatakdang isaayos.
Ayon kay Tulfo mas pamilyar ang MMDA sa kalagayan ng mga pumping station na sakop ng kanilang hurisdiksiyon, kaya’t dapat ang ahensya ang magsagawa ng rehabilitasyon kapag kinakailangan. “The current bureaucratic set-up could lead to delays, reducing the efficiency and capacity of critical flood control infrastructure during heavy rainfall,” saad niya.
Dagdag pa ni Sen. Raffy, ang MMDA, na may sapat na karanasan at direktang presensya sa Metro Manila, ay mas handang magpatupad ng “proactive and responsive strategy” para sa rehabilitasyon at maintenance ng mga pumping station.
Noong 2018, sa pagtataya ng Japan International Cooperation Agency (JICA) umaabot sa P2.4 bilyon kada araw ang gastos sa transportasyon sa Metro Manila dahil sa nasasayang na gasolina at nawawalang produktibidad bunsod ng pagkaantala sa trapiko, at mas tumataas pa ito tuwing panahon ng bagyo.
Tinukoy din ni Tulfo na isa sa mga rekomendasyon ng World Bank upang epektibong matugunan ang malalaking pagbaha sa hinaharap ay ang modernisasyon ng mga kasalukuyang pumping station sa Metro Manila, na sakop ng hurisdiksiyon ng MMDA.
Sinabi ni Tulfo na ang panukalang batas na ito ay mahalagang interbensyong lehislatibo upang bigyang-kapangyarihan ang MMDA na mas epektibong pamahalaan, i-upgrade, at isaayos ang mga pumping station sa kanilang hurisdiksiyon, na nagsisilbing pangunahing depensa laban sa mapaminsalang epekto ng pagbaha.



