MAHIGIT 115,000 minimum wage earners mula sa 398 establisimyento sa iba’t ibang rehiyon ang nakinabang mula sa murang bigas sa ilalim ng programang “P20 Benteng Bigas Meron (BBM) Na para sa mga Minimum Wage Earners” sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Sa kanyang 2025 State of the Nation Address (SONA), pinuri ng Pangulo ang matagumpay na paglulunsad ng programa, at binigyang-diin ang pangako ng pamahalaan na magbigay ng abot-kayang halaga ng bigas nang hindi isinasakrpisyo ang kalagayan ng mga magsasaka.
“Napatunayan na natin na kaya na natin ang bente pesos sa bawat kilo ng bigas nang hindi malulugi ang ating mga magsasaka,” pahayag ni Pangulong Marcos, Jr., at binanggit ang matagumpay na paglulunsad ng programa sa San Juan, Pangasinan, Cavite, Occidental Mindoro, Cebu, Bacolod, Guimaras, Siquijor, [at] Davao del Sur.”
“At dahil sa ilalaan natin na isangdaan at labingtatlong bilyong piso upang palakasin ang mga programa ng DA, ilulunsad na natin ito sa buong bansa sa pamamagitan ng daan-daang KADIWA store at center sa iba’t ibang lokal ng pamahalaan,” dagdag ng Pangulo.
Orihinal na nakalaan para sa mahihirap na sektor, tulad ng senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, at benepisyaryo ng 4Ps, pinalawig ang programa para isama ang mga minimum wage earner sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Agriculture (DA). Pormal na inilunsad sa buong bansa ang pinagsamang inisyatiba noong ika-13 ng Hunyo 2025 bilang bahagi ng mas malawak na pangako ng administrasyon na gawing mas abot-kaya ang halaga ng mga pangunahing bilihin.
Binigyang-diin ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na mas palalawakin ang saklaw ng programa at titiyakin na pangmatagalan ang pinagsamang layunin ng DOLE at DA.
“Gusto natin na mas maraming makinabang. Gusto namin kasing ma-assure na ‘yung sustainability ay nariyan. Ang ultimate na pangarap at layunin ng DA at DOLE ay maabot natin ‘yung lahat ng dapat mabigyan ng tulong. Mapalakas ang kanilang kakayahan na makabili ng mga produkto ng ating mga magsasaka,” pahayag ni Secretary Laguesma sa naunang press briefing.
Benepisyo para sa mga minimum wage at informal sector workers
Isang buwan matapos ang paunang paglulunsad nito, mahigit 100,000 minimum wage earners at mahihirap na manggagawa ang nakinabang mula sa programang “P20 Benteng Bigas Meron (BBM) Na para sa mga Minimum Wage Earners”, ayon sa ulat ng kagawaran ng paggawa.
Batay sa datos mula sa Bureau of Workers with Special Concerns ng 31 Hulyo 2025, may kabuuang 115,827 minimum wage earners mula sa 398 na establisimyento ang nakabili ng bigas sa halagang P20 bawat kilo sa ilalim ng subsidy program.
Kabilang sa mga benepisyaryo ng programa ang mga empleyado ng clothing and lifestyle brand sa Pasay City, kung saan parehong nagpahayag ng pasasalamat ang mga empleyado at management sa inisyatibang ito ng pamahalaan.
“Nagpapasalamat po ako kasi isa po ako sa nabigyan ng ganitong programa. Malaking tulong din po sa amin ito bilang isang empleyado, kasi nakakatipid po ito,” pahayag ng empleyadong si Darlyn Toriyas sa ginanap na pamamahagi na pinangunahan ng DOLE-National Capital Region.
“We are very fortunate and happy na pinagbigyan tayo ng DOLE to be part of their project na 20 pesos per kilo [bigas], na naisakatuparan na rin sa suporta ng gobyerno natin,” wika ni Admin Division Officer Dolores Canlas, na nagpahayag ng pasasalamat sa ngalan ng management.
Nakinabang din ang mga impormal na manggagawa na nabigyan ng pansamantalang trabaho sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD), kung saan sila ay tumulong sa paghahakot, pagbubuhat at pagre-repack ng bigas. May 368 manggagawa ng TUPAD ang nabigyan ng trabaho, na ang sahod ay batay sa umiiral na minimum na sahod sa kanilang mga rehiyon. Umabot ito ng higit sa P2 milyon kabuuang sahod.
Habang patuloy na inilalapit ang programa sa mas maraming manggagawa, pinalalakas din ng DOLE ang pakikipagtulungan sa mga employer at manggagawa upang mapanatili ang programa at matiyak ang epektibong pamamahagi ng murang bigas.



