29.1 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Lacson, pinangalanan ang DPWH exec sa maagang budget insertions

- Advertisement -
- Advertisement -

PINANGALANAN ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Linggo ang isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na diumano’y tumawag at nag-imbita sa hindi bababa sa isang mambabatas na magsagawa ng maagang insertions sa panukalang pambansang budget para sa 2026.

Larawan mula sa Facebook page ng Senate of the Philippines

Ayon kay Lacson, may tumawag na nagpakilalang si “Undersecretary Cabral” sa isang staff ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III makalipas ang halalan sa Senado noong Mayo. Hiningi umano nito ang nais nilang ipasok sa National Expenditure Program (NEP) para sa 2026.

“Sasabihin ko na, si ‘Undersecretary Cabral’ daw ang tumawag sa kanyang (Sotto) staff at sinabing magsingit kayo dito ng gusto n’yong isingit. E di wala na. Kung isa si Sen. Sotto na in-offer-an, sino pa ang na-offer-an ng ganoon at sino ang nag-submit?” ani Lacson sa isang panayam sa DZBB radio.

“Si Sen. Sotto, sabi niya sa akin, hindi ako nag-submit. Ito nga ang ating ina-advocate, pagkatapos magsa-submit ako ng insertion? Yan ang sagot niya sa akin. Ngayon, ilang miyembro ng Kamara ang nakapag-insert, ilang miyembro ng Senado ang nakapag-insert?” dagdag niya.

Nakalista sa website ng DPWH si Maria Catalina Cabral bilang undersecretary for Planning, Public-Private Partnership, and Information Management Services.

Ani Lacson, ang NEP para sa 2026 ay inihahanda na bago pa man binatikos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga mambabatas sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28. Paliwanag niya, nagsimula ang budget call noong Enero 2025 at malamang natapos ng Hunyo, para maipasa ito sa Kongreso sa loob ng 30 araw matapos ang SONA ng Pangulo.

Ibinunyag din ni Lacson na humiling siya ng mga kaukulang rekord mula sa DPWH. Aniya, may nakita siyang daan-daang “distinct” na entry, kabilang ang 660 item ng parehong proyekto na tig-P100 milyon ngunit walang malinaw na stationing o deskripsyon.

Ikinalungkot ni Lacson na dahil sa ganitong sabwatan ng mga ahensya tulad ng DPWH at mga mambabatas, posibleng mawalan ng saysay ang checks and balances ng proseso ng pagba-budget.

Aniya, maaaring ito rin ang dahilan kung bakit nanawagan si Executive Secretary Lucas Bersamin sa Kamara na pakinggan ang panawagan ng publiko para sa buong pananagutan at “linisin muna ang sariling bakuran.”

“Mawawala lang ang safeguards pagka-nagkaroon ng sabwatan, pag may collusion. Kasi kung mawawala ang check and balance, mawawala ang lahat ng safeguards. Maski may safeguards, babalewalain. Tulad ng nasaksihan natin sa pagdinig ng DBCC, lumalabas na sa NEP pa lang meron nang sabwatan ang legislators at DPWH,” aniya.

Samantal, tiniyak ni Sen. Lacson kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Linggo ang buong suporta laban sa mga mapagsamantala na sangkot sa katiwalian sa likod ng mga palpak at guniguning flood control projects.

Ani Lacson, ginagawa niya at ng kanyang staff ang pagkalap ng ebidensya laban sa mga ganid na ito, at pati na rin ang kanilang kasabwat sa gobyerno at pribadong sektor.

“We feel you, Mr. President. You have given me and my team the firm resolve to do our part in exposing, even compiling solid evidence to nail these ‘greedy flood-control profiteers’ and their cohorts both in the public and private sectors. We have your back, Sir,” aniya sa X.

Sa isang teaser video ng kanyang podcast noong Sabado ng gabi, tila naiiyak ang Pangulo at sinabing siya ay labis na nababahala para sa mga Pilipinong nahihirapan habang ang mga sakim ay patuloy na kumikita.

Ayon sa Pangulo, nagsusumikap nang husto ang karaniwang Pilipino para sa kanilang pamilya ngunit sila pa ang naghihirap. “Mabuti kung masamang tao yan, dapat parusahan. Hindi naman. Walang ginawa iyan kundi magtrabaho, kundi mahalin ang pamilya. Ba’t mo paparusahan? Para magpayaman ka? That makes no sense to me,” aniya.

Noong Agosto 20, nagtalumpati si Lacson sa Senado at ibinunyag ang korapsyon sa likod ng mga substandard at ghost flood projects. Ipinagpasalamat din niya ang pahayag ng Pangulo na “Mahiya naman kayo” para sa mga mambabatas na sangkot sa katiwalian, gayundin ang pagtatatag ng Sumbong sa Pangulo website na nagbibigay-alam sa publiko ukol sa estado ng mga flood control projects sa buong bansa.

Noong nakaraang weekend, sinabi ni Lacson na handa siyang magbigay ng matitinding ebidensya sa bagong pamunuan ng DPWH laban sa mga “rotten fruits” ng ahensya.

Sa Miyerkules, Setyembre 10, nakatakdang ipagpatuloy ni Lacson ang kanyang pagbubunyag tungkol sa katiwalian sa likod ng mga substandard at ghost flood control projects sa isa pang privilege speech.

Basahin rin sa : https://pinglacson.net/2025/09/07/lacson-names-dpwh-exec-in-early-budget-insertions/ Video: https://www.youtube.com/watch?v=Vv98RX7Gwsc at  https://pinglacson.net/2025/09/07/lacson-to-president-we-have-your-back-vs-flood-control-profiteers/

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -