(Huli sa 2-serye)
SIGURO’Y napansin n’yo na ang master talk show host na si Boy Abunda ay bumabanggit ng linyang ‘Be Juan Tama’ sa pagtatapos ng kanyang pang-araw-araw na programang ‘Fast Talk with Boy Abunda.’ Napapakinggan ito sa radyo man o sa telebisyon tuwing hapon. Ito’y sapagkat kasama ang naturang program ani Abunda sa mga nanguna sa kampanyang ‘Be Juan Tama’ na inilunsad ng Entertainment Group ng GMA kamakailan. Nandoon mismo si Boy Abunda sa naganap na MOA signing sa GMA kasama ang mga partner organizations na nakasuporta rito.

Ano nga ba ang layon ng naturang kampanya? Ito’y upang itaguyod ang makabuluhan at nakaaaliw na panoorin sa telebisyon. Tatlong programa agad ng GMA ang nakasama rito; at masasabing ang mga ito’y ligtas panoorin ng buong pamilya. Ang panawagan ay ‘Maging Juan Tama’ (at huwag maging Juan Tamad) sa paghahanap ng makabuluhang panoorin sa telebisyon.
Sabihin man ng marami na kakaunti na lang ang palabas sa telebisyon na maituturing na pambata at child-friendly, hindi nagpabaya ang GMA Entertainment Group upang patuloy tayong hatdan ng magagandang programa. Hindi lang basta’t nakaaaliw ang mga ito kundi mayaman din sa kaalaman; tama ang lahat ng facts at datos na ibinibigay sa mga manonood. Sabi nga, mas tumatatak sa puso’t isipan ang palabas kung nage-enjoy ang mga manonood habang natututo.

Hangad nati’y magpasimula ang kampanyang ‘Be Juan Tama’ upang magkaroon ang bawat network, hindi lamang ang GMA, ng pagsasaalang-alang at pagtatampok sa mga programang family-friendly. Di ba’t ito naman ang pangarap natin sa media landscape ng bansa? Mas maraming panooring child-friendly, mas mabuti.
Sa unang salvo ng ‘Be Juan Tama’, tatlong programa ng GMA na tumatalakay sa science, nature, at showbiz ang agad itinampok. Siyempre, dapat kilalanin ang mga efforts ng mga content creators na nasa likod ng bawat programa: ang mga writers, producers, director, at cameramen, na sinisigurong magaganda ang bawat palabas. Bagama’t ang mga hosts ang masasabing ‘mukha’ ng programa, alam nating sa likod nito ay nandoon din ang mga responsableng broadcast at digital media practitioners.

Heto ang tatlong programa ng GMA na nakabilang sa kampanyang ‘Be Juan Tama’:
Una ay ang Amazing Earth. Isa itong nature adventure program na nagtatampok ng mga lessons upang mapangalaan at mapaunlad ang kalikasan sa pamamagitan ng mga wildlife stories. Kakikitaan din ang show ng kawili-wiling adventures; at may countdown pa ng mga tampok na wildlife features. Ang actor at game show host na si Dingdong Dantes ang host nito.
Pangalawa ay ang I-Bilib na isang educational program para sa mga bata. Nilalayon nitong magturo ng kaalamang pang-Science sa pamamagitan ng mga experiments, games, at iba pang anyo ng paglalaro. Nais din nitong sagutin ang lahat ng tanong tungkol sa kung ano-anong paksang kaugnay ng Siyensiya. Hindi ba’t mas masarap matuto kapag parang naglalaro ka lang? Ang TV host at atletang si Chris Tiu ang host nito.
Pangatlo ay ang Fast Talk with Boy Abunda, isang entertainment talk show na naghahatid ng mga makatotohanang balitang showbiz at life lessons sa pamamagitan ng kumbersasyon ni Abunda sa kanyang mga panauhing celebrities. Alam natin na mahiligin ang marami sa atin sa mga balitang showbiz. Sa naturang programa, mahusay na nai-extract ni Abunda ang pananaw ng mga artista sa buhay – sa loob o labas man ng showbiz. May napupulot tayong life lessons sa kanilang karanasan.

Upang lalo pang mapatatag ang kampanyang ‘Be Juan Tama’, naki-partner ang GMA Entertainment Group sa iba’t ibang institusyon. Nagpahayag ng suporta ang mga organisasyong ito sa kapuri-puring hakbang na ginawa ng GMA, kasama ang:
- National Council for Children’s Television (NCCT). Ang NCCT ay isang government agency na naka-attach sa Department of Education. Isinusulong nito ang paglikha at pagpapalabas ng mga programang pambata na akma sa edad at development ng bata.
- Anak TV Foundation. Isa itong kilalang advocacy organization na nagtutulak sa TV literacy at sa mga naisin nito para sa isang child-sensitive at family-friendly TV viewing sa bansa. Ito rin nagbibigay ng taunang ‘Anak TV seal’ sa mga programang family-friendly at ng ‘Makabata Awards’ para sa mga TV personalities at celebrities na nagtataglay ng magandang imahe sa screen.
- World Wild Fund for Nature–Philippines (WWF-Philippines). Isa itong independent conservation organization na naglalayong pigilan (at kalauna’y maibalik sa dati) ang tumitinding pagkasira ng kalikasan ng Pilipinas.
- Office of Civil Defense. Ito ang nangungunang organisasyon sa larangan ng Civil Defense and Disaster Risk Reduction Management tungo sa pagbuo ng isang ligtas at resilient na bansa.
- PEP.ph Ang PEP o ang Philippine Entertainment Portal ay ang nangungunang website sa entertainment news and lifestyle sa Pilipinas.
- Philippine Women’s University. Ito’y isa sa nangungunang educational institution sa bansa. Itinataas nito ang ‘transformative at inclusive education.’ Pinahahalagahan nito ang espiritwalidad, excellence, family values, heritage, community service, at citizenship.
Sa pamamagitan ng kampanyang ito, maaasahang patuloy na magdudulot ang tatlong nabanggit na programa ng makabuluhan at masayang panoorin sa bawat Pilipino. Hihikayatin din nito ang mga manonood na laging piliin ang tamang kaalaman, tamang impormasyon, at tamang values.
Nais din nilang bumisita sa mga eskuwelahan at pamantasan sa buong bansa sa pamamagitan ng pagdaraos ng ‘GMA Masterclass.’ Tatawagin nila itong ‘Be Juan Tama Conversation Series.’ Makiki-collaborate sila sa GMA Synergy at GMA Regional TV. Ayon kay Michelle ‘Mike’ Rivera, creative consultant ng GMA, ang pagkakaroon ng GMA Masterclass Series ay makakaengganyo sa mga estudyante na palaganapin ang mensaheng nakapaloob sa kampanyang ‘Be Juan Tama.’ Magsasagawa sila ng mga aktibidad at mga talakayan sa loob ng kampus.
Inaasahan din nilang maisama ang ilan sa mga hosts ng mga nabanggit na programa sa pagtungo sa mga eskuwelahan. Ang binabalak nilang unang Masterclass event ay inaasahang dadaluhan ng 1,200 student leaders at student influencers mula sa 12 unibersidad sa Metro Manila. May kick-off sana ang GMA Masterclass sa San Sebastian College-Recoletos nang araw na idinaos ang MOA signing sa GMA. Subalit na-postpone ito dahil sa masamang panahon.

Narito’t tingnan natin ang nilalaman ng ‘Matuto. Matuwa. Be Juan Tama’ pledge:
I commit to devote my talent and expertise in pursuit of knowledge and learning based on fun and facts.
To create spaces for valuable entertainment, relevant content, and meaningful conversations.
To use my voice to advocate positive values and to spread goodness.
And to dedicate my influence to encourage my fellow filipinos to choose facts,
To choose the right information, and to be Juan Tama.
Tayong lahat ang tinutukoy na Juan Tama. Bawat isa sa atin ay kasama sa kampanyang ito. Hangga’t pinipili natin ang wasto’t makabuluhang panoorin sa telebisyon, ang spirit ni Juan Tama ay patuloy na mananahan sa atin. Goodbye na kay Juan Tamad. Hello, Juan Tama!

